Inday TrendingInday Trending
Kilala Bilang Talamak na Mandurukot ang Lalaki, Isang Matandang Lalaki ang Babago sa Kanyang Buhay

Kilala Bilang Talamak na Mandurukot ang Lalaki, Isang Matandang Lalaki ang Babago sa Kanyang Buhay

Nag-aabang at nagmamasid lamang ng mabibiktima ang talamak na mandurukot na si Tonio. Tila ba kidlat na dumaan pag si Tonio ay nagsimula nang mandukot, hindi nila namamalayan na sa isang iglap ay wala na ang mga importanteng bagay sa kanila tulad na lamang ng pitaka, cellphone at mga alahas.

Lumaki si Tonio kasama ang kanyang mga tiyuhan at tiyahin. Bata pa lamang ay ipinamigay na siya ng kanyang mga magulang sa mga kamag-anak dahil sa kahirapan sa buhay. Kaya’t nang lumaki ay napabarkada at napasama sa ilang masasamang loob.

Bata pa lamang ay natutunan na niyang makipagsapalaran sa hamon ng buhay. Hanggang sa magbinata ay pandurukot ang kanyang ginagawang pantawid gutom sa araw-araw. Tanging pandurukot na lamang ang nakagawian niyang trabaho, dahil sa ganoong gawain ay mabilis ang pera.

Araw ng Biyernes noon nang maisipan ni Tonio na humanap ng susunod na biktima sa Quiapo. Biyernes ang tinaguriang araw ng Quiapo, tuwing sasapit ang araw na ito ay palaging dinudumog ng mga deboto ang simbahan.

Sa dagat ng mga tao ay nakipagsiksikan si Tonio. Gamit ang matatalas na mata ay nakamasid siya sa mga bagay na maaaring dukutin. Sa di kalayuan ay may napansin siyang matandang lalaki na nakaupo sa may labas ng simbahan. Tahimik lamang itong nakaupo habang nakatitig at hinahaplos ang mga palad.

Bagamat isang kawatan ay nakaramdam ng kaunting pag-aalala si Tonio sa matanda kaya’t lumapit siya dito at agad itong kinausap.

“Tay, ayos lamang ho ba kayo?” tanong ni Tonio.

“Oo hijo, ayos lamang ako,” nakangiting tugon naman ng matanda.

Naupo ang lalaki sa tabi ng matanda at saka muling nagsalita, “Pasensya na ho, tay ha? Nag-alala lamang po ako sa inyo. Akala ko kasi kung ano nang nangyari dahil nakatitig lamang kayo diyan sa palad niyo tapos hinahaplos-haplos ninyo pa,” saad ng lalaki.

“Matanong lamang kita hijo. Sa buhay mo ba ay nagawa mo nang titigan ang mga palad mo? Yung tipong natitigan at napagmasdan mo ang bawat detalye at guhit sa iyong mga palad?” tanong ng matanda.

Medyo napaisip si Tonio sa tanong ng matanda, kaya’t dahan-dahan niyang ibinuka ang mga kamay.

“Eh tay, maaari ho bang malaman kung ano ang pinupunto ninyo rito?” naguguluhang tanong ng lalaki.

Muling ngumiti ang matanda at nagsimula nang magkwento, “Tignan mo ang mga kamay mo, ni minsan ba ay natanong mo kung ilan taong ka nang pinagsisilbihan ng mga ito? Itong mga kamay ko ay kulubot na at biyak-biyak dahil sa mga kalyo.

“Kulubot man ang aking mga kamay, ngunit ilang taon din akong pinagsilbihan ng mga ito upang damhin ang mga bagay at yakapin ang buhay. Itong mga kamay ko ay aking ginamit upang makapagtrabaho para sa aking pinakamamahal na pamilya.

“Noong bata pa ako, ang mga kamay na ito ang gamit kong pagsanggalang kapag madadapa o masasaktan ako. Ito rin ang gamit ko sa tuwing ako ay kakain o magpapalit ng damit. Ito rin ang ginagamit ko sa tuwing magtatali ako ng sintas ng sapatos.

“Tinuruan din ako noon ng aking ina na paglapatin ang mga palad na ito upang manalangin. At noong ako’y lumaki ay mas lalong lumawak ang gamit ng mga kamay kong ito dahil ito ang mga kamay na naghele at nangalay nang unang beses kong kargahin ang aking unang anak.

“Itong mga kamay na ito ay naging pamunas ng luha ng aking asawa at naging tagahaplos sa tuwing siya’y nakakaramdam ng matinding kalungkutan,” saad ng matanda.

Nakatingin lamang si Tonio at parehas na tenga niya ang nakikinig sa mga sinasabi ng matandang lalaki.

“Alam mo ba hijo na nagtrabaho din ako noon bilang isang sundalo?” nakangiting tanong ng matanda.

“Talaga ho? Ang dami ninyo na din palang naging karanasan sa mga giyera kung ganoon?” namamaghang sagot naman ni Tonio.

Muli namang nagkwento ang matandang lalaki.

“Oo, hijo. Itong mga kamay ko ay naging instrumento upang humawak ng mga armas na gamit sa giyera, ganoon din namang naging tulong upang gamiting panggamot sa mga nasugatan kong mga kasamahan.

“Narumihan, nasugatan at nabalian ngunit buo pa rin ang aking mga kamay. Ang mga ito ay naghatid na sa huling hantungan sa yumao kong mga magulang, naghatid sa altar sa aking mga anak nung siya ay ikinasal, at ang umakay sa aking mga mapagmahal na apo.

“At ngayon sa aking pagtanda, ang mga kamay ko pa rin ang gamit ko bilang pangtukod sa tuwing hihiga o babangon. Nagtatagpo pa rin ang aking mga palad sa tuwing ako ay lumalapit sa Diyos at nananalangin.

“Ang mga kamay kong ito ang palatandaan sa baku-bako ngunit masaya kong buhay. At ang pinakamahalaga sa lahat ay ito rin ang mga kamay na aabutin ng Diyos kapag dumating na ang araw na ako’y uuwi na patungo sa tunay na tirahan natin sa langit.

“Hindi naman tumitingin ang Diyos sa kung ano ang pinagdaanan at ginawa ng mga kamay na ito, dahil tumitingin ang Diyos sa kung sino ang nagmamay-ari ng mga kamay na ito. Ang mga kamay natin ang aakayain ng Diyos patungo sa kanyang tabi upang mahaplos ang mukha ng ating Panginoon na si Kristo,” wika pa ng matanda.

Nang marinig ni Tonio ang kwento ng matanda ay hindi niya namamalayan na tumutulo na pala ang kanyang mga luha. Dahil sa kwento ng matanda ay nalaman ni Tonio na ang pagpapahalaga sa sariling kamay ay tulad din ng pagpapahalaga sa sariling kaluluwa at buhay.

Simula ng araw na iyon at tila ba kayamanan na ang turing ni Tonio sa kanyang mga kamay. Kanyang tinalikdan na ang trabahong pandurukot at pagnanakaw sa kapwa. Namasukan siya bilang trabahador sa pabrika at paekstra-ekstra na janitor sa ilang establisimyento.

Araw-araw mang pagod at nadudumihan ang mga kamay, ngunit ibang saya ang nadarama ni Tonio na kumikita na siya sa malinis na paraan. Hindi man ito kasing dali ng pandurukot sa bag o bulsa ng iba ngunit nakalulugod naman ang malinis na gawain sa kanyang kaluluwa.

Isang araw ay bumalik ang lalaki sa lugar kung saan niya unang nakita ang matanda. Hindi na niya kasi ito nakita magmula ng araw na nakakwentuhan niya ito. Marahil siguro ay bumalik na ang matanda sa tunay nating tahanan sa langit.

Naupo si Tonio sa gilid ng simbahan kung saan niya unang nakita ang matanda. Ibinuka niya ang palad at minasdan ang bawat detalye nito. Unti-unti niyang pinaglapit ang mga palad at nag-alay ng taimtim na panalangin.

“Panginoon, kung kasama na ninyo ang matandang nakakwentuhan ko noon, nais ko po na ipaabot mula sa inyo ang aking taos pusong pasasalamat sa kanya, dahil siya ang ginawa ninyong instrumento upang magamit ko ang mga kamay na ito sa kabutihan.

“Maraming salamat Panginoon ko dahil pinagtagpo ninyo ang aming landas. Nang dahil sa kanya ay nabago ng tuluyan ang aking buhay,” nakangiting dasal niya.

Maya-maya ay may munting kamay ang humawak sa kanyang mga palad. Isang mas malaking ngiti ang kumurba sa mga labi ni Tonio habang nakatingin sa apat na taong gulang na anak habang akay ang kanyang asawa.

Nagsumikap si Tonio sa trabaho at pinilit na makapagtapos ng pag-aaral. Naging inspirasyon niya ang pamilya at ang matandang minsang humaplos ng kanyang buhay. Ngayon ay isa nang ganap na pulis si Tonio sa Maynila.

Tuwing nakakahuli ng mga mandurukot ay kanyang ibinabahagi ang kwento sa mga ito at tinutulungan na makapagbagong buhay. Natutunan niya ang malaking aral mula sa matanda, at iyon ay hindi pa huli upang baguhin ang maling kinagisnan.

Tuwing may libreng oras ay lagi nagtutungo si Tonio sa Quiapo kung saan niya unang nakita ang matanda. Palagi siyang nag-aalay ng taimtim na panalangin para rito. Alam niya na darating ang araw na muli silang magtatagpo sa kalangitan, at doon ay pasasalamatan niya ng personal ang taong tumulong upang mabago ang kanyang buhay.

Advertisement