
Nagtataka ang Mister Kung Bakit Hindi Niya Kamukha ang Anak; May Lihim Bang Itinatago ang Kaniyang Misis?
Simula nang magka-anak at magsilang ang kaniyang misis ay hindi na maalis-alis ang kasiyahan ni Gener, lalo’t pangarap niya ang magkaroon ng sariling mga anak. Mistulang reyna ang turing niya sa kaniyang misis na si Clarisse: hangga’t maaari ay ayaw niya itong mapagod nang husto kaya siya na ang gumagawa ng mga gawaing-bahay na sa palagay niya kayang-kaya naman niya.
“Alam mo mahal, marami akong plano sa ating pamilya. Sisiguraduhin kong makakatapos ng pag-aaral ang ating anak na si Kendra Marie. Kahit na gumapang ako mairaos ko lamang ang pag-aaral niya. Gusto ko sa isang pribado at eksklusibong paaralan ko siya ipapasok. Ayos ba, ha, mahal?”
Ngumiti naman si Clarisse. Tinitigan niya nang husto ang mister.
“Kahit kailan talaga napakabuti mo, Gener. Napakapalad ko na ikaw ang naging asawa ko…”
“Oh, oh… teka muna,” sansala ni Gener sa kaniyang asawa. Niyakap niya ito at isinandig sa kaniyang balikat. “Bakit emosyunal ka na naman? Huwag kang umiyak, mahal. Dapat masaya lang tayo.”
“Wala mahal, naiiyak lang ako. Patawarin mo ako kung minsan nasusungitan kita ha? Patawarin mo ako kung may mga pagkakasala akong nagagawa sa iyo, halimbawa, hindi kita napagbibigyan kapag nangangalabit ka o gusto mo…”
“Sus, mahal, mahal… tumingin ka nga sa akin,” at iginiya ni Gener ang misis paharap sa kaniya. “Mahal na mahal kita at naiintindihan ko ang pinagdaraanan mo. May post-partum ka raw sabi ni Doktora. Pero huwag kang mag-alala dahil kaagapay mo naman ako sa pag-aalaga sa ating panganay. Hindi kita pababayaan, mahal.”
At matuling lumipas ang panahon. Kagaya ng naipangako ay ibinigay ni Gener ang lahat ng mga pangangailangan ng anak nilang si Kendra. Ipinasok din niya ito sa isang pribado at eksklusibong paaralan. Wala siyang pakialam kung mamulubi siya sa mahal na matrikula, dahil iyon ang nais niya para sa kanilang unica hija.
Ngunit habang lumalaki si Kendra ay kapansin-pansin na ibang-iba ang hitsura nito sa hitsura nilang mag-asawa. Maputi kasi ito, samantalang kayumanggi silang mag-asawa.
“Bakit hindi ninyo kamukhang mag-asawa ang anak ninyo?”
“Sino ba ang kamukha ni Kendra Marie sa inyong dalawa?”
Iyan ang madalas na tanong sa kanila ng mga kakilala.
Kahit si Gener ay nagtataka rin dahil ni halos walang nakuhang katangian nila sa panlabas na anyo ang anak.
“Ipinaglihi ko kasi si Kendra Marie sa manyika, kaya siguro ganyan ang hitsura niya,” paliwanag na lamang ni Clarisse.
Mahal na mahal ni Gener ang kanilang anak ngunit may isang malaking tanong na matagal nang paikot-ikot sa kaniyang isipan, na nangangailangan ng katugunan, at hindi siya makakampante hangga’t hindi siya nakasisigurado.
Palihim siyang nagpa-DNA test.
At nagulat siya sa lumabas na resulta. Hindi sila nag-match ni Kendra Marie.
Agad niyang kinompronta ang misis.
“Hindi ko anak si Kendra Marie. Pinagtaksilan mo ba ako noon? Sabihin mo ang katotohanan, Clarisse. Bakit mo nagawa sa akin ito? Minahal kita nang lubos,” naiiyak na sumbat ni Gener.
“Maniwala ka sa akin… hindi kita pinagtaksilan, Gener! Wala akong nakan*ig noon. Kung gusto mo, magpapa-DNA test din ako para maniwala ka.
At sumailalim sa DNA test sina Clarisse at Kendra Marie.
Ngunit mas lalo silang nagtaka nang mapag-alama nilang negatibo rin ang resulta ng kanilang DNA test. Hindi sila nag-match.
“P-Paanong nangyari iyon?” nagtatakang tanong ni Gener sa kaniyang misis.
“Ang mabuti pa, magtungo tayo sa ospital. May teorya akong napagpalit ang sanggol natin sa iba.”
At iyon na nga ang ginawa ng mag-asawa. Mabuti na lamang at naka-archive ang mga kuhang CCTV sa ospital at nakuha pa ang kopya ng CCTV sa petsa ng panganganak ni Clarisse. Nakipagtulungan nang husto ang ospital dahil sa banta ng mag-asawa na magsasampa sila ng kaso kapag hindi nasagot ang kanilang katanungan.
At kitang-kita nga sa CCTV na hindi sinasadyang napagpalit ng attending nurse ang sanggol nina Gener at Clarisse sa sanggol ng isa pang nakasabayang manganak ng mga sandaling iyon.
Sa pakikipagtulungan ng ospital at awtoridad, natunton nila ang bahay ng mag-asawang nakapalitan nila ng anak. Maging sila ay nagtataka kung bakit hindi nila kamukha ang kanilang anak.
Pumayag silang sumailalim pare-pareho sa DNA test.
At doon nga natuklasan na nagkapalitan nga sila ng mga anak.
Sinampahan ng dalawang pamilya ng kaso ang ospital at nanalo naman sila. Binayaran sila ng kaukalang danyos dahil sa perwisyong kanilang nagawa.
Ngayon, kasa-kasama na nila ang kanilang mga tunay na anak, na para bang pinagbiyak nilang bunga. Dumadalaw-dalaw pa rin si Kendra Marie kina Gener at Clarisse at gayundin ang tunay nilang anak na si Gladys, sa mga kinalakhan nitong mga magulang. Hindi na mawawala pa ang ugnayang nagbibigkis sa kanila.