
Nangumpisal ang Babaeng Ito sa Kura Paroko ng Kanilang Simbahan Dahil sa Mabigat na Suliraning Pag-ibig; Ano Kaya ang Magiging Payo Niya?
“Iha, pumasok ka na sa kumpisalan. Magsimula na tayo…”
Tumango si Nessa nang tawagin na siya ng kura paroko ng kanilang simbahan at papasukin na sa kumpisalan. Matapos ang panalangin ay nagsimula na nga ang pangungumpisal ni Nessa.
“Ano ang ikukumpisal mo?” tanong ng kura paroko.
“Hi po, Father. Gusto ko lang pong malaman ang opinyon ninyo. May… may nobyo po ako, pitong taon na po kami. Limang taon na po kaming nagsasama sa iisang bubong, pero hindi pa po kami kasal. Wala pa pong basbas ng simbahan. Iyon po kasi ang plano namin. Gusto naming matiyak na kami talaga ang para sa isa’t isa.”
Nakikinig lamang ang pari sa pagkukuwento ni Nessa.
“May bahay at lupa na po kami, at nakakotse na rin… na nakapangalan sa kanya na binabayaran pa rin namin. Personal po, ako ang nagbabayad niyon. Ako rin po ang gumagastos sa grocery sa bahay at iba pang mga pangangailangan. Pati mga muwebles at kasangkapan, ako rin ang karamihan sa mga bumili.
Pareho po kaming nagtatrabaho. Ikakasal na po sana kami noong nakaraan, Father…” at hindi na napigilan ni Nessa ang pagbalong ng kaniyang mga luha.
“Pasensya na po, Father… hindi ko lang po mapigilan ang emosyon ko,” paghingi ng paumanhin ni Nessa sa pari.
“Walang problema, sige magpatuloy ka lang…”
“Kaya lang po, nagkaroon siya ng ugnayan sa ibang babae at nakabuntis. Nadiskubre ko ho na kasamahan niya sa trabaho ang nabuntis niya. Tatlong buwan na po ang ipinagbubuntis ng babae. Kinausap na po ako ng nobyo ko. Sabi niya, kailangan daw niyang panagutan ‘yong babae. Ako pa rin daw ang pakakasalan niya, pero susuportahan niya ang anak nila. Pero hindi ko po kakayanin Father ang ganoong set-up. Hindi po ako tanga at martir para pumayag sa ganoon. Ayoko na pong magpakasal sa kaniya,” sumisigok na kumpisal ni Nessa.
“Hindi po alam ng mga magulang namin ang sitwasyong ito. Sa totoo lang naguguluhan din po ako. Sayang ang relasyon namin at ang mga naipundar namin, na mapapakinabangan lang ng ibang babae. Wala akong makukuha, maliban na lang siguro sa mga gamit na naipundar ko, hindi ko po alam kung makukuha ko pa ang parte ko sa lote na binabayaran namin.”
“Gabi-gabi naiiyak po ako kapag naiisip ko na nakabutis siya. Iyon po kasi ang gusto niya, na magka-anak kami. Hindi po kasi ako mabuntis-buntis dahil may PCOS nga po ako, alam mo naman po ‘yun Father… Mabait naman siya, sadyang natukso lang daw siya. Ano po ba ang dapat gawin? Hiwalayan ko na po ba siya o hayaan ko ang relasyon namin at tanggapin na lang ang sitwasyon at ang anak niya?”
Tumikhim ang pari.
“Iisa lang ang sasabihin ko sa iyo, Nessa. Manalangin ka sa Panginoon at humiling ka sa Kaniya na palinawan pa ang isip mo. Ikaw pa rin ang magdedesisyon niyan, dahil ikaw naman ang makikisama sa nobyo mo. Ano ba sa palagay mo ang makapagpapaligaya sa iyo? Sa tingin mo ba ay magiging handa kang umako sa isang responsibilidad na hindi mo naman kagustuhan, o labag ang kalooban mo? Tatandaan mo, kapag labag sa kalooban mo ang ginagawa mo, at hindi ka masaya, maaaring ito ay pahiwatig na hindi tama ang desisyong pinasok mo. Pero kung tantiya mo sa sarili mo na hindi mo pa kaya, sa ngayon… at baka matutuhan mo rin, puwede mo rin namang gawin iyon,” banayad na paliwanag ng pari.
Tumango-tango si Nessa.
“Tatandaan mo, ang kasal ay panghabambuhay na panata sa Panginoon, na pakikisamahan mo ang magiging kabiyak mo sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya. Mahirap nang kumawala sa isang relasyong dumaan na sa seremonya ng kasal, at s’yempre, kasama na sa batas ng tao. Mahal ang annulment, at wala pang diborsyo sa Pilipinas. Ang pera at ari-arian, natatamo at nababawi ‘yan, pero ang kapayapaan ng puso at isipan, walang katumbas na halaga. Piliin mo ang tama at makapagpapanatag sa kalooban mo, at pagkatapos ay panindigan mo ito,” paliwanag pa ng pari.
“Maraming salamat, Father. Alam ko na po ang desisyon ko,” pasasalamat ni Nessa sa pari.
“Magdasal ka ng tatlong Ama Namin, tatlong Aba Ginoong Maria, at tatlong Luwalhati, at Sumasampalataya,” kapagkuwan ay utos ng pari, at tumalima naman si Nessa.
Natapos na rin ang kumpisalan. Lumabas na sila.
“Maraming salamat po, Father. Mauuna na po ako,” pagpapaalam ni Nessa.
“Sandali lang, Nessa. Hintayin mo ako. Mag-aalis lamang ako ng sutana,” pakiusap ng pari. Tumango naman si Nessa. Umalis saglit ang pari. Paglabas nito ay nakasuot na lamang ito ng karaniwang kausotan. Lumabas sila sa simbahan.
“A-Ano’ng desisyon mo? Pakakasalanan mo ba si Fred?” tanong ng pari.
“F-Father…”
“Huwag mo akong tawaging Father ngayon, Nessa. Arnel na lang. Kinakausap kita ngayon hindi bilang isang pari… kundi bilang… bilang karaniwang tao. Bilang dating nobyo mo…” kunwa ay binuklat-buklat ni Arnel ang hawak na bibliya upang hindi mailang.
“H-Hindi ko siya pakakasalan, Arnel. Tama ka naman. Kailangang maging masaya sa mga desisyong pipiliin natin. Kagaya ng nasabi ko kanina, hindi ko alam kung matatanggap ko ba ang set-up na mayroon kami. Pero sa ngayon, nasasaktan ako at hindi ko kaya. Sa ngayon, hindi ko muna siya pakakasalan. Malay natin, dumating ang panahong matanggap ko na. Pero sa ngayon… hindi ko talaga kaya. Sige, mauna na ako Arnel…” sabi ni Nessa at nagpaalam na siya kay Arnel.
Tinanaw ni Father Arnel ang papalayong si Nessa, ang dating nobya. Sa kaniyang puso, naaawa siya rito at nagsisisi kung bakit niya iniwan ito, para sa pangarap na pagpapari. Hindi sana ito mapupunta kay Fred.
Ngunit huli na ang lahat dahil namili na siya. Mas nangibabaw ang pagnanais niyang maglingkod sa Diyos. Ipagdarasal na lamang niyang maging masaya ang pinakamamahal na dating nobya anuman ang maging desisyon nito, kagaya niya.