Itinaboy ng mga Kapitbahay ang Magkakapatid na May Diperensya, Ngayon ay Mas Mayaman Pa ang mga Ito sa Kanila
Umiiling pa si Rosalie habang isinasampay ang mga damit na nilabhan. Ang aga-aga ay masisira ang araw niya, bumungad kasi sa kanya ang mga kapitbahay. Akay-akay ni Dinia, ang bunso sa lima ang apat nitong nakatatandang kapatid na pawang may kakulangan.
Ang panganay, si Robert ang pinakamalala sa lahat. Palagi lang itong nakangiti at di nagsasalita, sa pagkakaalam niya ay bulag ito. Ang tatlo naman- sina Gener, Debbie at Cesar ay nakakausap ng maayos pero mahina rin ang paningin at mga bingi pa.
Bagamat hindi naman nananakit ang mga ito, paniwala sa lugar nila ay malas ang mga kapitbahay niya.
“Naku Dinia ha, sabi ko sa’yo ay sa bahay nalang kayo. Mamaya makahawa pa ng toyo yang mga kapatid mo,” nakataas ang kilay na sabi niya. Kasunod noon ay sinaway niya ang anak na naglalaro ng jolen at sinabihan ang batang pumasok sa loob.
Tinignan lang naman siya ng dalaga at hindi na kinibo pa.
Tuwing umaga ay pila-pila ang magkakapatid, sa pangunguna ng bunso para maglakad-lakad at magpahangin. Ang tatay nila ay pumanaw na maraming taon na ang nakalilipas samantalang ang nanay naman nila ay sumakabilang buhay na rin noong isang taon. Kaya siya na lamang ang nagsisilbing gabay ng ate at mga kuya niya.
“Nay! Si Noknok!” sigaw ng panganay na anak ni Rosalie. Pinahid ng ale ang basang kamay at tumakbo sa loob ng bahay.
“Napapano ka?! Diyos ko po!” napahiyaw nalang siya nang makitang nasa sahig ang anak at nangingisay. “Tulungan nyo kami!”
Hindi siya magkandaugaga kung paano bubuhatin ang anak, wala pa naman ang asawa niya.
Nang dalhin niya sa ospital ang bata ay sinabi ng doktor na may problema sa utak nito, dahilan upang tumumba na lamang ito bigla at magkaroon ng seizure.
“S-Saan ho nanggaling iyan? Anim na taon na ang anak ko, wala namang ganyan sa pamilya namin. Bakit ngayon lang lumabas ang ganyan kung kailang malaki na siya?” sunud-sunod na tanong niya.
“Nababarog ho ba ang bata dati? Posible rin pong nasa lahi, kung hindi man ho kayo ay maari niya iyang mamana sa mga ninuno niya.” sabi ng doktor.
Kasunod noon ay niresetahan nito ng mga gamot ang anak niya. Kay mamahal, kahit paano raw ay mababawasan ang pangingisay nito pero hindi pa rin iyon garantiya na hindi na ito susumpungin pa.
Pag-uwi sa bahay ay galit na galit si Rosalie. Hirap na nga ang buhay nila ay magkakasakit pa ang anak niya.
“Sinasabi ko na nga ba, malas ang mga salot na yan. Nakakahawa ang sakit sa utak ng mga hayop!” gigil na sabi niya.
Nang masigurong maayos na ang anak niya sa bahay ay lumabas siya at kinalampag ang barung-barong ng magkakapatid.
“Lumabas kayo dyan mga sintu-sinto! P*tang inang mga ito!” biglang dami ang mga taong nakiki-usyoso. Hindi lingid sa kaalaman ng mga ito ang nangyari sa anak niya.
Ilang sandali pa ay lumabas si Dinia, “B-Bakit po ate Rosalie?”
“Naglalaro lang ng jolen ang anak ko, nakasalubong ninyo lang ay nagkaganoon na siya! Mga lintik kayo, salot kayo rito sa barangay! Dapat sa inyo nasa DSWD, nasa mental o kahit na saang impyerno wala akong pakialam basta dapat sa inyo umalis dito!”
Bumakas ang pagkagulat sa mukha ng dalaga. Pero nagsimula iyong mapalitan ng takot nang maging ang mga kapitbahay nila ay nagsalita na rin.
“I-petisyon yan kay Kap na paalisin rito, mamaya anak naman namin ang mahawa,” sabi pa ng isa.
Tulong-tulong ang lahat para paalisin ang magkakapatid. Sinaktan at kinaladkad nila ang mga ito palayo. Ni hindi na nga sila naghintay na maaprubahan ng kapitan ang pag-alis ng mga ito.
Ang matindi pa, ipinagbili nila ang rights ng bahay ng magkakapatid at pinaghati-hatian ang napagbilhan.
“Sabi na eh, biglang dating ang swerte nang umalis ang mga may toyo,” nakangising sabi ni Rosalie.
Makalipas ang maraming taon
“Nay, si Noknok sinusumpong nanaman!”
Kahit masakit na ang balakang kaka-labada ay pinilit na tumayo ni Rosalie. Nasa kalsada ang labinlimang taong gulang na binatilyo at nangingisay.
Hinawakan niya ang ulo nito upang hindi mauntog, habang tumatanda ang anak niya ay mas tumitindi at mas tumatagal ang pangingisay.
Kulang rin kasi ang nabibili niyang maintenance na gamot, maski na magtulong sila ng mister niya ay hindi talaga aabutin. Ang bilis naubos ng perang napagbilhan sa bahay ng magkakapatid noon.
Nang mahimasmasan ang anak ay iniuwi niya na ito at doon pinagpahinga. Ilang sandali pa ay nakarinig siya ng mabibilis na katok.
“Ano ba? Wag kang maingay natutulog si Noknok, sinumpong nanaman kanina.” sabi niya nang pagbuksan si Cherry, ang bagong lipat na kapitbahay pero dahil ubod ng tsismosa ay naging tropa niya agad.
“Kaya nga ako nandito ‘te. Buksan mo ang TV mo dali! May foundation raw na tutulong sa mga tulad ni Noknok na nangingisay, sa mga may epidemia!”
“Epilepsy, gaga!” sabi niya, binuksan niya ang TV, ginalaw galaw niya pa ang kurdon ng antena dahil malabo.
“Yan, ay nako. Monthly raw ang pera ibibigay pambili ng gamot. Te ha, pag napili ka may porsyento ako ha. Generic nalang ang ibili mo kay Noknok para may matira sa pera,” switik talaga ito. Pero hindi niya na inintindi dahil medyo luminaw na ang palabas.
“Saan? Wala naman eh? Alin ang foundation dyan eh nagpi-piano yan?” nakakunot ang noong sabi niya. Medyo namumukhaan niya ang lalaking tumitipa.
Nang matapos itong tumugtog ay pinalakpakan ito ng mga manonood.
“Basta manood ka ‘te, big time yan maski may toyo.”
“May tililing yan?” tanong niya, hindi niya na narinig ang sagot ni Cherry nang makita ang kasunod na iniinterview sa TV.
Si Dinia.
“Ang galing ng Kuya mo Ms. Dinia, nabanggit mo dati na galing rin kayo sa hirap? Paano nangyari yun, kung nasa Amerika ang lolo ninyo?”
“Actually opo, naranasan po naming mapaalis dahil raw nakakahawa ang sakit sa utak ng mga kapatid ko. Dahil doon ay naglakas loob ako, pinagsabay ang pagtatrabaho at pag-aaral. Nang magkapera ay una ko talagang binili ang piano dahil hilig ng mga kapatid ko ang kumanta at tumugtog.
Napagkatuwaan ko pong i-video sila at i-post iyon. Marami ang naka-discover sa kanila, binigyan sila ng pagkakataon. Dahil doon rin kaya kami natunton ng lolo ko pong nasa Amerika pala,”
Hindi makatingin ng diretso sa TV si Rosalie, maski na hindi siya nakikita ni Dinia ay pahiyang-pahiya siya. Ang layo na ng buhay ng magkakapatid sa buhay niya ngayon.
“Ano ang masasabi mo sa mga nagpaalis sa inyo noon?Iyong mga kapitbahay nyong nanakit sa mga kuya at ate mo?”
“Kulang man ang mga kapatid ko sa ibang bagay, binigyan naman sila ng Diyos ng espesyal na mga talento. Mayaman po ang lolo namin pero hindi po nanggaling sa kanya ang pinagpagawa namin ng bahay, galing po iyon sa kinita ng mga kapatid ko.
Kahit na masakit at sobrang hirap, salamat pa rin dahil sa pangmamata nyo ay lumakas ang loob ko at nagbago ang buhay namin,” nakatingin pa ito sa camera habang sinasabi iyon.
Ipinakita ang malaking mansyon ng mga ito, pinatay na ni Rosalie ang TV.
“Te bakit mo pinatay agad? Buksan mo babangggitin na yung foundation nila!”
Walang imik na itinulak niya ito palabas ng bahay.
Sobra ang pagsisisi niya, masyado siyang naging mapanghusga. Ngayon ay ang hirap na nga ng buhay, anak niya pa ang nakakaranas ng karma.