Inday TrendingInday Trending
Pinakialaman ng Babae ang Cellphone ng Kapatid Dahil Nagseselos Siya sa Girlfriend Nito, Napaiyak Siya sa Mga Nabasa

Pinakialaman ng Babae ang Cellphone ng Kapatid Dahil Nagseselos Siya sa Girlfriend Nito, Napaiyak Siya sa Mga Nabasa

Dahil parehong may trabaho ang mga magulang ay halos si Karina na ang nagpalaki sa kanyang kapatid, si Jomar.

Tandang-tanda niya pa, ubod siya ng taray pero dahil sa kapatid ay natuto siyang magpakabait. Nais niya kasing maging mabuting halimbawa para rito, paulit-ulit kasing sinasabi ni Jomar mula noong bata pa ito na siya ang role model nito. Sobra ang bilib nito sa kanya at walang ibang pinaniniwalaan kung hindi siya.

Kapag nga napapagalitan ang isa sa kanila ay galit na rin ang isa, ganoon sila ka-sanggang dikit. Ang kaaway ni Karina ay kaaway na rin ni Jomar, ang kaaway naman ni Jomar ay humanda na dahil hindi sila makakalagpas kay Karina.

Pero para kay Karina, nagbago ang lahat nang tumungtong sa high school ang kapatid. Palagi na itong tahimik at may sariling mundo. Hindi na rin ito nagbabahagi ng sikreto sa kanya kahit pa anong subok niyang kausapin ito.

“How’s school baby?” tanong ni Karina isang hapon.

“Okay naman po,” simpleng sagot ng binatilyo, nakatutok ang mata sa cellphone.

Saglit na nag-isip ng susunod na itatanong si Karina para lang mapanatili ang usapan nila dahil nami-miss niya nang kakwentuhan ito. Pero bago pa man siya makapagsalita ay umakyat na ang binatilyo at nagbihis.

Napabuntong hininga na lamang ang dalaga, kung maibabalik niya lang ang panahon. Na makulit pa ang kapatid niya, maraming tanong at habol nang habol sa kanya. Ibang iba na ngayon, pakiramdam niya ay ibang tao na ito at hindi na siya makapasok sa mundo nito.

Tuwing magjo-joke siya, hindi na itong tawang tawa. Tuwing magsasalita siya, pakiramdam niya ay hindi na ito ganoon ka-bilib.

“Ate, may bibilhin lang ako.” nagising sa pag-iisip si Karina nang makita ang kapatid na bihis na bihis.

“Saan ka pupunta? Kauuwi mo lang baby,”

“Saglit lang po.” sagot nito bago lumabas na ng bahay. Ilang sandali pa ay nakabalik rin naman ito kaagad, nagmamadaling umakyat at ikinukubli sa kanya ang hawak na rosas. Mabilis ang mata niya at agad na nakita iyon, may pangalan pa ngang nakasulat eh. For you, Julia

Doon lumakas ang kabog ng dibdib niya. Bakit ba nawala sa isip niyang binata na ang kanyang kapatid? May nililigawan na ito! Pero di tulad ng ibang ate na kikiligin, iba ang naramdaman niya.

Takot na baka masaktan ito, lungkot dahil..hindi na lang siya ang babae sa buhay ni Jomar. Itsapwera na nga siya eh. Ayaw niya man ay tila nainis siya sa Julia na iyon dahil pakiramdam niya, inaagaw nito ang kapatid niya.

Mula noon ay palagi niya nang minamasdan ang kilos ng binatilyo, naghahanap siya ng mali para may dahilan siya upang pagbawalan ito.

Naiinis pa siya tuwing makikita itong abala sa cellphone at hindi makausap nang maayos tuwing susubukan niyang makipagkwentuhan.

“Let’s watch a movie? Tara, nag-download ako. Horror ‘to eh, astig raw sabi sa Facebook,” yaya niya isang hapon.

“Sige po,” sagot ni Jomar. Imbes na mag-enjoy ay nainis lang lalo si Karina, hindi naman kasi nanonood ang kapatid niya at kinikilig na humahagikgik lang sa cellphone!

Isang hapon, pagod sa practice sa eskwela ang binatilyo kaya di namamalayang nakatulog ito sa sofa. Awang-awang minasdan ni Karina ang kapatid, tapos parang tukso na umilaw bigla ang cellphone nito. May nag-message.

Ayaw niya man, tila ba may nagbubulong sa kanyang pakialaman iyon. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya.

Pag ako talaga may nakitang kabastusan rito, o bawal na usapan humanda talaga kayong dalawa sa akin, sa isip isip niya.

Dahan-dahan niyang dinampot ang cellphone, tama siya. Puro message nga mula kay Julia. Tama rin ang hinala niya, nililigawan nga nito ang dalagita.

Binuksan niya ang messenger, at natameme siya sa mga nabasa.

Kahit pala may nililigawan na ang kapatid niya ay hindi naman siya napalitan sa puso nito, nagkataon lang na nagbinata na kaya naging tahimik at mahiyain.

Hindi niya namalayang naalimpungatan na pala ang binatilyo.

“A-Ate?” nagtatakang tanong nito.

“I’m sorry,” naluluhang sabi niya. Nakaka-konsensya, pinaghinalaan niya pang gumagawa ng kapusukan ang dalawa.

Nakakaunawang niyakap lang siya ng kapatid, “Akala ko hindi mo na love ang ate eh.” humihikbing sabi niya.

“Pwede ba naman yon, baby mo nga ako forever eh.” biro nito.

Ipinakilala ng binatilyo ang girlfriend nito at di inaasahan ni Karinda na nagkasundo sila ng dalagita, binilinan niya ang dalawa na i-enjoy lang ang buhay at wag magmadali at sumunod naman ang mga ito.

Parehong ginalingan sa eskwelahan kaya lalong naging masaya si Karina dahil hindi naman pala nawala si Jomar sa kanya, nadagdagan lang ang kapatid na itinuturing niya sa katauhan ni Julia.

Advertisement