Inday TrendingInday Trending
Nagulat na Lamang ang Babae Nang Kumustahin Siya ng Kaniyang ‘Kumare’; Bakit Kaya Naimbyerna Ito sa Kaniya Dahilan Upang I-Block Siya Nito sa Social Media?

Nagulat na Lamang ang Babae Nang Kumustahin Siya ng Kaniyang ‘Kumare’; Bakit Kaya Naimbyerna Ito sa Kaniya Dahilan Upang I-Block Siya Nito sa Social Media?

“Mare, kumusta na? Belated Merry Christmas!”

Iyan ang bungad sa Messenger ni Annita, nang tingnan niya sa kaniyang cellphone kung sino ang nag-chat sa kaniya.

Si Beverly, ang isa sa mga naging kaklase niya noong nasa kolehiyo. Hindi naman sila naging malapit sa isa’t isa dahil may kaniya-kaniya silang grupo ng mga kaibigan.

At isa pa, bakit naman siya tatawaging mare?

“Puwede ba akong tumawag sa iyo?” tanong nito.

Wala naman sigurong masama. Baka mangungumusta lang. “Sige,” aniya.

Wala pang 5 segundo ay nag-ring na ang kaniyang telepono. Video call. Nagbilang muna ng 15 segundo si Annita bago niya sinagot ang tawag.

“Uy, Annita! Kumusta ka na? Si Beverly ito. Naalala mo pa ba ako? Nananaba ka yata ah… parang kinain mo ang dating ikaw… pero maganda ka pa rin, huwag kang mag-alala,” pagbati nito sa kaniya.

Sumulak ang dugo sa ulo ni Annita sa bungad ng pagbati nito, ngunit pinili niyang kumalma.

“Oo nga eh, ganoon nga yata talaga kapag nagkaasawa na. Ikaw, mukhang nangangayayat ka, okay ka lang ba? Parang pagod na pagod ka,” puna naman niya sa kapayatan nito. Na totoo naman dahil kapansin-pansin ang pagkahapis ng mga pisngi nito.

“Hay naku, sinabi mo pa! Ang mister ko kasi ay medyo pasaway! Mahilig sa chicks! Oo nga pala mare, ninang ka sa binyag ng anak ko,” wika ni Beverly.

“Ah ganoon ba? Kailan ang binayagan para naman mailagay ko na sa schedule ko,” saad naman ni Annita.

“Ay noong nakaraang taon pa nabinyagan ang inaanak mo! Ngayon lang kita nasabihan kasi ngayon ko lang nalaman ang account mo rito sa social media. Talagang pinagtanong ko sa mga kaklase natin noon kung ano ang account mo para mapadalhan kita ng mensahe. Magbebertdey na ang inaanak mo, baka gusto mo namang mag-ambag, tutal, wala ka namang regalo noong nakaraang Pasko, medyo laki-lakihan mo naman ang ibibigay mo sa kaniya,” tuloy-tuloy na sabi nito.

Nagulat si Annita sa mga pinagsasasabi ni Beverly. Ngayon lang siya naka-engkwentro ng isang tao na sasabihan kang ninang ng anak, ngunit hindi naman inimbitahan sa aktuwal na binyagan, at saka lamang makakaalala kapag Pasko o may kailangan.

“Teka muna Beverly, nakakabigla ka naman. Wala namang problema sa akin kung talaga bang kinuha mo akong ninang sa anak mo, kaya lang bakit ngayon mo lamang sinabi? Medyo nagtitipid na kasi kami ngayon lalo’t namahagi na rin ako sa mga inaanak ko na talagang alam kong inaanak ko sila,” paliwanag ni Annita.

“Ay ganoon ba? Kahit magkano na lang. Huwag ka na manguripot. Saka hindi naman kita niloloko, talaga namang ninang ka ng anak ko eh. Ipadala ko sa iyo ang account ko ha? Ikaw na ang bahala.”

Inis na inis si Annita sa paraan ng pagsasalita ni Beverly. Bakit parang inoobliga siya nito sa isang bagay na wala naman siyang kaalam-alam?

Kaya hindi na nakapagtimpi pa si Annita.

“Teka lang naman, Beverly… hindi naman yata tama ‘yang tono ng pananalita mo. Unang-una, hindi naman sa kinukuwestyon ko kung ninang ba talaga ako ng anak mo, pero bakit ngayon mo lang ako sinabihan? Eh ‘di sana noong binyagan, gumawa ka nang paraan para ma-contact ako. Pangalawa, hindi ka dapat magsalita, hayaan mo ang tao na magbigay kung magbibigay at hindi parang inuutusan mo. Hindi tama ‘yan.”

Natameme naman si Beverly.

“P-Pasensya ka na Annita, hindi ko naman sinasadya. Alam mo sa totoo lang, medyo hirap kasi kami ngayon. Gagamitin ko sana ang perang ibibigay mo para sa mga gastusin namin dito sa bahay,” paliwanag ni Beverly.

“Oh, eh ‘di lumabas din ang totoo? Kung magbibigay pala ako ngayon, hindi mapupunta sa inaanak ko dahil kukunin mo at gagastusin?”

Hindi na nakaimik si Beverly. Ito pa ang nagalit ngayon sa kaniya.

“Ang damot-damot mo naman! Tingnan mo nga ang sarili mo, ang taba-taba mo na, mamahagi ka naman ng pera mo! Pero sige ‘di bale na lang! Nagsisisi ako na kinuha pa kitang ninang sa anak ko!” maya-maya at pinindot na nito ang pulang button ng Messenger.

Maya-maya, napansin ni Annita na naka-block na siya rito.

“Ikaw pa ang may ganang mam-block? Kapal ng mukha!” inis na inis na sabi ni Annita.

Kinabukasan, napag-alaman ni Annita na hindi lamang siya ang tinawagan ni Beverly kundi ang ilan pa nilang mga dating kaklase sa kolehiyo.

Napag-alaman din nila na hindi totoong ninang o ninong sila sa anak nito.

Dahil wala pa itong anak.

Nalulong daw ito sa masamang bisyo kasama ang nobyo. Kaya pala humpak na humpak ang pisngi nito dahil gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Ipinagpasalamat na lamang ni Annita na naging matapang siya at hindi nagpabuyo sa panloloko ng dating kaklase.

Advertisement