Inis na ibinagsak ni Thea ang pinto ng ref nang hindi niya makita roon ang sandwich na pabaon ng nanay niya.
“Bakit nakasimangot ka?” puna ng katrabaho niya na si Kayla.
Ang totoo ay ‘Karlo’ ang pangalan nito, ngunit unang araw pa lang ay umamin na ito bilang may pusong babae.
Simula noon ay tinawag na nila itong ‘Kayla.’
“May kumain na naman ng sandwich ko sa ref. Pang-ilan na ‘to,” tila batang sumbong niya.
Napapalatak ito.
“Naku! Uso nga ‘yan, girl! Kaya ikaw papangalanan mo ang pagkain mo kapag nilalagay mo rito sa pantry. Para sigurado,” payo nito.
Napatango na lang siya. Naisip niya na marahil ay tama ang kaibigan.
Kaya naman nang sumunod na araw ay siniguro niya na may maliit na piraso ng papel na nakadikit sa baunan niya bago niya iyon inilagay sa ref.
Ngunit sa gulat niya ay muling naglaho iyon na parang bula. At hindi siya sigurado kung sino ang salarin.
“Sino ba ang nangunguha ng pagkain rito?” inis na inis na bulalas niya habang hawak ang baunan niya na wala nang laman.
“Aba, nag-level up na pala ‘yung magnanakaw ng pagkain! Dati, ‘yung mga tira at walang pangalan lang ang nakukuha. Aba, ngayon, wala na palang pinaliligtas,” naiiling na komento ni Kayla.
“Halika na nga, hahatian kita ng baon ko,” paanyaya nito nang mapansin nito na masama pala ang timpla niya.
Bago pa siya makaimik ay nahila na siya ng katrabaho.
Habang kumakain sila ay hindi niya maiwasan na magtanong. Mas nauna kasi si Kayla nang ‘di-hamak tungkol sa kaniya.
“Matagal na bang nangyayari ang ganito? Bakit nagkakandawala ang mga pagkain rito?” aniya.
Umiling ito.
“Ang totoo, matagal na. Hindi namin alam kung sino ang kumukuha kasi ni minsan ay wala pa kaming na-tiyempuhan.”
Hindi tuloy maiwasan ni Thea na mapaisip. Marahil kaya hindi nahuhuli ang salarin ay dahil sa walang sumusubok.
Dahil doon ay isang ideya ang pumasok sa isip niya.
“Kayla, bakit kaya hindi natin hulihin ang salarin?” tanong niya, habang may naglalarong ngiti sa kaniyang mga labi.
“Ano? Paano?” usisa naman nito.
Dahil sa interes ng dalawa ay gumawa sila ng mga plano kung paano malalaman kung sino ang salarin.
Inobserbahan nila ang mga taong pumapasok ng pantry sa tuwing oras ng tanghalian—limang tao ang posible na nangunguha ng pagkain sa ref nila, kasama na ang boss nila.
“Sino kaya sa lima ang salarin?” tanong niya.
Iyon ang laman ng diskusyon ng magkaibigan habang kumakain sila ng pananghalian.
“S’yempre hindi si boss ‘yan!” natatawang sagot nito.
Nagkatawanan ang magkaibigan bago nag-isip ng susunod nilang hakbang. Ang ikalawang yugto ng plano nila ay gagawin nila sa gaganapin maliit na salo-salo sa Biyernes.
Dumating ang Biyernes. Nilagay ni Thea ang baon niyang tinapay sa ref, at gaya nga ng inaasahan, bago mag-tanghalian ay wala na iyon.
Bandang alas tres ay ipinatawag ang lahat para sa buwanan nilang meeting. S’yempre, siniguro nila ni Kayla na hindi papalya ang plano nila, kaya naman umupo sila kung saan nakaupo ang mga taong pinaghihinalaan nila.
Matapos ang meeting ay may mga pagkain na ibinigay sa kanilang mga empleyado. Nagpanggap si Thea na masama ang timpla ng tiyan.
“O, Thea. Bakit hindi ka kumakain?” usisa ni Kayla, bilang parte ng plano nila.
Sa malakas na boses ay sinagot niya ang kaibigan.
“Hindi kasi ako makakain,” sagot niya.
“Bakit naman?”
“Masakit kasi ang tiyan ko ngayon. Tumawag sa akin ang nanay ko, mukhang may problema raw ‘yung kinain naming karne kagabi, kasama na ‘yung pinabaon niya sakin, kasi bulok na pala ‘yung karne na ginamit….”
Umaktong nasusuka si Kayla.
“Naku, buti pala hindi mo nakain! Kung hindi sa ospital ang bagsak mo. Mahal pa naman ang gastos!” ani Kayla.
Napapitlag ang magkaibigan nang isang tao ang tumayo. May nakikita siyang bakas ng takot sa mukha nito.
“Ako, ako ang kumain ng pagkain mo, Thea!” pag-amin nito.
Nagkatinginan silang magkaibigan. Ang umamin kasi ay walang iba kundi ang boss nila!
Noon nila nalaman ang dahilan nito sa pagpupuslit ng pagkain.
“Wala na kasi akong oras para magluto pa. Kaya kung anong meron sa ref, ayun na ang kinukuha ko… Sorry, hindi ko na uulitin…” nahihiyang paliwanag nito.
“Noong una, paminsan-minsan lang. Hanggang sa hindi ko namalayan na araw-araw na pala akong kumukuha ng pagkain na hindi sa akin. Kaya tama lang na ma-ospital ako, kagagawan ko rin naman. Karma ko na ito,” kwento pa ng boss nila.
Nagkatinginan sila ni Kayla bago napahagikhik.
“Boss, hindi totoo na sira ang karne. Walang problema sa kinain mo. Drama lang namin ni Kayla ‘yun para mapaamin ang salarin. Wala kang dapat ipag-alala,” aniya.
“Pero boss, sa susunod, magsabi ka sa amin. Bibigyan ka naman namin ng pagkain, magsabi ka lang,” hirit ni Kayla.
“Saka boss, medyo nakaka-badtrip talaga kapag nawawala na lang bigla ‘yung pagkain…” himutok ni Thea.
“Sige. Bilang pagbawi, ako naman ang magbabaon, pero ikaw ang kakain!” naiiling na sagot ng boss niya.
“Ayun! Ayos po ‘yun!” aniya.
Nagkatawanan na lang silang tatlo. Sa wakas, nasagot na ang misteryo at higit sa lahat, wala nang mawawalang pagkain!