May Isang Batang Babae na Nagmumulto sa Isang Buntis; Nakakaiyak Pala ang Rason Kaya Ito Nagpapakita
Labing walong taong gulang si Dalia nang magbuntis. Iniwanan siya ng nobyo at hindi na pinanagutan pa ang nabuo sa kanilang pagmamahalan. Maayos na sana ang lahat sa kanya hanggang sa isang araw ay may masamang ibinalita sa kanya ang doktor.
“I am very sorry mommy, pero hindi nabuo ng maayos sa isa sa mga kambal,” saad ng doktor.
“A-ano po ang ibig ninyong sabihin, dok?” tanong naman ng babae.
“Ayon po kasi sa resulta ng pagsusuri ay hindi matutuloy mabuo ang isa sa mga magiging anak ninyo. Huwag po kayong mag-alala dahil malusog naman at normal na nabuo ang isa sa mga kambal,” sagot naman ng doktor.
Ipinagpatuloy ni Dalia ang pagbubuntis ngunit naging sensitibo ang kanyang kondisyon kaya’t minabuti na muna niya na tumira kasama ang ina. Dito ay naalagaan siyang mabuti at nakapagpahinga ng maayos kasama ang ina.
Isang araw habang nagpapahinga sa kwarto ay nakaramdam siya ng kakaiba. Hindi siya mapalagay at tila ba kinikilabutan na hindi mawarian. Tumayo si Dalia habang sapu-sapo ang ulo at saka napatingin sa isang sulok ng kwarto.
Nagulat siya nang makita ang isang batang babae na nakatayo mula roon. Napakaamo ng mukha ng bata at maaliwalas ang mukha nito. Napansin ni Dalia na tila ba malungkot ang bata, kaya sa halip na matakot ay kanyang kinausap na lamang ito.
“Nene, bakit ka malungkot? May masakit ba sa’yo at saka paano ka nakapasok rito?” mahinahong tanong ng babae.
Tumingin lamang ang batang babae sa kanya na puno ng kalungkutan ang mga mata at biglang naglaho sa hangin. Kinusot na lamang ni Dalia ang kanyang mata at saka muling tumingin. Hindi niya alam kung tunay ba ang kanyang nakita o namalik-mata lamang siya.
Inilihim na lang muna ng babae ang kanyang nakita. Naisip niya na baka siguro ay epekto lamang ito ng sensitibong pagbubuntis niya, ngunit isang gabi sa kaparehong kwarto ay may isang kakila-kilabot na pangyayari silang naranasan.
Habang nagkukwento ang ina ni Dalia ay bigla na lamang itong napahinto. Napapikit ito ng mata at muling sinulyapan ang kung anong nakita sa may sulok.
“Ayos ka lang ba, mama?” tanong ng babae.
“Oo anak. Parang may nakita lang ako na kung ano, pero baka dala lamang ito ng pagod,” sagot naman ng ina.
“Pwede mo bang ipaliwanag kung anong nakita mo, ma?” muling tanong ng babae.
“Batang babae na maamo ang mukha. Nakasuot ito ng kulay rosas na damit at mukhang malungkot. Nako, huwag na nating pag-usapan at kinikilabutan lamang ako,” sagot naman ng ginang.
Nangilabot din si Dalia dahil hindi lang pala halusinasyon o imahinasyon ang kanyang nakita noong nakaraang gabi.
“Mukhang pareho tayo ng nakita, ma. Isang batang babae din na maamo ang mukha, pero nung nakita ko siya ay tila ba malungkot ito. Sinubukan ko siyang kausapin ngunit bigla naman itong naglaho sa hangin,” paliwanag naman ni Dalia.
“Ipagdasal na lamang natin ang batang iyon. Marahil ay mayroon siyang mabigat na rason kung bakit siya nagpapakita dito,” saad pa ng ginang.
Makalipas ang ilang buwan ay isinilang din ni Dalia ang kanyang sanggol sa sinapupunan. Pinangalanan niya itong Casey. Nang maipanganak ang sanggol ay doon na lamang muling nagpakita ang batang babaeng noo’y nagpapakita sa kanila.
Hinayaan na lamang niya itong paulit-ulit na magpakita. Minsan nga eh narinig niya ang sanggol na tumatawa, pero nagulat siya nang makita ang batang babae na nakikipaglaro sa kanyang anak. May pagkakataon pa na nakikita niyang binabantayan nito ang sanggol.
Sa kabila nito ay hindi naman siya natakot. Panatag naman ang kanyang loob na mabait naman ang batang nagpapakita sa kanila. Kahit na hindi pangkaraniwan ang nangyayari ay tila parang magaan ito sa kanyang kalooban.
Isang gabi habang nahihimbing si Dalia ay kanyang napanaginipan ang batang babae na palaging nagpapakita. Sa pagkakataong ito ay nagsalita na ang bata sa kanyang panaginip at nagtanong.
“Mama kung naipanganak mo din ako, ano po ang ibibigay ninyong pangalan sa akin?” tanong ng bata.
Sa panaginip ay napaluha si Dalia. Naging maliwanag sa kanya na ang batang nagpapakita sa kanila ay ang isa sa kambal na hindi niya naisilang.
“Cathlyn… Cathlyn ang ipapangalan ko sa’yo anak kong mahal na mahal ko,” sagot ng ina.
Sa panaginip ay mahigpit na nagyakap ang mag-ina. Patuloy sa pagluha si Dalia habang lumuluha na rin ang batang kayakap.
“Darating ang araw muli rin po kitang mayayakap, mama. Sa ngayon ay maghihintay na muna po ako. Mahal na mahal kita, mama. Alagaan po ninyong mabuti si Casey,” ngumiti ito at saka hinalikan ang ina sa pisngi.
“Mahal na mahal ka din ni mama, anak. Balang araw ay muli tayong magkikita, bantayan mo lang si mama at ang kapatid mo, ha? Araw-araw ay mananabik ako na muli kang mahawakan, mahagkan at mayakap kang muli,” umiiyak na tugon pa rin ng ina.
Yumakap ng isang napakahigpit na yakap ang bata. Pinunasan nito ang luha sa mga mata ng ina at saka ngumiti. Binigyan naman siya ni Dalia ng isang halik sa noo, bago tuluyang ngumiti at unti-unting maglaho ang bata.
Nagising si Dalia na puno ng luha ang mga mata, ngunit kanyang natanaw naman muli ang batang babae na nakatayo sa may sulok ng kwarto. Sa pagkakataong ito ay nakangiti na ito habang kumakaway.
Pumatak muli ang mga luha ng babae habang sinasambit ang mga salitang, “Paalam anak ko. Mahal na mahal kita.”
At tuluyan ngang naglaho na ang bata. Magmula noon ay hindi na ito nagpakita o nagparamdam pa, ngunit laking mangha naman niya nang makita na habang lumalaki si Casey, ay nagiging kamukhang-kamukha ito ng batang sa kanila noo’y nagpapakita.
Mananatiling mahiwaga ang pangyayaring iyon sa buhay ni Dalia, ngunit baon niya sa puso ang munting alaala kasama ang anak na hindi naisilang sa mundong ibabaw. Umaasa siya na balang araw ay muling makakasama ang anak at mahahagkan itong muli.