Inday TrendingInday Trending
May Aaminin ang Ina sa Kaniyang Anak na Babae, na Hindi Masabi-sabi ng Kaniyang Mister; Ano Kaya Ito?

May Aaminin ang Ina sa Kaniyang Anak na Babae, na Hindi Masabi-sabi ng Kaniyang Mister; Ano Kaya Ito?

“Papa, kailan po kaya uuwi si Mama?”

Muling nagtanong ang anak na si Audrey kay Clint kung kailan ba uuwi ang kaniyang inang si Janine. Hindi nakakibo si Clint. Nag-isip na lamang siya ng maaaring idahilan.

“Huwag kang mag-alala. Matatapos na rin ang business trip ng Mama mo. Kapag umuwi na siya, pangako ko sa iyo na mamamasyal tayo sa paborito mong amusement park sa Laguna.”

Kaya naman, agad na tinawagan ni Clint ang kaniyang misis na si Janine.

“Magkita tayo. Hinahanap ka na ni Audrey.”

At nagkita na nga ang mag-asawa sa isang coffee shop.

“Kumusta si Audrey?” tanong ni Janine sa kaniyang mister.

“Miss na miss ka na ni Audrey. Kailan ka ba uuwi sa atin?”

“Napag-usapan na natin ito, ‘di ba? Hayaan mo muna akong makapag-isip-isip. Hindi ko alam kung paano ako aamin kay Audrey. Hindi ko alam kung matatanggap niya ang katotohanan sa akin,” wika ni Janine.

“Kung natanggap ko ang katotohanan tungkol sa tunay mong s*kswalidad, sigurado ako na ganoon din si Audrey. Hindi ka ba nagtitiwala sa anak mo na kaya na niyang tanggapin ito? Mahal na mahal ka namin ni Audrey, Janine. Pero kung ang set-up na ito ang ikaliligaya mo, sa piling ng babae, handa naman akong magparaya. Pero s’yempre, kasal pa rin tayo… at nais kong panatilihin sana na kasal tayo, alang-alang kay Audrey. Hinding-hindi ako ang magsasabi nang tungkol sa iyo. Gusto ko, ikaw ang umamin kay Audrey. Sasamahan kita.”

At dumating na nga ang panahon na naglakas-loob na si Janine na aminin kay Audrey ang katotohanan tungkol sa kaniyang tunay na sekswalidad.

“Audrey, isa akong t*bo. Pero hindi ako nagsisisi na nakilala ko ang Papa mo at naging anak kita. Sa totoo lang, kayo ng Papa mo ang pinakamagandang regalong natanggap ko mula sa Diyos. Hindi ako nagsisisi na pinakasalan ko ang Papa mo at naging anak ka namin,” lumuluhang paliwanag ni Janine sa kaniyang anak.

Tila hindi kaagad natanggap ni Audrey ang naging rebelasyon ni Janine. Halos tatlong araw itong hindi makausap. Inamin na rin kasi ni Audrey na may iba nang kinakasama ang kaniyang ina, na kapwa t*bo rin.

“Clint, mali yata ang ginawa ko na umamin ako sa bata,” nagsisising sabi ni Janine sa asawa.

“Hindi, Janine. Tama naman ang ginawa mo, kaysa naman sa nagtatago ka pa sa kaniya. Unti-unti ay mauunawaan din ni Audrey ang lahat.”

Isang araw, lumapit si Audrey kay Janine at nakiusap itong magharap-harap silang tatlo.

“Mama, napag-isip-isip ko po, mali na hindi ko kayo pinansin sa loob ng tatlong araw. I’m sorry po kung hindi ko kaagad tinanggap ang sinabi ninyo. Mahal na mahal ko po kayo at kahit na iba po ang gusto ninyo, tao pa rin po kayo. Basta ang hiling ko lang po, huwag po sana kayong maghiwalay ni Papa. Gusto ko po na may matatawag pang Papa at Mama,” umiiyak na sabi ni Audrey.

Niyakap ni Janine ang kaniyang anak.

“Oo naman, anak. Oo naman. Nakapag-usap na kami ng Papa mo tungkol sa bagay na ‘yan. Alam na namin ang gagawin namin. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil nagkaroon ako ng asawa at kaibigan na rin na gaya ng Papa mo, at isang anak na gaya mo na may malawak na pag-iisip kaagad, kahit na bata ka pa lamang,” lumuluhang sabi ni Janine sa kaniyang anak.

“And one more thing, Mama. Dalhin mo rito ang lover mo. Gusto namin siyang makilala ni Papa. Kung papayag si Papa?” tanong ni Audrey sa kaniyang ama. Nagulat naman si Clint sa biglaang tanong sa kaniya ng anak. Wala na siyang nagawa kundi sumang-ayon dito.

At isang araw nga ng Sabado ay inaya ni Janine ang kaniyang kasintahang si Georgina o ‘George’ na kagaya rin ng kaniyang ina, nakadamit pambabae pa rin ito o tinatawag na ‘lipstick’. Ipinakilala ni Janine si Audrey sa kaniya ganoon din ang mister.

Mabait naman si George at agad na nakasundo nina Audrey at Clint.

“Tito George, please take care of Mama. Mahal na mahal namin ni Papa si Mama at ayaw namin siyang masasaktan,” sabi ni Audrey kay George.

Itinaas naman ni George ang kaniyang kanang kamay sa akto ng panunumpa.

“Ipinapangako ko na hinding-hindi ko sasaktan ang Mama mo, Audrey.”

“Kapag sinaktan mo siya, babawiin ko siya,” biro ni Clint at nagkatawanan silang apat.

Kakaiba man ang kanilang set-up, subalit ganoon talaga. May mga bagay na sadyang hindi maipaliwanag.

Ang mahalaga, tanggap nila ang isa’t isa, masaya at alam pa rin ang mga responsibilidad na kailangang harapin.

Advertisement