Inday TrendingInday Trending
Pinagkamalang Aswang ang Babaeng Ito Dahil sa Kaniyang Itsura, Mapapahiya ang mga Kapitbahay ng Ibinunyag Niya ang Lihim

Pinagkamalang Aswang ang Babaeng Ito Dahil sa Kaniyang Itsura, Mapapahiya ang mga Kapitbahay ng Ibinunyag Niya ang Lihim

Pauwi na ang dalaga sa kaniyang tinitirhan nang magulat siyang may isang batang kumalabit sa kaniya.

“ Ate, ang ganda niyo po. Aswang po ba talaga kayo?” tanong ng isang bata sa dalaga.

“San mo naman nakuha yan bata?” tanong niya dito.

“Sabi kasi ng nanay ko at ng mga kaibigan niya e aswang daw ho kayo dahil hindi raw ho nagbabago ang itsura niyo. Sabi rin nila nasa tiyan pa lang ako ng nanay ko e ganyan na kayo. Mukhang hindi naman po kayo aswang e,” saad ng bata sa kaniya.

Ngumiti lamang ang dalaga at hinawakan nito ang ulo ng bata at saka ginulo ang buhok. Rinig na rinig naman niyang sumisigaw ang nanay ng bata na nasa ikatlong palapag ng gusali.

“Wag mong hawakan ang anak ko!” sigaw ng ale.

Dali-dali naman niyang binitiwan ang bata at pumasok na sa kaniyang bahay.

Isang studio type ang loob ng dorm ni Pam, kaunti lang ang gamit dahil minsan lang naman siya umuwi dito, kinuha niya ang kwarto noong nag-aaral pa lamang siya sa kolehiyo at ngayong may trabaho na ang dalaga ay hindi pa rin niya binitiwan iyon ngunit dahil sa trahedyang naganap sa kaniyang buhay ay napagpasyahan ni Pam na doon muna tumigil.

Pinaandar ng dalaga ang ilaw niyang kulay pula.

“Pam! Kaya mo ito,” wika ng babae sa kaniyang sarili at saka niya tinanggal ang itim niyang sombrero.

Simula nang tumira siya roon ay wala pa siyang nakakahalubilong kapitbahay, dahil na rin siguro hindi naman siya mahilig makipagusap sa mga tao.

Lumabas ang dalaga para magtapon ng basura, nakalugay ang kaniyang maitim na buhok na pagkahaba-haba na umabot na ito sa kaniyang mga binte. Napansin niyang nagtakbuhan ang ilang mga batang nakaupo sa may gilid.

“Sobrang nakakatakot ba ang itsura ko?” tanong niya sa sarili.

“Ate, bakit po ba kayo laging naka-itim at sobrang haba ng buhok niyo?” tanong muli ng batang kuma-usap sa kaniya.

“Ano ang pangalan mo, bata?” tanong niya dito.

“Cedric po,” sagot nito sa kaniya.

“Alam mo Cedric, paborito ko kasi ang kulay itim at pula kaya nga iyon lang lagi ang mga damit ko, ang buhok ko naman ay sadya ito,” saad niya sa bata sabay haplos nito sa kaniyang pisnge.

“Hindi po ba talaga kayo aswang?” tanong niyang muli sa babae.

“Umuwi ka na baka pagalitan ka na naman ng nanay mo. Ako nga pala si Pam, tawagin mo akong Ate Pam,” baling niya kay Cedric.

Nag-ayos na si Pam para sa kaniyang orasyon. Kinuha niya ang paboritong itim na damit at pantalon, nagsuot na rin ito ng kaniyang sapatos. Pagsapit ng 10 ng gabi ay lumabas na ang dalaga at halos isang oras din siyang nawala.

Pag-uwi niya ay naligo ito kaagad dahil punong-puno siya ng pawis at saka siya matutulog. Halos ganoon ang gawain ng dalaga sa araw-araw at alam niyang binabantayan siya ng kaniyang mga kapitbahay ngunit hindi na lamang niya ito pinapansin.

Umaalis din ng maaga ang dalaga para pumasok sa trabaho at gabi na rin ang balik nito.

“Cedric! May dala akong spaghetti, gusto mo ba nito?” tanong niya sa batang nasa hagdan.

“Naku, magagalit ho ang nanay ko pag nalaman niyang galing yan sa inyo. Aswang nga daw po kasi kayo,” saad ng bata.

“Wag mo na lang sabihin na galing sa’kin,” baling ni Pam dito sabay abot ng pagkain. Agad-agad namang umuwi si Cedric sa kanila para kainin iyon.

“Putragis kang bata ka! Ginugutom ka ba?! Bakit mo tinangap ‘yan? Mamaya may orasyon yan!” sigaw ng kaniyang ina na si Aling Patty sabay tinapon ang pagkain. Lumabas ang ale at kinatok ang kapitbahay.

“Hilda! Di ba may buntot ng pagi ka diyan? Pahiramin mo nga ako at susugurin ko yung aswang sa baba mukhang pinupuntirya yung anak ko,” sigaw ng ale.

“Hala ganun ba? Teka, teka sasama ako!” sagot naman ni Aling Hilda sabay labas ng buntot ng pagi.

Dahil alam nilang lalabas si Pam ng 10 ng gabi ay inabangan nila ito at saka sila sumugod.

Pagkalabas pa lang ng pinto ng ni Pam ay agad na bumungad sa kaniya ang dalawang nanay.

“In Jesus name!” sigaw agad ni Aling Hilda.

“Wag mong puntiryahin ang anak ko! Kung hindi, kakalabanin kitang aswang ka!” sigaw ni Aling Patty habang hawak-hawak niya ang buntot ng pagi.

“Aalis ka na naman! Magiging mananangal ka na naman dahil may buntis tayong kapitbahay? Alam kong nahahati ka sa dalawa pag gabi dahil pag bumabalik ka dito ay punong-puno ka ng pawis! In Jesus name!!” sigaw muli ni Aling Hilda na nakatago sa likod ni Aling Patty at naglabasan na ang ilan nilang kapitbahay.

Hindi mapigilan ni Pam ngunit tumawa siya ng malakas na malakas.

“Bakit niyo po ba iniisip na aswang ako?” tanong ng dalaga.

“Simula nang tumira ka dito ganyan na ang itsura mo! Humaba lang buhok mo pero hindi ka tumatanda!” sigaw ng isa nilang kapitbahay. Doon niya napansin na halos lahat ay nakapaligid sa kaniya at may mga dalang walis, bibliya, rosaryo, asin at krus.

“Lagi ka rin umaalis sa gabi at pagbalik mo parati kang basang-basa!” sigaw muli ng isa pa.

“Bumubulong ka rin palagi pag naglalakad ka! At wala kang ibang damit kundi itim at pula! Pati nga ilaw mo pula!” saad ni Aling Patty.

“Nakakatakot ang itsura mo!” sigaw ng isa pang ale.

Halos sumakit ang tyan ni Pam sa kakatawa.

“Sige ho, isa-isa ko hong sasagutin yang mga paratang niyo,” saad ni Pam habang tumatawa. Binuksan niya ang pinto ng kaniyang kwarto.

“Pasok ho kayo, para mapaliwanag ko,” saad ng dalaga sa mga kapitbahay.

“Bakit kami papasok? Mamaya manghina pa kami pag pumasok kami diyan!” sigaw ni Aling Patty.

Kaya naman tumayo na lang sa labas ng pinto si Pam at saka siya nagsalita.

“Unahin po natin yung sa ilaw ko bakit pula, may problema po ang mata ko. May sakit po akong color blind at payo sa’kin ng doktor na dalasan ang pag gamit ng kulay pula at berde. Meron naman ho akong regular na ilaw, pero mas sanay na akong gamitin ang pula,” saad ni Pam sabay pindot sa switch ng mga ilaw.

“Pangalawa, kung bakit po ako parating naka-itim ay dahil nagluluksa pa rin ho ako sa pagkawala ng aking mga magulang kaya nga dito na ako tumigil dahil ngayon ay ulilang lubos na ho ako. Kung dati naman baka nagkakataon lang na naka-itim ako,” dagdag pa ni Pam

“Sunod naman ho ang itsura ko, kung bakit hindi ako tumatanda ay dahil po iyon sa regular na pag-eehersisyo at tamang pagkain,” nakangiting saad ni Pam.

“Ang pag-alis ko po tuwing gabi ay hindi dahil napuputol ako o nagiging manananggal, nagjojogging po ako mga inay!” tumatawang pahayag ng dalaga.

“Pumasok na po kayo sa bahay ko at makikita niyo ang iba ko pang sikreto,” dagdag ng dalaga.

Nagsipasok naman ang mga kapitbahay niya at doon nagulantang sila sa nakita dahil puro pang ehersisyo ang naroon.

“Ito rin po ang iniinom kong pampabata. Bitamina, pwede po kayong bumili sa’kin at ito naman hong buhok ko panata ko na hindi ko puputulin hangga’t wala akong nagiging nobyo,” pahayag ng dalaga. Doon ay ibinaba na nila ang kanilang mga dala at niyakap agad ni Aling Patty ang dalaga.

“Patawarin mo ako at nakikiramay ako sa pagkawala ng iyong mga magulang,” saad ng ale at nag group hug silang lahat.

Simula noon ay natigil na ang pagtawag sa kaniya ng aswang at nagkaroon pa siya ng negosyo dahil sa pagbebenta ng mga bitamina. Nagturo rin sya ng zumba sa kanilang lugar. Ngayon ay masaya ang babae kahit nga wala na ang kaniyang mga magulang dahil nagkaroon naman siya ng mga masiyahing kapitbahay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement