Inday TrendingInday Trending
Nang Magkasakit ay Isa-Isa nang Pinamanahan ng Mayamang Matanda ang Kaniyang mga Empleyado; Magugulat Siya sa Gagawin ng mga Ito

Nang Magkasakit ay Isa-Isa nang Pinamanahan ng Mayamang Matanda ang Kaniyang mga Empleyado; Magugulat Siya sa Gagawin ng mga Ito

Ipinatawag ni Don Orlando ang lahat ng kaniyang mga empleyado sa kaniyang mansyon para sa isang pagpupulong. Bagama’t mabilis nila iyong tinalima ay ipinagtataka pa rin ng mga ito ang biglaan niyang pagpapatawag sa kanila, lalo na nang dumating sila at naabutan ang kaniyang abogado.

Isang linggo na ang nakakalipas buhat nang maospital si Don Orlando. Isang linggo na rin ang nakakaraan buhat nang kaniyang malamang siya pala ay may malubha nang sakit sa katawan at kaunti na lamang ang itatagal niya sa mundong ito. Ayon sa mga doktor na sumuri sa kaniya ay maaari pa naman niyang maipagamot ang kaniyang sakit, ngunit kinakailangan niya lamang na humanap ng magaling na espesyalista sa ibang bansa. Iyon nga lang ay hindi na gusto pang pagkaabalahan iyon ni Don Orlando lalo pa at para sa kaniya’y wala na rin naman ’yong saysay pa. Nag-iisa na kasi siya sa buhay. Hindi na kasi siya nagkaroon pa ng ibang asawa buhat nang pumanaw ang kaniyang misis na hindi naman siya nagawang bigyan noon ng anak. Ang ibang mga kaanak naman niya’y hindi na niya alam kung nasaan na dahil hindi naman sila nagpakita sa kaniya, kahit noong siya ay yumaman na. Dahil doon ay tumanda na lamang siya na puro ang mga empleyado niya lamang ang kasama niya at sila na ang itinuring niyang pamilya.

Dumating sa bulwagan ang don at natuwa siya nang makitang naroon ang kaniyang buong ‘pamilya.’ Sakay ng wheelchair ay masaya niyang binati ang mga ito…

“Magandang araw sa inyong lahat,” anang Don Orlando. “Ipinatawag ko kayo rito upang ipaalam sa inyo na kayong lahat ay aking pamamanahan, at sa lalong madaling panahon ay inyo na itong makukuha,” wala nang paligoy-ligoy pang dugtong niya. Dinig niyang nagsinghapan ang kaniyang mga empleyado at bakas sa mga mukha nila ang labis na pagtataka. Ganoon pa man ay walang gustong magtanong sa kanila. Hinayaan lamang nilang magpatuloy si Don Orlando sa sinasabi.

“Malapit na akong mawala sa mundo. May sakit ako, mga minamahal kong empleyado. At sa inyo ko napiling iwanan ang lahat ng aking mga ari-arian, dahil kayo na ang itinuturing kong mga pamilya,” malungkot ngunit may kasiyahang sambit niya pa sa mga katagang ’yon.

Maya-maya pa’y nag-iyakan na ang kaniyang mga empleyado. Lahat sila’y may luha sa kanilang mga mata. Nabigla sila sa balitang inanunsyo ni Don Orlando at masakit sa kanilang isiping mawawala na ang kanilang pinakamamahal na ‘boss’ na kahit kailan ay hindi sila itinuring na empleyado lamang. Hanggang sa umalis na ang don upang bumalik sa silid nito dahil oras na ng kaniyang pahinga ay hindi pa rin nakakabawi ang mga empleyado at lahat sila’y naiwan sa bulwagan ng mansyon.

“Nakakabigla ang balita ng don…parang hindi ko matanggap,” umiiyak na sabi ng mayordomang si Manang Celly.

“Sinabi mo pa, Celly. Kahit ako na halos araw-araw nang kasama niya ay ngayon lamang nalaman ito,” malungkot namang sabi ni Mang Teroy, driver ng don, sa nanginginig niyang tinig.

“Pasensiya na kayo, kung hindi ko ipinaalam ang tungkol dito. Mahigpit kasing bilin sa akin ni Don Orlando na sa amin na lamang muna iyon,” sabat naman ng binatang assistant ng matanda na si Patrick na siyang unang nakaalam sa balita.

Dahil doon ay sinabi na ni Patrick ang buong detalye sa kaniyang mga kasamahan. Isiniwalat niya sa mga ito ang hindi pagpapagamot ng don, dahil para dito ay wala na rin namang saysay iyon dahil wala na siyang pamilya. Ngunit sa nalaman ay nabuhayan ng pag-asa ang mga nagmamahal na empleyado ni Don Orlando.

Pagkatanggap na pagkatanggap nila sa perang ipinamana sa kanila ni Don Orlando ay agad nilang ginawa ang plano nilang paghahanap ng magandang espesyalista sa ibang bansa, sa pangunguna ni Patrick, na maaaring gumamot sa karamdaman ng don, gamit ang pinagsama-samang perang ibinigay sa kanila nito. Hindi naman sila nabigo, dahil makalipas lamang ang ilang linggo ay narito na sa bansa ang magliligtas sa kanilang mahal na boss.

Nang makarating sa kaalaman ni Don Orlando ang ginawa ng kaniyang mga empleyado para sa kaniya ay ganoon na lamang ang naging pagbuhos ng kaniyang luha! Hindi niya inaasahan ang ganitong klase ng pagmamahal mula sa kanila. Dahil doon ay hindi na siya nagdalawang isip pa. Sinunod niya ang nais ng mga ito na siya ay magpagamot.

Nadagdagan ang buhay ng don, at dahil doon ay lalo niyang minahal ang kaniyang mga empleyado, na bilang kapalit ay binigyan niya ng kani-kaniya nilang kabuhayan upang guminhawa ang buhay nila. Pinalitan niya ang pamanang ginastos ng mga ito para din sa kaniya.

Advertisement