
Pangarap ng Maybahay na Ito na Maikasal sa Simbahan; Matupad pa Kaya ang Munti Niyang Pangarap?
“Ano nga ulit ang sinabi mo?” mariin na tanong ng tatay ni Clara.
Napayuko na lang siya sa takot nang mahimigan niya ang galit sa boses nito. Inipon niya muna ang lahat ng natitirang lakas ng loob bago nagsalita.
“B-buntis po ako,” aniya.
Matinding galit ang bumalatay sa mukha ng kaniyang ama habang ang ina naman ay halos mahimat@y sa gulat at sama ng loob.
“Clara, ang bata-bata mo pa. Paano ang pag-aaral mo? Ano na ang plano mo?” malumanay na usisa ng ina niya, bagaman bakas sa mukha nito ang pagkabalisa.
“Bubuhayin po namin ang bata. Nag-usap na po kami ni Jerome, hihinto po siya sa pag-aaral para magtrabaho at makaipon. Kapag nakapanganak na po ako at kaya ko na, magtatrabaho rin po ako,” paliwanag niya.
Wala siyang magawa kundi ang impit na mapaiyak habang nakikita ang pagkadismaya sa mata ng mga magulang.
Gayunpaman, wala na siyang ibang magagawa pa. Tanggap niya na siya ang may kasalanan at kailangan niyang harapin iyon.
“’Wag ho kayong mag-alala. Pipilitin po naming hindi maging pabigat sa inyo,” bagsak ang balikat na pangako niya sa mga magulang.
Nanirahan sila ni Jerome sa isang maliit na bahay na nirentahan nila. Kung ano-ano ang trabaho na pinasok ng nobyo para lang kumita pero ni minsan ay hindi ito nagreklamo.
Pilit nilang tinupad ang pangako sa mga magulang. Papanindigan nila ang nangyari at tatayo sila sa sariling mga paa.
Nang isilang niya ang anak ay mas lalo silang nahirapan. Kailangan na kasi nilang balansehin ang pagtatrabaho at pagiging magulang.
May mga araw na gusto na niyang sumuko pero kapag nakikita niya ang anak ay nagkakaroon siya ng lakas ng loob. Unang kita pa lang niya rito ay minahal niya na ito nang lubos. Hindi niya maatim na tawagin ito na isang pagkakamali, dahil isa itong biyaya.
Ilang taon ang lumipas at sa awa naman ng Diyos ay nalagpasan naman nila ang hamon ng buhay at kahit papaano ay mas maayos na ang lagay nila.
Isang araw, abala siya sa pamimili sa palengke kasama ang anak nang isang boses ng babae ang tumawag sa kaniya.
“Clara, ikaw na ba ‘yan?”
Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang lingunin niya ang tumawag sa pangalan niya, na walang iba kundi ang matalik na kaibigan niyang si Jessica.
Agad silang nagyakap. Ngayon na lang ulit sila magkita pagkatapos ng mahaba-habang panahon. Pinakilala niya sa kaibigan ang kaniyang anak, na noon ay sampung taong gulang na.
“Kumusta ka na?” tanong niya sa kaibigan.
“Heto, ikakasal na rin sa wakas. Sa katunayan, pupuntahan ko nga ang pinagawa kong wedding gown ngayon. Gusto mo bang sumama? Para naman makapag-usap pa tayo nang matagal-tagal!” sagot nito habag may matamis na ngiti.
Wala tuloy siyang magawa kundi ang sumang-ayon. Sinamahan nila ang kaibigan sa lugar kung saan nito pinagawa ang susuutin nitong wedding dress.
Habang nakatitig sa naggagandahang mga damit, sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng inggit at panghihinayang. Mula pa kasi noong bata siya, pangarap niya nang makapagsuot ng magandang wedding gown at ikasal sa simbahan.
Ngunit hindi iyon natupad matapos siyang mabuntis nang maaga. Dahil sa hirap ng buhay, mas pinili niyang ikasal na lang sa huwes. Tinalikuran niya ang pangarap para sa anak.
“Gusto mo bang subukang isuot? Naalala ko pangarap mong magsuot ng ganito noon,” udyok ng kaibigan.
“Naku, hindi na. Masyado na akong matanda para riyan!” agad na tanggi niya, ngunit mapilit ang kaibigan.
Sa huli, wala siyang nagawa kundi pagbigyan ito. Nang makita niya ang sarili sa salamin, parang kinukurot ang kaniyang puso. Alam niya kasi na hindi niya na matutupad pa ang pangarap na maikasal sa simbahan kahit kailan.
“Hindi ba kayo nagpakasal ni Jerome sa simbahan noon?” maya-maya ay usisa ni Jessica. Marahil ay nakita nito ang inggit sa mga mata niya.
Umiling siya bago tipid na ngumiti.
“Mas prayoridad namin ang anak namin. Wala akong pinagsisisihan pero minsan hindi ko lang maiwasang isipin,” aniya habang hinahaplos ang buhok ng kaniyang anak.
Matuling lumipas ang panahon. Sa wakas, nakatapos ng pag-aaral ang anak at nagkaroon ng magandang trabaho.
“’Ma! Happy birthday! Nasa kwarto ko po ang regalo ko sa inyo ni Papa. Halika! Dali!”
Sabik na sabik ito kaya’t hindi niya maiwasang magtaka. Isang malaking kahon ang naabutan niya, ang regalo na tinutukoy nito.
“Ang laki naman! Ano ba ito, anak?” nagatatakang usisa niya.
“Sorpresa po! Buksan mo na, Mama! Sigurado ako na magugustuhan mo ‘yan dahil alam kong pangarap mo ‘yan!” anito na may matamis na ngiti.
Dahan-dahan niyang binuksan ang kahon na masyadong maganda ang balot. Tumambad sa kaniya ang isang napakagandang wedding gown.
“A-anak, para saan ito?” hindi makapaniwalang tanong niya sa anak.
Ngumiti ito.
“Sampung taong gulang ako noon. Tandang-tanda ko pa ang usapan n’yo ni Tita Jessica. Ang sabi niyo po noon, pangarap mo na makapagsuot ng wedding gown at maikasal sa simbahan pero hindi nangyari dahil mas pinili niyo ni Papa na alagaan ako. Mula noon, hindi ko na po iyon nakalimutan kaya sinabi ko sa sarili ko na balang araw, tutuparin ko ang pangarap niyo bilang pasasalamat dahil kahit kailan hindi niyo ako pinabayaan at minahal niyo ako nang lubos. Heto na po iyon, Mama,” paliwanag ng kaniyang anak.
Tumulo ang luha ni Clara. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Ngunit mas lalo siyang nagulat nang pumasok ang asawa niya sa silid. Nakasuot ito ng barong at malawak ang ngiti. Binigyan siya nito ng isang bungkos ng puting rosas na pabilog ang pagkakaayos.
“Tayo na sa simbahan, mahal,” yaya nito.
Patuloy lamang sa pagluha si Clara. Tila sasabog ang puso niya sa labis na saya, lalo na noong maisuot niya ang magandang gown.
“Masaya ako na ikaw ang naging ina ng anak ko. Napakaswerte naming mag-ama sa’yo,” buong pagmamahal na pahayag ng asawa niya.
Niyakap niya ang kaniyang mag-ama—ang buhay niya. Hindi niya akalain na darating ang araw na matutupad ang munti niyang pangarap. Masayang-masaya siya at wala nang mahihiling pa.