Inapi ng Dalaga ang Bago Nilang Kasambahay, Hagulgol Siya nang Malaman ang Pagkatao Nito
Masayang bumaba ng kotse niya ang bente uno anyos na dalagang si Rica, minsan lang siya ngumiti ng ganito dahil likas na mataray ang babae. Sa katunayan ay iilan lang ang kaibigan niya at marami ang naaasar sa kanya dahil mahilig siyang mag-maldita at napaka-prangka pa.
Pero iba kasi ang araw na ito, tumawag na ang binayaran niyang imbestigador para matunton ang kapatid niya. Sabi nito, posible raw na buhay pa ang ipinapahanap niya dahil wala naman raw record na natagpuang katawan ng bata noong taong 2005.
“Hi Mom,” masigla pa siya nang halikan ang ginang sa pisngi. Kahit na hindi ito ang tunay niyang ina ay itinuring siya nitong sariling anak, kaya mahal na mahal niya ang babae.
“Hi Darling, have you had meryenda?” masuyong sabi nito sa kanya, tumayo pa at kumuha ng turon.
“Wow, ikaw ang nagluto?”
“No anak, siya o.” Doon siya lumingon at nakita ang isang dalagita. Halatang galing sa mahirap na pamilya dahil sa kutis nito, mumurahin ang damit bagamat maganda naman ang mukha.
“M-Magandang hapon po madam.” nahihiyang bati nito.
Tinaasan niya lang ito ng kilay.
“Siya ang bago nating kasambahay Rica, si Denden.”
“Where did you find her?” baling niya sa ina.
“Naku naawa lang ako, nagsimba kasi ako kanina tapos may mga batang humablot ng bracelet ko. Si Denden ang tumulong sa akin. I found out na wala siyang pinagkakakitaan. Sakto naman na kaaalis lang ni Lumeng kaya kinuha ko na siya.” kibit-balikat na sabi ng mommy niya.
“Mommy, hindi ka dapat nagtitiwala sa kakikilala mo lang! My goodness! Mamaya kawatan yan, o tinitiktikan ka lang, you’ll never know!Ni walang NBI clearance yan, hindi ninyo chineck sa pulis kung may record ba.” kunot-noong sabi niya rito. Walang pakialam kahit pa naririnig sila ng dalagita.
“Mukha naman siyang mabait anak, bigyan natin ng chance. Tsaka may guard naman tayo dito sa bahay,”
Hindi na siya sumagot sa mommy niya at inirapan nalang ang dalagita. Wala pa rin siyang tiwala rito.
Pagpasok sa kwarto ay hinimas niya ang dalawang sentido. Napasulyap siya sa maliit na kahong nasa ibabaw ng tokador. Mabigat ang loob na dinampot niya iyon at kinuha ang laman.
Isang lumang litrato, kaisa-isang alaala na mayroon siya sa kapatid. Tandang-tanda niya pa, pitong taong gulang siya habang apat lamang ito nang masunog ang bahay nila sa Tondo. Doon nasawi ang kanyang ina, bale ba ay ito nalang ang kasama nila sa buhay, di niya alam kung nasaan na ang tatay nila.
Mula noon ay nagpalakad-lakad na sila ng kapatid niya sa kalye, namamalimos at natutulog sa bangketa. Hanggang isang araw, nagising nalang siya bakante ang kartong hinihigaan nito. Iyak siya nang iyak pero hindi niya na nakita ang bata. Nadampot siya ng DSWD at doon muna nanatili hanggang may umampon sa kanya.
Doon siya kinupkop ng kanyang mommy, napakalaki ng utang na loob niya rito at mahal na mahal niya ang ginang.
Kaya nga matinding selos na ang nararamdaman niya dahil mula nang dumating si Denden ay mas madalas na itong kakwentuhan ng ina kaysa sa kanya. Magaling kasing magluto ang dalagita habang siya naman ay walang alam sa bahay.
“Anak, tikman mo ang sinigang ni Denden,” alok ng mommy niya.
“I’m full,” sabi niya pero palihim na nakairap. Denden nanaman.
Sa sobrang panibugho ay isang plano ang naisip niya.
“Kailangan pa ba talaga yan? Mamaya mahuli ka ng mommy mo, o di mas lalo kang nasira sa kanya.” tanong ng kaibigan niyang si Ana sa kabilang linya, kausap niya ito sa cellphone at habang kasalukuyan siyang naghahalungkat ng alahas ng mommy niya.
“Napupuno na ako. Pag hindi pa umalis ang kasambahay na yan baka mas mahalin na siya ng mommy kaysa sa akin,”
“Alam mo girl kung ako sayo mag-focus ka na lang sa paghahanap sa kapatid mo. Nasabi mo na ba sa imbestigador na may suot siyang kwintas noong gabing nawala siya? Iyong kwintas na may picture ng nanay nyo sa loob?” tanong nito. May point naman ang babae, pero basta, gusto niya pa ring mawala sa landas niya si Denden.
Binabaan niya na ito at nagtuloy na sa paghahanap. Dinampot niya ang pinakamamahalin nitong hikaw bago napangisi. Sisiguruhin niyang hindi na aabot bukas sa bahay nila ang dalagita.
“Denden, what did you do inside mommy’s room kanina?” tanong niya habang nagdi-dinner sila at kasalukuyan silang pinagsisilbihan ng dalaga.
“P-Po?” nagtatakang tanong ng dalagita.
“I saw you. Lumabas ka sa kwarto ni Mom, sana mali ako sa iniisip ko.”
“Madam hindi po ako nagpunta doon-”
“Ako pa ang sinungaling ngayon. Nakita nga kita! Mom, para makasiguro tayo iche-check ko ang gamit ni Denden. Mahirap na.” sabi niya. Hindi niya na hinintay pang sumagot ang dalawa. Tumayo na siya at pumunta sa maid’s quarters.
Paglabas niya ay bitbit niya ang lumang bag ng dalaga at binulatlat iyon sa harap mismo ng mommy niya, para lubusang makita ng ginang.
“Anak hindi naman siguro-” hindi na natapos ng mommy niya ang sasabihin nang malaglag mula sa loob ang isang pares ng gintong hikaw.
“See? See?! Sinabihan na kita mommy. Denden you may leave! Or ipapakulong ka pa namin!”
“Madam, wala po akong kinukuha!” hindi makapaniwalang sabi ng dalagita. Ang mommy niya naman ay walang imik, halatang disappointed.
Sadya siyang mapilit at halos kaladkarin na ang kasambahay kaya wala itong nagawa kung hindi mag-empake.
Bago ito lumabas sa gate nila ay nais niya pang ipahiya muli kaya hinablot niya ang bag nito, muling binulatlat at maging ang mga bulsa ay binuksan.
“Mahirap na, gusto ko lang maging sure na wala ka nang iba pang tinangay-” Pero napatigil siya nang makita ang makinang na bagay na bumagsak sa kanilang bakuran.
Kinakabahan siyang yumuko upang kunin iyon.
Gintong kwintas na hugis puso. Luma na pero halatang may halaga pa rin. Nanginginig ang kamay niyang binuksan ang pendant. At napahawak siya sa dibdib nang tumambad ang laman noon.
Larawan ng nanay niya.
“M-Madam akin ho iyan hindi ko ho iyan ninakaw..” nakatungong sabi ni Denden.
Halos maiyak siya habang tinititigan ito.
“S-Saan mo ito nakuha?”
“B-Bigay ho iyan ng nanay ko, yan nalang ang alaala ko sa kanya pati ho sa ate ko. Parang awa nyo na, mapapatunayan ko pong akin yan. Palayasin nyo na ho ako basta wag nyong kukunin ang kwintas. Yan nalang po ang pag-asa na magkita kami ng ate ko eh.
Kahit nga po ang hirap na ng buhay tinitiis ko ho ang gutom wag lang yang maisanla. Parang awa mo na madam..” humahagulgol na sabi nito.
Napatigil ang dalagita nang humagulgol rin siya at pasugod na niyakap ito.
“Adrienne, Riri ko.” iyak niya.
“A-Ate?” agad na sagot nito. Siya lang kasi ang tumatawag rito ng ganoon.
Nasa ganoong eksena sila inabutan ng kanyang mommy, inamin niya rito ang nagawa niyang kasalanan. Hindi nagalit ang ginang, masaya pa nga dahil parang pinaglaruan lang sila ng tadhana. Nasa harap na pala niya ang kapatid na matagal niya nang hinahanap.
Noong gabing iyon ay nakuha ng sindikato si Adrienne, pero maswerteng nakatakas rin matapos ang ilang Linggo. Kaya lang nang balikan siya nito ay wala na siya sa pwesto niya. Nagpakahirap na mabuhay mag isa ang dalagita, bata pa man ito noong nagkahiwalay sila ay hindi naman nalimutan nito na may isang ate na nagmahal sa kanya.
Kaya pala iba ang pakiramdam ni Rica sa dalagita unang kita niya palang. Akala niya ay naiinggit siya at nagseselos, iyon pala ay matinding lukso ng dugo.