Inday TrendingInday Trending
Dahil Mga Nanay na’y di na Raw Nila Kailangan Pang Mag-ayos at Magpaganda Ngunit Magigising ang Magkaibigang ito sa Katotohanan Nang Makausap Nila ang Kanilang Mga Asawa

Dahil Mga Nanay na’y di na Raw Nila Kailangan Pang Mag-ayos at Magpaganda Ngunit Magigising ang Magkaibigang ito sa Katotohanan Nang Makausap Nila ang Kanilang Mga Asawa

“Friend! Magre-reunion daw yung batch natin. Pupunta ba tayo?” tanong ni Michaela, ang matalik na kaibigan ni Ariana.

“Oo naman ano! Magpapahuli ba ang presidente at bise presidente ng klase? Syempre hindi!” saad naman ng dalaga.

“Baka mailang lang tayo doon. Tsaka nahihiya ako kasi ang taba-taba na natin,” baling ni Michaela.

“E ano naman kung mataba tayo? Tsaka isa pa itong tabang ito ay tabang pagiging responsable. Mas inuna kasi natin ang pamilya natin kesa sa magpaseksi at magpaganda, kaya dapat lang na maging proud tayo dito! Yayanigin natin sila!” sagot ni Ariana sa kaibigan sabay pinagdikit nila ang ice cream nilang hawak.

Magkaklase ang dalawa noon at parehas na kilala sa kanilang eskwelahan. Bukod kasi sa matatalino ay napakagaganda rin ng dalawa. Aminado ang magkaibigan na malaki ang pinagbago ng kanilang mga sarili simula noong sila’y magsipag-asawa. Bukod sa hirap sa buhay ay hindi na sila nakabalik sa trabaho dahil mas mahal pa ang magkaroon ng katulong, kaya naman nanay/katulong daw ang ginagampanan nila sa buhay.

Si Ariana ay may tatlong anak at halos tig-iisang taon lamang ang pagitan ng mga ito. Ang bunso niya ngayon ay tatlong taong gulang at napakalilikot nilang lahat.

Habang si Michaela naman ay may limang anak, ang bunso niya ay limang taong gulang na ngunit mas masakit sa ulo dahil ang lahat ng kaniyang mga supling ay pumapasok na sa eskwela at kailangan niyang tutukan ang mga iyon.

Halos pare-pareho ang drama nila sa buhay, gigising sila ng umaga para magluto ng almusal, gigising ang mga bata at papakainin ang mga ito. Magliligpit ng pinagkainan at maglilinis ng bahay sandali tsaka naman sila papaliguan at maghahanda naman ng pananghalian ang susunod na gagawin. Kakain at magliligpit ulit.

Hihintayin ang meryenda at kakain at magliligpit ulit. Papatulugin ang mga bata sa hapon para naman magawa niya ang ibang gawaing bahay.

Sasapit ang hapunan, mamamalengke, magluluto, magpapakain, magliligpit at doon pa lang sila makakahinga ng maluwag kapag tulog na ang mga bata.

Ang ending, pagod na pagod ang katawang lupa ng dalawang magkaibigan at nasanay na lang silang ganoon ang nangyayari sa kanilang pangaraw-araw na buhay.

Pinaka-libangan na nila ang pagmemeryenda at pakikipagkwentuhan sa mga kapitbahay hanggang sa hindi na nila napansin na ang dati nilang katawan ay naging doble ang laki.

Kaya naman nang dumating ang araw ng reunion ay talagang naghanda ang dalawa, kahit pa nga dabyana na ang asar sa kanila ay kayang-kaya pa rin nilang dalhin ang kanilang sarili.

Sabay na pumunta ang dalawang magkaibigan sa party.

“Hala kayo na ba yan?! Ang laki ng mga nilaki niyo!” sigaw ni Brenda na dating si Brandon.

“Oo na, mader! Kami ang mga powerful na may bahay. Tsaka alam mo na pag nanay ka na, wala ka nang time mag-ayos ano ka ba!” mabilis na sagot ni Ariana. Nakayuko lamang si Michaela dahil mas mahiyaan ito kaysa sa kaibigan.

“Naku! Paano na ang moment niyo ni mister? E di sobrang pangit na?” tumatawang tanong ni Brenda.

“Naging babae lang ang itsura mo mas grabe na yung sinama ng tabas dila mo ano?!” saad ni Michaela na medyo nagtaas ng boses.

“Naku! Hindi na namin kailangan pang magpapayat dahil mahal na mahal naman kami ng mga asawa namin. At isa pa, ganito talaga ‘pag tutok na ina. Mas inuuna kasi namin ang mga anak at asawa namin kaysa magpaganda!” mabilis na sagot ni Ariana at pumagitna sa dalawa.

“Naku! Ikaw naman Michaela, wag mo akong awayin hindi naman kita ini-insulto. Actually, tignan niyo yun si Eloisa, anim ang anak nun pero tignan mo ang katawan, parang kakabente lang! Hot mama!” saad pang muli ni Brandon.

Hindi na lang sumagot ang dalawa at kinuha na lang ang kanilang telepono at doon nagpalitan ng mensahe.

“Wag ka nang malungkot diyan Michaela, isipin mo na lang makalat yun sa bahay nila o di kaya naman may katulong sila para makapagpaganda siya, wag ka ngang nagpapa-apekto,” text ni Ariana sa kaibigan.

“Bakit ba kasi tayo tumaba ng ganito?” reply ni Michaela.

Nagpakasaya na lamang sila buong gabi, kumain sila ng kumain at uminom ng maraming alak.

Noong nakauwi na sa kani-kanilang mga bahay, nakapagpunas na ng katawan at nakapagkape para hindi makita ng kanilang mga anak na nalalasing ang kanilang mga ina ay natulog na sila ng mahimbing. Ngunit hindi matahimik si Michaela at kinausap niya ang asawa.

“Mahal, ayaw mo na ba sa’kin dahil mataba ako?” tanong niya sa mister.

“Bakit mo naman natanong iyan? Syempre hindi, tumaba ka ng dahil sa kakaalaga mo sa’kin at sa anak natin kaya hindi ako pwedeng magreklamo,” sagot sa kaniya ng mister.

“Pero hindi mo ba hinihiling na magpaseksi ako ulit katulad ng dati?” tanong muli ni Michaela.

“Alam mo mahal, sa totoo lang lagi kong dinadasal na pumayat ka ulit kasi sino ba namang lalaki ang ayaw na seksi ng asawa nila kahit may anak na? Lahat naman yata ng lalaki gusto iyon. Pero kung hindi mo naman talaga kaya hindi ko kailangang hilingin yon sa’yo,” sagot ng kaniyang mister.

“E bakit pala hindi mo sinabi sa’kin dati yan? E di sana hindi na ako tumaba ng ganito. Pakiramdam ko kasi pag nanay ka na at busy ka sa gawaing bahay ayos lang na hindi na mag-ayos,” umiiyak na wika ni Michaela.

“Katulad niyan, baka kasi pag sinabi ko sa’yong magpapayat ka e sampalin mo ako ng mga gawaing bahay. Mas mabuti nang ikaw yung makaramdam kung ano yung mas maganda at hindi sa’yo. Mahal, ramdam kong mahal mo kami ng mga anak mo pero ayos lang rin maglaan ka ng oras para sa sarili mo,” sagot sa kaniya ni mister sabay halik nito sa noo.

Kinaumagahan ay agad-agad niyang ikinuwento iyon sa kaibigang si Ariana.

“Hala best! Talagang magkaibigan tayo! Tinanong ko rin yan sa asawa ko kagabi, ganyang-ganyan din ang sagot sa’kin,” saad ni Ariana sa dalaga habang sila ay umiinom ng mango graham shake.

“Naiisip mo ba ang naiisip ko?” tanong ni Michaela sa kaibigan.

“Tara! Simulan na natin ito!” masiglang sagot ni Ariana.

Simula noon ay napagdesisyonang magpapayat ng dalawa, hindi man nila ito minamadali pero kahit mabagal ang kanilang proseso ay may nababawas sa kanilang timbang habang hindi pa rin nila napapabayaan ang kanilang pamilya.

Pagkalipas ng dalawang taon ay naibalik na nila ang kanilang mga katawan, kahit pa nga nasa 40 anyos na ang magkaibigan ay katawang nasa kalendaryo parin ang datingan nila.

Mas tumaas ang kumpyansa nila sa sarili at sa kanilang mga asawa. Kung dati ay tinitignan lang sila ng mga ito, ngayon ay natutulala na ang mga kabiyak nila sa puso.

Napagtanto ng dalawa na hindi dahilan ang pagkakaroon ng pamilya o maraming anak para kalimutan natin ang ating mga sarili.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement