Naghihingalo na ang Kakambal ng Babae, Di Niya Akalaing ang Huling Habilin Nito ay Pakasalan Niya ang Mister na Maiiwan
Kinakabahang naglakad sa hallway ng ospital si Gianna. Ang lamig ng pawis niya at palapit siya nang palapit ay palakas nang palakas ang tibok ng kanyang puso.
Ayaw niya man ay kailangan niyang harapin ang kakambal, si Guia. Ah, isang taon rin silang hindi nagkita. Isang taon siyang nagtago sa Amerika at ngayong nag-aagaw buhay ito dahil sa sakit na leukemia, nagi-guilty siya dahil tiniis niya ito.
“Walanghiya ka Todd, minahal kita pero bakit sa dinami-rami ng babae, bakit kapatid ko pa?” lumuluhang sabi niya. Nahuli niya ang mga ito na walang saplot sa higaan ng kanyang kapatid.
Tulirong nasabunutan ng lalaki ang sarili habang si Guia naman ay umiiyak sa kama, nakikinig lang sa kanilang dalawa.
“G-Gianna you don’t understand. Let me explain, I-“
“You don’t have to explain anything. Tapos na ang lahat sa atin. Pakasalan mo si Guia dahil iyon ang tama,” sabi niya tapos ay umalis na.
Nangibang bansa siya at nabalitaan niyang nagpakasal na ang dalawa, habang siya ay ginagamot pa rin ang sugatang puso hanggang ngayon. Buong buhay niya, nagparaya siya kay Guia. Kaya nga siguro spoiled ito eh. Lahat ng gusto, dapat makuha. Hindi akalain ni Gianna na pati ang lalaking mahal niya ay aagawin nito.
Hindi niya rin naman natiis ang kapatid lalo pa ng tawagan sila ng yaya niya at sabihing may sakit ito. Siya raw ang hinahanap, bago man lang mawala sa mundo.
Pinihit niya ang seradura at tumambad ang nakaratay na kapatid. Sobrang putla nito, payat na payat at napakaraming pasa sa katawan. Gayonpaman ay nagawa pa rin nitong ngumiti nang makita siya.
Naglaho lahat ng hinanakit sa puso ni Gianna, napaiyak niyang hinawakan ang kamay nito.
“P-Patawarin mo ako Gianna..naging makasarili ako.” hirap na hirap na sabi nito.
Tumatango lang naman siya habang patuloy ang pagdaloy ng mga luha.
“A-Alam kong..m-malaki ang kasalanan ko at w-wala ako sa lugar na h-humiling pa pero may huling bilin sana ako,” sabi nito, habol ang hininga.
Mataman namang nakinig si Gianna. Kahit na anong hilingin nito ay ibibigay niya.
“P-Pakasalan mo s-si Todd..”
Hindi siya nakasagot, tama ba ang narinig niya? Nais ng kapatid niyang pakasalan niya ang asawa nito!
“Pero hindi pwede-“
“Alagaan mo siya, please.” hindi na pinatapos pa ni Guia ang pagtutol niya. Wala siyang nagawa kung hindi ang tumango, sino ba siya para hadlangan ang hiling ng isang nag-aagaw buhay? Ayaw niyang mag-alala pa ito, kahit pa kapalit noon ay malalagay sa alanganin ang puso niya.
Kinabukasan ay pumanaw rin ang kapatid niya, magkatulong sila ni Todd na nag-asikaso sa burol ng babae hanggang sa mailibing ito. Hindi niya matingnan ng diretso ang lalaki at nagkakailangan sila, hindi niya rin masabi rito ang huling habilin ng kapatid niya.
“Hanggang kailan mo ako tatakbuhan Gianna?” seryosong tanong ni Todd, narito sila sa bahay ng dalawa at nililigpit ang mga naiwang gamit ni Guia.
Hindi niya ito sinagot at tiningnan lang ng masama, hindi pa siya handang pag usapan ang tungkol sa kanilang dalawa.
“Kailan mo kaya ako papakinggan?” tanong ulit ng lalaki.
Hindi siya nakapagpigil at hinarap ito,”Ang kapal rin ng mukha mong mag-demand ano? Sana hintayin mo namang makapagbabang luksa ang kapatid ko, bago ka gumawa ng kasinungalingan. Wag kang mag-alala pakakasalan kita dahil bilin niya. Hindi dahil mahal pa rin kita. Manloloko.” matigas na sabi niya.
Bumalatay ang sakit sa mukha ng lalaki at lumabas na ito ng bahay. Nang marinig ni Gianna na tumunog ang pinto sa unahan ay bumagsak ang luhang kanina niya pa pinipigilan, ipinagpatuloy niya ang pagliligpit ng gamit hanggang malaglag ang isang sobreng nakaipit sa jacket ni Guia.
Para sa kanya iyon.
Gianna,
Patawarin mo ako. Sana ay sagutin mo ang mga tawag ni Yaya Mina para makita man lang kita. Kung sakali namang di mo na ako maabutang buhay, hiling ko na mabasa mo ito.
Naging makasarili ako. Naiinggit ako sayo dahil mas magaling ka sa lahat, tapos ang swerte mo pa kay Todd. Gwapo siya at mabait. Kaya naman noong gabing lasing sya, magkaaway yata kayo kaya pinuntahan ka niya rito ay sinamantala ko. Hinubaran ko siya at naghubad rin ako, hinintay kong dumating ka at abutan kami sa ganoong posisyon pero ang totoo, walang nangyari. Wala siyang alam.
Pinakasalan niya ako dahil hiling mo, umaasa siyang babalik ka. Naging mabuti siya sa akin at inalagaan ako sa sakit ko pero maniwala ka man o hindi, ni minsan ay di kami nagtabi. Nasasaktan ako at naiinis sayo kaya hindi ko ipinagtapat sayo, umasa akong mamahalin niya rin ako pero hanggang ngayon, ikaw pa rin.
Panahon na para bumawi ako, walang kasalanan si Todd. Biktima siya ng panloloko ko. Sana, ipagpatuloy nyo ang sa inyong dalawa. I am so sorry.
Guia
Nabitawan ni Gianna ang hawak na sulat, umiiyak siyang lumabas ng bahay. Napakalaki ng kasalanan niya kay Todd! All this time inisip niyang manloloko ito at tinuhog silang magkapatid, naipit lang pala sa sitwasyon!
“Todd! Patawarin mo ako, mahal kita! Mahal na mahal kita hanggang ngayon!” sigaw niya sa tapat ng pinto.
Napaluhod nalang siya habang umiiyak, huli na siya. Gusto niyang sampalin ang sarili.
Nakayuko pa rin siya sa sahig nang may nag abot sa kanya ng panyo. Pagtingala niya ay lumakas ang tibok ng kanyang puso, si Todd!
Di pala umalis ito, nakatitig lang sa kanya ang binata at tila pinipigil rin ang luha.
“D-Di ka umalis?” humihikbing tanong niya.
Umiling ito, “Ikaw lang naman ang mahilig mang-iwan eh.”
Niyakap niya ng mahigpit ang binata, isang buwan lang ang hinintay nila ay nagpakasal agad ang dalawa. Katwiran nila ay matagal na rin silang nagtiis.
Nag-isang dibdib sila hindi lang dahil iyon ang bilin ni Guia kung hindi dahil iyon rin ang isinisigaw ng kanilang mga puso.