Isinilang ng Babae ang Isang Walang Buhay na Sanggol; Isang Milagro ang Kanilang Nasaksihan nang Biglang Magmulat Ito
Isa si Angie sa mga nanay na halos wala nang oras para sa sarili dahil sa pag-aasikaso sa kanyang pamilya. Araw-araw ay abala siya sa mga gawaing bahay, ngunit isang bagay lamang ang kayang pumawi ng lahat ng kanyang pagod. Ito ay ilang minutong pagsilip ni Angie sa baby album na kanyang iniingatan.
Hilig ni Angie ang mag-ayos ng mga litrato at at maglagay ng magagandang disenyo sa baby album na ito. Matapos ang mga gawaing ay naglalaan na siya ng oras upang mag organisa muli ng mga litrato.
Habang isinasaayos ang mga litrato ay biglang nanumbalik sa kanyang alaala ang mga masasayang pangyayari na nasa mga litrato. Nang damputin niya ang litrato ng kambal niyang anak ay biglang tumulo ang luha galing sa kanyang mga mata.
Naging maselan ang pagbubuntis ni Angie sa kambal noon. Naalala niya ang araw kung saan hindi niya inaasahang lalabas kaagad sa mundong ibabaw ang mga magiging supling ng kulang sa buwan.
“Dave! Dave!” pagtawag niya sa kanyang asawa.
Isang maulang gabi noon nang makaramdam si Angie ng pananakit ng tagiliran at tiyan. Hindi siya mapalagay dahil galaw nang galaw din ang mga bata sa loob ng kanyang sinapupunan.
“Ano iyon? May problema ba mahal?” nagmamadaling tanong naman ng asawang lalaki.
“Medyo matindi na ang pananakit ng tiyan ko at medyo nahihirapan na ako. Dalhin mo na ako sa ospital. Baka kung mapaano kami ng mga anak natin,” daing pa ng babae.
“O sige mahal. Ihahanda ko lamang ang sasakyan. Ipaayos mo na rin kila manang ang gamit mo,” wika ng lalaki habang nagmamadaling kinuha ang susi ng sasakyan.
Hindi na matiis ni Angie ang matinding sakit na nadarama. Buti na lamang at malapit lamang ang malaking ospital sa kanilang bahay. Nang makarating doon ay agad siyang sinuri ng doktor upang malaman ang kanyang kondisyon.
“Manganganak na po kayo ngayon mommy,” wika ng doktor.
“P-pero doc, 7 months pa lamang po ang kambal ko,” gulat na sagot naman ng babae.
“Oo mommy. Kaya lang ay mahina ang kapit talaga ng kambal. Iyon po ang dahilan kung bakit nakakaramdam kayo ng pananakit ng tiyan ngayon,” kalmadong sabi ng doktor.
Mahirap man ngunit kinailangan ni Angie na iluwal ang kambal na kulang sa buwan. Ligtas niyang nailuwal ang unang supling na babae, si Jamie subalit ang kakambal na lalaki na si Jammy ay masaklap naman ang kalagayan.
“Congratulations mommy! Ligtas po ninyong nailuwal ang anak ninyong babae,” sambit ng doktor, “pero ikinalulungkot ko po na sabihin na hindi kinaya ng isang bata,” umalis saglit ang doktor at bumalik na dala-dala ang sanggol na wala nang buhay.
“Ginawa na po namin ang lahat upang mailigtas ang buhay ng isa ninyo pang anak, pero hindi na po talaga kaya ng katawan niya. Hahayaan ko muna po kayong kargahin ang baby ninyo para makita po ninyo siya,” saad ng doktor habang iniaabot ang walang buhay na sanggol.
Halos madurog naman ang puso ni Angie nang makita ang kaawa-awang kinahinatnan ng isa sa kanyang mga sanggol. Kasing init naman ng kanyang mga yakap ang mga luhang bumabagsak ngayon galing sa kanyang mga mata.
Sinubukan niyang kausapin ang sanggol upang magpaalam rito, ngunit mga luha at paghuhugol lamang ang tanging naririnig galing sa kanya. Patuloy ang pagtulo ng kanyang mga luha habang minamasdan ang sanggol na nakapatong sa kanyang dibdib.
“Angie, mahal tama na…” naluluhang sambit ng kanyang asawa, “magpaalam na tayo sa baby natin. Ang mahalaga ay alam niya kung gaano natin siya kamahal,” dagdag pa nito.
“Mahal na mahal kita anak…” bulong ni Angie sa walang buhay na sanggol na nakapatong sa kanyang dibdib.
Makalipas ang ilang minutong pagluha at pagyakap ng babae sa anak, ay hindi naman maipaliwanag na pangyayari ang naganap. Naramadaman ni Angie na tila ba kumilos ang mga daliri ng sanggol.
“Doc, gumalaw ang baby ko! Naramdaman kong gumalaw ang baby ko!” sigaw ni Angie.
“Mommy isang natural na pangyayari lamang po ito. Mayroong kaunting paggalaw ang magaganap sa bata kahit na wala na siyang buhay, pero 100% na sigurado po ako na wala nang buhay ang sanggol,” malumanay na sabi ng doktor.
Pinaniwalaan naman ng mag-asawa ang sinabi ng doktor. Sinulit nila ang ilang pang mga minuto na kasama ang sanggol, subalit habang karga ni Angie ang bata malapit sa kanyang dibdib ay biglang dumilat ang mga mata ng sanggol.
“Tignan mo Dave, nagmulat ang mga mata ni baby!” gulat na reaksyon ng babae.
Ngunit naisip na lamang nila ang sinabi na doktor na magkakaroon ng natural na paggalaw ang bata kahit ito ay wala na. Pinagmasdang mabuti ng dalawa ang magagandang mata ng bata.
Mapalad pa rin sila dahil nakita nila ang mapupungay na mata ng sanggol. Ang hindi alam ng mag-asawa na sa mga oras na iyon ay bubukas ang pinto ng kalangitan at bubuhos ang pagpapala sa kanilang dalawa.
Nanatiling nakadilat si baby Jammy, kasunod ang pagkilos ng mga daliri nito. Hinawakan ng sanggol ang mga daliri ng kanyang ina. Inilapit naman ng ama ang kanyang daliri sa kamay ng sanggol at ito naman ay agad na hinawakan din ng bata.
Nahati ang kanilang paniniwala na wala na talagang buhay ang sanggol. Sinubukang kumuha ni Angie ng ilang patak na gatas mula sa kanyang dibdib, inilagay ito sa kanyang mga darili at inilapit sa labi ng sanggol.
Hindi naman sila makapaniwala nang makitang iniinom ng sanggol ang gatas. Magkahalong gulat at saya ang kanilang nadama nang makita na buhay si baby Jammy, buhay ang kanilang anak.
Sa kabila ng lahat ng ito ay hindi pa rin makapaniwala ang doktor. Kinuha niya ang istetoskop at inilapit sa dibdib ng sanggol, napailing ang doktor at gulat na gulat nang marinig na tumitibok ang puso ng sanggol, taliwas sa sinabi niyang wala nang buhay ang sanggol.
Kumalat ang balitang ito at naging laman ng mga programa sa radyo at telebisyon. May paliwanag naman ang ilang mga doktor tungkol dito. Sinasabi nila na ang init daw ng katawan ng ina at ang tibok ng puso nito ay naging malaking tulong upang piliin ng sanggol ang mabuhay kaysa sa sumuko.
Anuman ang eksplanasyon ng siyensiya tungkol dito, pero para sa mag-asawa ay isa itong milagro mula sa langit. Isang malaking milagro ang biglaang pagtibok ng puso ng kanilang anak.
Malapit nang matapos si Angie sa inaayos na photo album. Napangiti siya kasunod ng mga luha habang inilalagay ang huling litrato ng kambal kung saan umiihip ito ng kandila sa ibabaw ng kanila keyk noong ika-limang taong kaarawan nila.
Nang mailagay na ang huling litrato ay pumasok naman ang asawang si Dave kasama ang kambal nilang anak na sina Jamie at Jammy. Yumakap ang mga ito sa kanya ng sobrang higpit at saka humalik sa kanyang pisngi.
Masayang ipinakita naman ni Angie sa mga bata ang mga litrato ng mga ito na nasa photo album. Ang sisidlan na ito ng mga litrato ang naging baul ng napagandang karanasan nila nang minsan maranasan ang isang malaking milagro mula sa kalangitan.