Pinagsamantalahan at Pinaslang ang Magandang Dalaga, Isang Kulay Pulang Bandana Lang Pala ang Makapagtuturo sa Salarin
Kinahuhumalingan ng mga kalalakihan si Lena sa kanilang lugar dahil sa taglay niyang kariktan na pang beauty queen, kaya naman palagi siyang napipili ng kanilang barangay para ilaban sa mga patimpalak na may kinalaman sa kagandahan.
“Lena, kasali ka na naman pala sa Binibining Barangay ngayong darating na kapistahan?” tanong ni Aling Mameng.
“Naku, pinilit lang po ako ni Kapitan, e!”
“Sino pa ba ang pipiliin niya, e ikaw lang ang pinakamagandang babae dito!”
“Hindi naman po!” mapagkumbabang wika ng dalaga.
Tatlong araw bago ang kapistahan ay nabulabog ang buong barangay sa isang karumal-dumal na pangyayari.
“Si Lena, si Lena, duguan at walang buhay sa sapa!” sigaw ni Berta.
Dahil sa narinig ay nagmamadaling tinungo ng mga kapitbahay ang sapa kung saan natagpuan ang bangkay ni Lena. Walang saplot sa katawan at tadtad ng saksak.
“Diyos ko! Anong nangyari kay Lena?’ gulat na tanong ni Aling Mameng.
“Kahapon ay kausap ko lang siya, a! Tapos ngayon ay…huhu!” iyak pa ng babae.
“Pinagsamantalahan daw at pinaslang si Lena ng di pa kilalang salarin,” sagot ni Mang Atong.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis na pinagsamantalahan muna ang kaawa-awang dalaga bago ito pinaslang. Hindi pa rin makapaniwala ang mga kapitbahay sa nangyari kay Lena. Ngayon lang kasi may nangyaring ganoon sa kanilang barangay na itinaon pa sa nalalapit na kapistahan.
“Kung sino man ang gumawa niyan kay Lena ay dapat na managot sa batas!” wika ni Kapitan Tianong.
“Pero, paano natin malalaman kung sino ang pumaslang at lumapastangan sa kanya, wala namang nakakita sa pangyayari?” tanong ni Aling Mameng.
Laking pagkadismaya din ng pamilya ng dalaga dahil walang lumalabas na testigo. Malinis ang pagkakagawa ng krimen at walang makitang bakas ng may sala.
Isang gabi, habang naglalakad si Aling Mameng pauwi ng bahay ay may nakita siyang babae na umiiyak sa gilid ng malaking puno. Hindi niya maaninag ang anyo ng babae dahil takip-takip ng mga kamay ang mukha nito.
Nakaramdam siya ng awa kaya agad niya itong nilapitan. Ngunit nang malapit na siya sa kinatatayuan ng babae ay bigla na lamang itong nawala sa kanyang harapan.
Sa sobrang takot ay napakaripas ng takbo si Aling Mameng.
Kinabukasan ay ikinuwento niya sa mga kapitbahay ang naging karanasan at iisa lang ang hinala ng mga ito.
“Si Lena, Mameng! Si Lena ang nakita mong umiiyak!” sabi ni Berta.
“Nagmumulto si Lena. Hindi siya matahimik sa ginawa sa kanya!” sambit pa ni Mang Atong.
“Diyos ko naman! Sa dinami dami ng tao dito sa atin ay bakit sa akin pa siya nagpakita?” takot na wika ni Aling Mameng.
“Baka naman may kinalaman ka sa nangyari sa kanya, Mameng? Umamin ka na!” biro ni Mang Atong.
Sa inis ay pinaghahampas ni Aling Mameng ng hawak na pamaypay ang matandang lalaki.
“G*go ka! Bakit pati ako ay idinadamay mong hudas ka?!”
Ang kaninang seryosong usapan ay napalitan ng kantiyawan at biruan. Ngunit sa isip nila ay dapat nang mabigyan ng katarungan ang pagpaslang sa kapitbahay nilang si Lena.
Ang akala ni Aling Mameng ay tapos na kababalaghang nangyari sa kanya ng nagdaang gabi, ngunit muling naulit ang nakakatakot na pangitain.
Araw ng kapistahan, kabababa lang ng babae sa sinakyang jeep galing sa pamilihan nang makasalubong niya ang isang babae. Hindi nito pinapakita ang mukha at nakatungo lang. Napansin niya ang duguan nitong damit. Lalo siyang kinilabutan nang hawakan nito ang kanyang braso.
“Aaahhh! Bitawan mo ako!” sigaw niya.
Nang biglang may tumapik sa likuran ng babae.
“O, anong nangyari sa iyo, Mameng?” tanong ni Kapitan Tianong.
“Diyos ko, Kapitan! Minumulto na naman ako ni Lena!” sigaw ng babae.
“A-anong pinagsasasabi mo?”
“Si Lena, Kapitan! Nagpapakita ang multo niya!”
Napahimas sa balbas si Kapitan Tianong sa sinabi ni Aling Mameng.
“Paano mong nasabi na si Lena nga ang nagmumulto?”
“Basta, Kapitan alam kong siya iyon dahil suot-suot niya ang kulay pulang bandana na iniregalo ko sa kanya noong kaarawan niya!”
“Ganoon ba? Puwes, kailangan itong malaman ng mga pulis! Makipagkita ka sa akin mamayang gabi at samahan mo ako sa pulisya!” yaya nito.
“O-opo, Kapitan!”
Nang sumapit ang gabi ay isang krimen na naman ang nangyari. Natagpuang wala nang buhay si Kapitan Tianong sa sapa kung saan nakita ang bangkay ni Lena.
“Susmaryosep! Una si Lena, tapos si Kapitan naman!” wika ni Berta.
“Nalagutan daw ng hininga si Kapitan dahil sa sakal. Nakapulupot pa nga sa leeg niya ang bandanang ginamit ng suspek!” sabi ni Mang Atong.
“A-ano kamo, bandana?”
Sa di malamang dahilan ay sinilip ni Aling Mameng ang bangkay ni Kapitan Tianong. Laking gulat niya ang makita ang kulay pulang bandanang nakapulupot sa leeg nito. Namukhaan niya ang bandana at napag-alamang iyon ang bandanang pagmamay-ari ni Lena.
“P-paanong nangyari ito!” tanong ni Aling Mameng sa sarili.
“Si Kapitan ang gumahasa at pumaslang kay Lena?”
Mayamaya ay isa pang balita ang gumulat sa mga kapitbahay.
“Si Pablo, inaresto ng mga pulis!” sigaw ni Mang Atong.
Si Pablo ang katiwala ni Kapitan Tianong sa barangay. Ito ang nakakaalam ng lahat ng plano ng Kapitan. Umamin ang lalaki na balak palang paslangin ni Kapitan Tianong si Aling Mameng dahil ang akala nito ay mabubunyag na ang ginawa nitong panggagahasa at pagpaslang kay Lena nang banggitin ni Aling Mameng ang tungkol sa pulang bandana. Sa takot na baka sabihin ng multo ng dalaga ang totoong nangyari rito ay binalak na ipapaslang ni Kapitan Tianong ang babae ngunit bago nito naisagawa ang maiitim na balak ay inunahan na ito ni kamatayan.
Pinagtagpi-tagpi ni Aling Mameng ang mga pangyayari at malinaw na sa kanya ang lahat, na si Lena ang sumakal kay Kapitan Tianong gamit ang bandanang ibinigay niya rito at ginawa iyon ng dalaga para pigilan ang masamang balak sa kanya ng Kapitan. Kaya pala nagpapakita sa kanya ang multo nito ay dahil gusto siya nitong balaan.
Kinaumagahan ay dinalaw ni Aling Mameng ang puntod ni Lena. Inalayan niya ito ng sariwang bulaklak at ipinagtirik ng kandila.
“Tapos na, Lena! Maaari ka nang magpahinga! Salamat sa pagliligtas mo sa buhay ko!” aniya.
Sa wakas ay nakamit na rin ng dalaga ang hustisya at napagbayad na ang tunay na salarin.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!