Isang Bata, Nagsilbing Tanglaw ng Kaniyang Bulag na Ama Habang Nagtitinda; Biyaya ang Matatanggap Ngayong Pasko mula sa Isang Mabuting Loob

Maaga pa lang ay umaalis na ng bahay ang mag-amang Mang Jimmy at ang anak niyang si Jimboy na pitong taong gulang, upang sabay silang maglako ng paninda nilang mga tuyo, tinapa, daing, at dilis. Kahit pa may kapansanan sa paningin ay hindi kailan man naging hadlang iyon para kay Mang Jimmy upang magsumikap, lalo’t nariyan naman ang kaniyang anak na si Jimboy na siyang nagsisilbi niyang tanglaw sa madilim niyang mundo. Ito ang kasa-kasama niya sa paghahanapbuhay, habang ang kaniya namang asawa ay nag-aalaga sa isa pa nilang anak, pati na sa kanilang mga alagang hayop.

Marami sa mga kostumer nina Mang Jimmy at Jimboy ang naaantig sa kanilang parehong kasipagan sa tuwing makikita sila ng mga ito. Totoo naman kasing bihira lang ang mag-amang ganito kung magtulungan.

Malapit na ang Pasko, kaya naman dinodoble ng mag-ama ang kasipagan nila ngayon upang may maihain man lamang sanang masarap sa kanilang hapagkainan. Dahil doon ay mas matagal ang inilalagi nila sa lansangan, sa mga panahong ito, kaysa sa ipinapahinga nila sa kanilang tahanan.

“Tuyo, daing, tinapa, dilis!” paulit-ulit na sigaw ni Mang Jimmy sa kaniyang mga paninda habang nakapatong sa kaniyang ulo ang basket na naglalaman ng mga ito. Si Jimboy naman ay akay-akay lamang siya at iginigiya sa tamang daan upang hindi siya matapilok o madisgrasya.

“Itay, baka po gusto n’yong magpahinga muna? Mukhang pagod na po kayo, e,” maya-maya’y tanong ng bata sa kaniyang ama nang makita ang butil-butil na pawis nito sa noo at leeg.

“Oo nga, anak. Medyo hinahapo na nga ako,” sagot naman ni Mang Jimmy bago dahan-dahang ibinaba ang kaniyang dala.

Inilalayan ni Jimboy ang kaniyang ama habang umuupo ito sa isang malaking bato, sa gilid ng kalsadang ’yon, malapit sa kanto ng isang pribadong subdibisyon. Pagkatapos ay nagbukas siya ng isang bote ng tubig upang ipainom iyon dito.

“Saglit lamang tayong magpahinga, anak, ha? Para makarami tayo. Kulang pa kasi ang pambili natin ng sahog sa pansit na ihahanda natin sa pasko,” nag-aalalang pakiusap ni Mang Jimmy sa anak, dahil baka napapagod na ito.

Advertisement

“Wala pong problema, itay. Ako’ng bahala para makabenta pa po tayo,” sagot naman ng kaniyang bibong anak.

Nagtaka naman si Mang Jimmy sa sinabi ng bata. Napakunot ang kaniyang noo, lalo na nang magsimula niyang marinig na umaawit si Jimboy ng isang masayang saliw ng kanta, habang pumapalakpak ito. Ginagawa nitong liriko ang kanilang paninda, at hinahalina ang mga tao na bumili. Hindi naman nakikita ni Mang Jimmy na sinasabayan din pala ni Jimboy ng pagsayaw ang kaniyang ginagawang pag-awit!

“Bili na kayo! Bili na kayo! Daing, tuyo, dilis! Bili na po kayo para makauwi kami nang mabilis!” nakangiting awit pa ng bata na mabilis namang nakakuha sa atensyon ng mga tao.

Maya-maya pa ay hindi nila namamalayang nagkukumpulan na sa kanilang harapan ang mga kostumer at isa-isa nang nauubos ang kanilang paninda kahit habang nakaupo lamang sila.

“Napakagaling at napakabibo naman ng anak niyo, manong. Talagang marunong kung paano tumawag ng atensyon para makabenta,” natutuwang anang isang kostumer kay Mang Jimmy na agad namang napangiti sa kaniyang narinig.

“Naku, siya hong talaga! Napakasuwerte ko sa anak kong ’yon,” sagot pa ni Mang Jimmy sa naturang kostumer.

“Ang totoo ho ay narinig ko nga ang pag-uusap n’yong mag-ama kanina. Narinig kong kaya kayo naghahapit ay dahil gusto n’yong magkaroon ng handa sa Pasko,” maya-maya’y sabi pa ng naturang kostumer.

“Oo nga ho, e. Gusto ko kasing may pagsaluhan sana kami sa Pasko. Pangarap din ’yon ni Jimboy, e. Lagi na lang kasing tinapay na walang palaman at tubig ang pinagsasaluhan namin,” sabi naman ni Mang Jimmy na bahagya pang nalungkot.

Advertisement

“Kung ganoon ho, p’wede bang sumama kayo sa akin sa bahay ko at ako’y may ibibigay na pamasko rito sa mabait ninyong anak? Kahit pagkatapos n’yo pong magbenta. Hihintayin ko kayo.”

Nagulat si Mang Jimmy sa sinabi ng kostumer na nagpakilalang si Shaina. Ganoon pa man ay tumango siya, kahit pa bahagyang nagdududa. Isinakay sila nito sa kotse, at ayon kay Jimbo ay pumasok sila sa pribadong subdibisyong iyon.

Hindi inaasahan ng mag-ama na ang ibibigay pala sa kanila ng nasabing babae ay maraming groceries na maaari nilang gawing supply nang ilang buwan! Inihatid nito iyon sa kanilang tahanan, pati na rin ang panghanda nila para sa Pasko’t Bagong Taon! Bukod pa ’yon sa perang aguinaldo nito para kay Jimboy! Talagang tuwang-tuwa ang mag-ama sa kanilang natanggap, dahil sa kanilang kasipagan.