Inday TrendingInday Trending
Napadpad sa Isang Isla ang Lalaki Matapos Lumubog ang Sinasakyang Barko; Isang Malaking Aral Pala ang Matututunan Niya Mula Rito

Napadpad sa Isang Isla ang Lalaki Matapos Lumubog ang Sinasakyang Barko; Isang Malaking Aral Pala ang Matututunan Niya Mula Rito

Sabik na sabik si Alberto na umuwi sa probinsiya upang makapiling muli ang mga mahal sa buhay. Maaga pa lamang ay nagprepara na siya para sa nalalapit na pag-uwi. Inayos na niya ang mga maleta at bag na dadalhin pati na ang tiketa sa barkong sasakyan.

“Kaunting oras na lamang at makakasama ko na ang mga anak at asawa ko,” nakangiting bulong niya sa sarili.

Nakangiti siyang umalis sa pansamantalang bahay na tinutuluyan at masayang-masaya na bumiyahe patungo sa daungan. Nang makarating doon ay nilanghap niya ang mabangong hangin na nanggagaling sa karagatan.

“Sa wakas at matapos ang dalawang taon ay makakapagbakasyon na ako sa amin,” bulong niya sa sarili habang iniisip ang masasarap na pagkain ng ihahain sa kanya ng pamilya.

Tatlong araw bibiyahe ang barko mula sa Maynila hanggang sa daungan sa kanilang probinsiya. Hindi naman na alintana kay Alberto ang tatlong araw, basta ang mahalaga ay makauwi ng ligtas sa pamilya.

Sa kalaliman ng gabi habang ang lahat ay nagpapahinga, ay biglaan na lamang mayroon malakas na pagsabog silang narinig kasunod ang malakas na pagyanig ng sinasakyang barko. May tila ba malakas na tunog na umalingawngaw na nagdulot ng takot sa mga pasahero.

Dali-daling lumabas si Alberto ng kwarto at inalam ang nangyayari sa labas. Laking gulat niya nang tumambad sa kanya ang isang malaking apoy na tumutupok sa barko. Sinuong niya ang mga dila ng apoy makalabas lamang ng buhay mula sa pasilyo.

Nagkakagulo na ang mga tao habang unti-unting nilalamon ng apoy ang barko. May ilan na tumalon na sa karagatan at may ilan naman na lumikas na sakay ng maliliit na bangka mula sa barko. Naging sunod-sunod ang pagsabog kasabay na pagkawasak ng barko.

Hindi na alam ni Alberto ang gagawin. Hindi sapat ang mga bangka upang maisakay lahat ng nasa barko. Unti-unti na itong nawawasak at mabilis na lumulubog sa kailaliman ng tubig. Wala naman nang ibang pwedeng pagpilian si Alberto kundi ang tumalon na lamang sa tubig o makasama sa paglubog ng nawawasak ng barko.

“Panginoon ko. Ikaw na ang bahala sa akin. Ikaw na ang bahala sa aming lahat ng sakay ng barkong ito,” taimtim na dasal ng lalaki.

Sinuot niya ang kulay kahel na salbabidang diyaket at naghanda sa pagtalon sa malaking karagatan. Madali siyang lumakad patungo sa dulo ng barko at ipinikit na lamang ang mata, ngunit bago makatalon at biglang sumiklab ang malakas na apoy kasunod ang malakas na pagsabog, dahilan para siya’y tumalsik at mahulog sa tubig.

Dahil sa malakas na pagsabog at masakit na bagsak sa tubig ay nawalan ng malay ang lalaki. Tanging sigaw lamang ng mga taong humihingi ng tulong ang kanyang huling narinig bago pa tuluyang mawalan ng kamalayan.

Magdamag na nagpalutang-lutang si Alberto sa dagat hanggang sa bumungad sa kanyang mga mata ang nakakasilaw at mainit na sinag ng araw. Napadpad siya sa isang isla na hindi siya pamilyar. Tila ba isang kagubatan, ngunit payapa ang isla.

Kahit walang gaanong lakas ay pinilit niyang tumayo upang galugarin ang isla at maghanap ng mga taong nakaligtas na tulad niya. Sa gitna ng mainit na araw ay sinuyod niya ang buong isla, ngunit wala siyang natagpuan na ibang tao doon.

Upang manatiling ligtas at buhay ay namulot siya ng mga bali-baling kahoy at pumutol ng mga dahon mula sa mababang puno niyog. Sa may dalampasigan ay may iilang mga kagamitan ang lumulutang mula sa lumubog na barko kaya’t kumuha siya ng mga maaring magamit mula rito.

Gumawa siya ng maliit na kubol gamit ang mga dahon at putol-putol na mga kahoy. Sapat na ito upang mayroon siyang tulugan at pahingahan tuwing gabi at proteksyon na rin laban sa mga mababangis na hayop kung mayroon man.

Ilang araw nanatili doon si Alberto. Nabuhay siya sa pagkain ng mga prutas at punong-kahoy na maaring kainin. Paminsan-minsan ay nakakahuli siya ng isda at iniihaw sa apoy na nagawa gamit ang kinikis na mga kahoy.

Isang araw bago maghanap ng makakain ay nagkiskis ng kahoy ang lalaki at gumawa ng maliit na apoy. Hinayaan niya itong magbaga upang sa pagbabalik ay lulutuin na lamang ang pagkain na mahuhuli.

Lumibot siyang muli sa isla upang humanap ng pantawid-gutom. Isang malaking usok naman ang umagaw ng kanyang atensyon. Nagulat siya dahil sa pagkakaalam niya ay siya lamang ang tao rito, kaya’t sino ang gagawa ng noon.

“May ibang tao pa ba dito maliban sa akin?” tanong niya sa sarili.

Sinundan niya ang pinanggagalingan ng usok at laking gulat niya ng makita na ang maliit na kubol na kaniyang ginawa at tinutupok na ng apoy. Sinubukan niya pigilan ang malaking pagkalat nito, ngunit huli na siya. Ubos na ubos na ang pahingahang gawa sa kahoy.

Napaupo na lamang siya at natulala sa nangyari. Nagsarado ang kanyang mga palad at saka sumigaw.

“Ano na naman ba ito?” sigaw niya, “Diyos ko, bakit Ninyo hinayaan na magkanito ang kalagayan ko? Totoo ka ba talaga? Bakit puro pahirap na lamang ang nararanasan ko?!” galit na saad niya.

“Kung tunay Ka ngang Diyos, bakit Mo hinayaan na danasin ko ang ganitong klaseng paghihirap? Hindi pa ako handang lisanin ang mundong ito, iniintay pa ako ng asawa at mga anak ko!” dagdag pa ni Alberto habang pumapatak ang mga luha.

Wala siyang ibang magawa kundi sumigaw nang sumigaw at tumangis na lamang. Hindi niya alam kung paano makakaalis sa islang kinalalagyan ngayon. Unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa. Ipinikit na lamang niya ang mata at hindi namalayang nakatulog pala sa sobrang lungkot at pagod.

Maya-maya pa ay may kung anong ingay siyang narinig, dahilan upang siya ay mapabangon. Parang isang malakas na hugong na nanggagaling sa dalampasigan. Nakita niya ang isang barko na hindi kalakihan na papalapit sa isla.

Nang matanaw ito ay agad na sumigaw si Alberto, “tulong! Tulungan ninyo ako! May tao dito! Saklolo!” malakas na sigaw niya.

Tumakbo siya papalapit sa dalampasigan upang salubungin ang sasakyang pangkaragatan. Mula rito ay bumaba ang ilang mga sundalo at agad na lumapit sa kanya.

“Huwag po kayong mag-alala, ligtas na kayo sir,” sabi ng isang sundalong sumalubong sa kanya.

“Salamat at dumating kayo. Akala ko ay dito na ako babawian ng buhay sa islang ito,” tuwang-tuwang wika ng lalaki, “pero paano pala ninyo nalaman na mayroong tao rito sa isla?” tanong pa niya.

“Naghahanap po kami ng ilang nakaligtas at palutang-lutang na katawan, suwerte naman namataan namin ang isang malaking usok, kaya pinuntahan namin kaagad dahil alam namin na may buhay sa islang ito. Dahil sa ‘smoke signal’ mo ay nalaman namin na nandirito ka,” saad pa ng sundalo.

Napatahimik naman ng bahagya si Alberto, “salamat dahil sa inyo ay makakasama ko na ang pamilya,” wika niya.

“’Wag po kayong mag-alala. Makakauwi ka na ng ligtas sa pamilya mo,” nakangiting sagot ng sundalo.

Isinakay nila si Alberto sa barko. Ginamot doon ang ilang mga sugat na tinamo nang lumubog ang sinasakyang barko noon. Habang nakasakay sa barko ay nakatitig lamang siya sa hampas ng alon sa karagatan.

“Diyos ko, patawarin Ninyo ako. Kinuwestyon ko pa ang mga plano mo sa akin gayong darating din pala ang kaligtasan sa akin,” mahinang dasal niya.

Ang akala niyang kamalasan sa pagkasunog ng kanyang kubol ay siya palang rason upang matagpuan at mailigtas siya sa islang kinaroroonan noon. Akala niya’y pinahirapan siya ng Diyos ngunit naging daan pa pala ito upang siya ay masagip.

Nagdasal si Alberto at humingi ng kapatawaran sa Diyos. Napagtanto niya na ang kasagutan pala sa kanyang dasal noon ay ang pagkakasagip sa kanya mula sa isla. Nalaman niyang ang Diyos pala ay gumagawa sa mga paraang hindi agad natin naiintdihan, pero ang katotohanan ay nandiyan lamang Siya at handang tumulong.

Tulad ni Alberto ay dumadaan din tayo sa malalaking pagsubok sa buhay na inaakala nating hindi na natin malalagpasan. Kadalasan ay hindi natin naiintindihan ang solusyon na ibinibigay sa atin ng Panginoon na minsan ay kinukuwestiyon pa natin.

Minsan ang mga problemang pinipili nating iwasan ay siya palang magtuturo sa atin ng malalaking-aral sa buhay, dahil ang lahat ng nangyayari sa atin ay may malalim na dahilan. Manampalataya lamang tayo at magtiwala sa plano sa atin ng Diyos. Huwag mawawalan ng pag-asa dahil darating din ang kasagutan sa ating mga dasal.

Advertisement