Pinayuhan ang Ginang na Ipasuri Raw ang Anak sa Isang Sikologo Dahil sa Kakulitan Nito; Laking Pasasalamat Naman Niya nang Sundin ang Payo sa Kanya
Hindi maiwasang mag-alala ni Cherry sa kanyang anak na si Francheska. Siyam na taon pa lang ang bata ngunit tila ba ay nasa peligro na ang magiging kinabukasan nito dahil sa isang liham na ipinadala ng mula sa punong-guro ng paaralan.
Nakasaad sa sulat ang pag-aalala ng mga guro sa kakaibang ikinikilos ng bata sa klase. Hindi raw ito nakakapagpasa ng takdang aralin, palaging mababa ang iskor sa mga eksaminasyon at mahina sa klase. Bukod sa mga iyon ay inrereklamo din ang pagiging malikot at maingay ng bata.
Madalas din daw na hindi nakakapagtuon ng atensyon ang bata lalo na pag mayroong nagsasalita sa unahan. Madalas na napapagalitan pa dahil parati daw itong tulala at nakatingin lamang sa labas.
“Anak, totoo bang hindi ka raw nakikinig sa klase? Madalas daw ay nagiging makulit ka doon?” tanong ng ina.
“Sorry po mommy. Sinubukan ko naman po na maging behave lang, pero minsan po kasi parang gusto kong tumayo o umikot sa classroom kasi naiinip po ako. Galit po ba sa akin si teacher?” sagot naman ng anak.
“Hindi anak. Hindi galit sa’yo si teacher. Gusto lang nila na mag-behave ka lang sa school, okay ba yun anak?” malumanay na tanong ng ina.
“Yes po mommy. Susubukan ko po,” nakangiting sagot naman ng bata.
Lingid sa kaalaman ng bata ay sinabihan na pala ng mga guro ang ginang na ipasuri sa espesiyalista anak upang malaman kung normal ba ito. Iminugkahi nila na baka kailangan sa paaralan na para sa mga batang may espesyal na pangangailangan pag-aralin si Francheska.
Masakit man para kay Cherry subalit minabuti niya na ipasuri at ipatingin ang anak sa isang taong dalubhasa sa agham ng isip na para sa mga bata. At nang makarating sa klinika ay iningatan ni Francheska ang kanyang pagkilos.
Hindi siya naglikot o naging makulit man lang. Pinaupo siya ng psychologist sa isang upuan na yari sa kuwero. Pagkatapos ay nagtungo ang doktor sa lamesa nito at nagsimulang magtanong ang doktor sa ina ng bata.
Kahit na kausap ang ina ay maingat naman niyang inoobserbahan si Francheska, kaya’t mas lalong tumindi ang kaba nito. Para kasi sa kanya ay wala naman siyang problema.
Makalipas ang halos tatlumpung minuto ay huminto na sa pagtatanong ang doktor. Lumapit ito sa tabi ni Francheska at umupo.
“Francheska, maraming salamat at naging behave ka kanina habang magkausap kami ni mommy mo, pero okay lang ba na mag-intay ka pa ng kaunti sa labas ng kwarto ito? Kailangan ko kasing makausap ng personal ang mommy mo,” tanong ng doktor.
Hindi naman na nagreklamo pa si Francheska at saka tumango na lamang. Ngumiti naman ang doktor at iniwang mag-isa ang bata. Bago muling lumabas ang doktor ay binuksan niya ang radyo at nagpatugtog ng musika.
Habang nasa pasilyo ay may importanteng sinabi ang doktor kay Cherry.
“Misis, pagmasdan mong mabuti ang gagawin ng anak mo pero huwag kang magpapahalata na tinitignan mo siya,” sabi ng doktor.
At habang nagtatago sa gilid ng kwarto ay pinagmasdan ni Cherry ang gagawin ng anak. Tumayo ang bata, sumayaw at sinabayan ng kumpas ng musika. Ilang minuto nilang pinagmasdan ang napakagandang pagsasayaw ng bata.
“Alam ninyo po misis? Wala pong sakit ang anak ninyo, bagkus ay isa siyang napakagaling na mananayaw. Mas makabubuti po siguro kung ipasok niyo siya sa isang dance school. Isa siyang malusog at mabait na bata kaya wala po kayong dapat na ipag-alala,” wika pa ng doktor.
Tila ba ay nahinga naman ng maluwag si Cherry sa sinabi ng doktor. Normal lang pala ang pagiging malikot minsan ng bata. Ipinasok kaagad niya ang anak sa isang paaralang para sa mga mananayaw.
“Mommy nakakatuwa po sa dance school. Madami po kami dun, tapos pag wala kaming magawa ay nagsasayaw pa rin kami. Pare-pareho po kami ng hilig sa pagsasayaw doon mommy,” tuwang-tuwa na saad ng bata.
Linggo-linggo ang naging klase doon ni Francheska. Kahit na nasa bahay ito ay hindi pa rin ito tumigil sa pagsasayaw. Kalaunan ay sinimulan niya sumali sa mga patimpalak.
Hindi naman naglaon ay naging tanyag na mananayaw si Francheska. Naging isa siyang sikat na ballet dancer. Nagawa niyang magtanghal sa iba’t ibang panig ng mundo. Naging dedikado pa siya upang mapaghusay pa ang pagsasayaw.
Nakapagpatayo siya ng sariling paaralan para sa mananayaw. Naging sikat na koreograpo din siya sa maraming pagtatanghal. Naging matunog ang kanyang pangalan sa larangan ng pagsayaw.
Sa likod ng tinamong tagumpay ay naroon ang isang doktor na maingat na umusisa sa kanyang pagiging isang katangi-tangi at isang ina na buong pusong nagmahal at sumuporta sa pasyon ng anak.
Dahil naiiba ay nahusgahan kaagad ng mga guro noon ang bata, ngunit hindi nila nalalaman na may itinatago pala itong magandang talento na ngayon ay ibinabahagi na niya sa buong mundo.