Inday TrendingInday Trending
Mababa ang Marka ng Mag-aaral na Ito sa Isang Asignatura at Naisipan Niyang Akitin ang Propesor na Alam Niyang May Gusto sa Kaniya; Patulan Kaya Siya Nito?

Mababa ang Marka ng Mag-aaral na Ito sa Isang Asignatura at Naisipan Niyang Akitin ang Propesor na Alam Niyang May Gusto sa Kaniya; Patulan Kaya Siya Nito?

Nanlulumo si Brenan nang makita ang kaniyang marka sa isang asignatura nila, na ang guro ay isang beking si Mr. Fajardo. Magkakasama silang tatlo ng kaniyang kaibigan at kaklaseng sina Tonton at Enzo. Nagkayayaan silang mag-out of town at mag-inuman.

“Oh bakit, napaano ka?” tanong sa kaniya ng katropang si Tonton. Kinuha nito ang class card niya.

“Okay naman ah, pasado naman ‘tol. Uy, kay Fajardo pala ‘to…” nakangising sabi naman ni Enzo, isa pa nilang katropa na siyang pinakamatalino sa kanilang tatlo.

“’Tol, may imumungkahi sana ako sa ‘yo eh. Ikonsidera mo lang. Gusto mo bang mapataas ito?” nakangiting sabi ni Tonton.

“Sige, anong suhestyon mo?” tanong ni Brenan.

“Natatandaan mo ba noong unang araw ng klase natin kay Mr. Fajardo? ‘Tol, sa iyo laging nakatingin! Palagay namin ni Enzo, may gusto sa iyo eh. Parang takam na takam sa’yo ‘tol,” loloko-lokong sabi ni Tonton.

“’Tol, bakit kaya hindi mo subukang lapitan sa opisina niya? Alam mo na? Sabihin mo sa kaniya na willing kang gawin kahit na anong ipagawa niya sa’yo, academics man o hindi academics,” at kumindat naman si Enzo kay Brenan. Nagtawanan naman sina Tonton at Enzo.

“Hoy kayong dalawa ha? Hindi ako ganyang klaseng lalaki ‘no? Kayo talaga puro kayo kalokohan! Siguro ginawa n’yo na ‘yan ‘no?” biro ni Brenan sa dalawa.

“Hoy grabe ka naman, ako, sigurado ako na nakakapasa at matataas ang marka ko dahil sa talino ko, hindi ko alam sa iba diyan,” sabi ni Enzo, na ang tinutukoy ay ang pinakamaloko sa kanilang tatlo na si Tonton.

“Sira! Hindi ko pa kaya, kung kasinggandang lalaki ako nitong si Brenan eh baka nga ginawa ko na,” natatawang sabi ni Tonton. Si Brenan naman ang pinakaguwapo sa kanilang tatlo.

“Tara na nga, umalis na tayo, puro kayo mga kalokohan,” wika ni Brenan.

Nang gabing iyon, hindi makatulog si Brenan. Iniisip niya ang mga sinabi nina Tonton at Enzo. Paano nga kaya kung akitin niya si Mr. Fajardo at pagbigyan ang gusto nito kapalit ng pagtataas nang bahagya sa kaniyang marka? Hindi siya ipinanganak kahapon. Nararamdaman niya na may kahulugan ang mga sulyap nito sa kaniya. Malagkit na titig. Ngunit aminado siyang kahit na kailan ay hindi siya nakaramdam ng kal*swaan sa mga kilos o salita sa kaniya ni Mr. Fajardo.

Kung may katangi-tangi man sa kanilang propesor, bukod sa kahusayan nito sa pagtuturo, ay ang pagiging propesyunal nito. Alam naman nila ang tunay nitong s*kswalidad, subalit kapag humarap na ito sa klase, talagang hindi ito nagsasayang ng oras sa kaniyang pagtuturo. Kaya naman, mataas ang paggalang ng kaniyang mga kaklase sa kanilang propesor.

Ngunit isang araw ay naglakas-loob si Brenan na ‘makiusap’ kay Mr. Fajardo. Sinadya niya ito sa opisina nito na ang suot niya ay nakasando lamang at maiksing shorts, na ginagamit niya sa pagsasanay sa volleyball. Bahagi kasi siya ng varsity team.

Kabadong-kabado si Brenan sa kaniyang gagawin. Unang beses niya itong gagawin.

“P-Pasensya na po sir kung naabala ko po kayo, may ikokonsulta lang po ako,” sabi ni Brenan sa kanilang propesor na noon ay abala sa paggawa ng slides presentation sa kaniyang mga klase.

“Have a seat, Mr. Legazpi. What can I do for you?” pormal na tanong sa kaniya ng propesor.

“S-Sir, I have received my grade na po kasi. Baka lang po kako may magawa pa akong remedyo para mataas nang kahit kaunti ang marka ko sa inyo, academics man po o non-academics, willing po akong gawin para sa inyo,” lakas-loob na sabi ni Brenan. Inilabas niya ang dila at binasa ang pang-ibabang labi.

Nakatulala naman sa kaniya si Mr. Fajardo.

“Anything? Kahit na anong hilingin ko sa iyo?” at tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa pagkatapos at kinagat ang pang-ibabang labi.

“O-Opo sir, kahit ano po… kayo na pong bahala sa akin… magpapaubaya lang po ako…”

Dahan-dahang tumayo si Mr. Fajardo at dahan-dahan din niyang inilapit ang kaniyang mukha patungo kay Brenan. Kinakabahan naman si Brenan…

“Mag-aral ka na lang sa susunod.”

“Po?”

At bumalik na sa kaniyang upuan si Mr. Fajardo. Tawang-tawa ito.

“Sabi ko, bumawi ka na lang sa susunod na asignatura natin. Hindi ko magagawa ang nais mong gawin ko, Mr. Legazpi. Mag-aaral kita. Oo, guwapo ka at aaminin ko sa iyo na gusto ko ang panlabas mong anyo, pero hindi ibig sabihin niyan na sasamantalahin ko na ang pagkakataon. Kung ano ang marka mo, iyon ang resulta ng ginawa mong pagganap sa klase ko. Hindi ko ibababa ang dignidad at reputasyon ko para lamang sa… alam mo na…” paliwanag ni Mr. Fajardo.

Pahiyang-pahiya at nanliliit si Brenan sa kaniyang ginawa. Humingi siya ng dispensa sa kaniyang guro.

“Wala ‘yun. Malay mo, kapag tapos ka na… puwede kang bumalik sa akin at mag-date tayo,” biro ni Mr. Fajardo. “Biro lang. Hindi ako pumapatol sa mag-aaral ko at sa mga naging mag-aaral ko. Hindi ako kagaya ng ibang propesor. Hindi lahat ay kagaya nilang mapanamantala.”

Mas tumaas ang paggalang at pagtingin ni Brenan sa kaniyang propesor at ipinangako na lamang niya sa sarili na pagbubutihan na lamang niya sa pag-aaral sa susunod na semestre, upang mas mapataas pa ang kaniyang marka. Ipinangako niya sa sariling hinding-hindi na niya uulitin ang kaniyang ginawa.

Advertisement