Inday TrendingInday Trending
Matapos Halayin ay Inakala ng Dalaga na Walang nang Kwenta ang Kanyang Buhay; Halagang Limang Daang Piso Lang Pala ang Babago ng Buhay Niya

Matapos Halayin ay Inakala ng Dalaga na Walang nang Kwenta ang Kanyang Buhay; Halagang Limang Daang Piso Lang Pala ang Babago ng Buhay Niya

Sa edad na labing dalawa ay biktima na si Grace ng matinding karahasan. Walang awang pinagsamantalahan ng tatlong lalaki ang ang dalagita noong pauwi galing sa eskwela. Naiwanan lamang siyang walang saplot sa isang bakanteng lote.

Lumaganap ang tsismis at sari-saring bersyon ng kuwento ang kumalat, ngunit sa lahat ng ito ay ang tanging tama lamang ay naging biktima siya ng karahasan ng mundo. Sa murang edad ay nabuksan ang kanyang mga mata sa kung ano ang reyalidad ng buhay.

Iba’t ibang reaksyon ang kanyang natanggap mula sa mga tao. May ilan na naawa sa kanya, ngunit may ilan din naman na siya pa ang sinisi sa karahasang naranasan. Tuwing gabi ay dinadalangin niya na sana ay isang malaking panaginip lamang ang lahat.

Tuwing lumalakad siya sa kalsada ay tanging mga mapanghusgang mata ang palaging nakatingin sa kanya. Kahit sarili niyang ama ay tila napakadumi ang tingin sa kanya. May ilang pangyayari pa na lagi siya nitong sinasaktan at sinisisi sa pagsasamantalang nangyari sa kanya.

Maganda si Grace at tunay na kaakit-akit ang kanyang hitsura. Madaming tao ang humahanga sa kanya ngunit dahil sa pangyayari ay tila ba naubos ang mga humahanga, pati mga malalapit na kaibigan ay unti-unti ding nawala.

Mga tahimik na pag-iyak at patak ng mapapait na luha lamang ang kanyang kasama gabi-gabi. Naging normal na gawain niya ito lalo na sa tuwing nag-iisa. Pakiramdam niya ay napakadumi niya at wala nang taong makatatanggap pa sa kanya.

Makalipas ang siyam na taon ay unti-unti na ding nililipas ng panahon ang mapait na sinapit, ngunit nakatatak pa rin ito sa mga taong nakakakilala. Nagkaroon siya ng ilang nobyo ngunit hindi naging maganda ang kanyang naging karanasan sa mga ito.

“Eh butas ka naman na nung mapulot kita, hindi ba? Kaya wag ka nang mag-inarte diyan!” sigaw ng lalaki habang pinipilit na hubaran si Grace.

“Ayoko sinabi! Parang-awa mo na. Wag mo nang ituloy!” pagtanggi pa ng babae.

“Ang arte mo eh matagal naman nang sira ang reputasyon mo!” sigaw pa ng lalaki.

Hindi na makalaban pa si Grace kaya ipinaubaya na lang ang sarili sa kagustuhan ng nobyo. Ilang araw din ang lumipas mula noon ay iniwan siya ng lalaki. Hindi na ito nagpakita o nagparamdam pa sa kanya.

Walang lalaking nagtatagal sa kanya lalo na sa tuwing malalaman ang madilim niyang nakaraan. May ilan na sinasaktan siya at binubugbog sa tuwing hindi niya kayang ibigay ang tawag ng laman.

Nakagawian na lamang ni Grace ang ganitong gawain. Naisip niya na baka tama nga ang mga sinasabi ng tao na isa na lamang siyang ‘latak.’ Wala nang magseseryoso sa katulad niyang mapait ang sinapit.

Isang araw ay may grupo ng kababaihan na kumatok sa kanilang bahay.

“Magandang umaga po!” bati ng isa sa mga babae.

“Nais lang po sana namin mag-imbita ng mga kababaihan para sa isang pagpupulong na gaganapin po sa plaza sa isang araw.”

Napatingin lamang si Grace sa kanila at nagtanong, “Para saan ho itong pagpupulong?”

“Para po sa mga babaeng nagkaroon ng hindi magandang karanasan tulad ng pang-aabuso ng asawa o panghahalay, ngunit imbitado rin naman po ang lahat dahil sa napakaganda po ng magiging paksa sa pagpupulong,” nakangiting saad ng babae.

Napatahimik si Grace at tumango lamang. Nag-iwan naman ng papel ang mga babae bilang imbitasyon sa gagawing programa. Hindi naman siya makapagdesisyon kung tutuloy siya doon o hindi.

Lumipas ang mga araw at sumapit ang araw ng pagpupulong. Nagdadalawang-isip man ay pinili na lamang ni Grace na magtungo doon. Laking gulat niya dahil sa dami ng mga kababaihang naroon.

Medyo nahuli siya ng ilang minuto ngunit sapat lang upang marinig ang mga patotoo at istorya ng mga babaeng naabuso at nakaranas ng mga karahasan. May ilang napapaluha dahil sa parehong karanasan.

Matapos ang lahat ng iyon ay lumabas ang isang gwapong lalaki upang magsalita. Nagpakilala siya bilang si John na magiging tagapagsalita daw sa pulong. Sinimulan niya ang pagsasalita habang hawak ang isang limang daang piso.

“Sino sa inyo ang may gusto ng limang daang piso na hawak ko?” tanong ng tagapagsalita.

Nagtaasan naman ang mga kamay ng nandoon.

“Ibibigay ko sa isa sa inyo ang perang ito, may gagawin lamang ako,” bumaba ang lalaki at saka nilukot-lukot ang perang hawak.

“Ngayon sino sa inyo ang may gusto pa rin nito?”

Nagtaasan pa rin ang mga kamay ng tao doon. Itinapon ni John ang pera sa lapag at saka inapak-apakan hanggang sa madumihan na. Nilukot pa ito ng isang beses at muling nagtanong.

“Ngayon, mayroon pa rin ba sa inyo ang may gusto nitong pera na ito?” tanong ng lalaki. Sa huling pagkakataon ay nagtaasan pa rin ang mga kamay ng mga tao doon. Napangiti lamang ang lalaki sa nakita.

“Mga kaibigan, ngayon ay natutunan ninyo ang isang napakahalagang aral sa araw na ito. Nilukot, tinapaktapakan at dinumihan ko na ang perang ito ngunit gusto ninyo pa rin ito.

Bakit? Dahil hindi naman nagbago ang halaga ng perang ito. Marami sa inyo ang narasanan na matapakan, marumihan at mayurakan ng ibang mga tao at marahil ay pakiramdam ninyo na wala na kayong kwenta at wala na rin kwenta na rin ang buhay ninyo.

Palagi lamang ninyong tandaan na kahit ano pa ang inyong pinagdaanan sa buhay ay hindi kailanman nabawasan o nawala ang inyong halaga. Kung may halaga ang limang daang piso na hawak ko, paano pa kaya ang buhay ninyo?” pagpapaliwanag ng lalake.

Napaluha si Grace sa mga narinig. Para bang lahat ng kanyang katanungan ay nagkaroon ng kasagutan ngayon. Iminulat ng pagpupulong na ito ang kanyang mga mata, na hindi naman pala talaga nabawasan ang kanyang halaga kahit na mapait ang nangyari sa kanya.

Dahil sa pagpupulong na dinaluhan ay natagpuan niya ang pag-ibig na hindi niya inaakalang darating pa. Nakilala niya ang tagapagsalita na si John at doon nagsimula ang kanilang pag-iibigan.

Ipinaliwanag ni John na siya ay produkto ng panghahalay, at ang kanyang ina mismo ang nag-organisa ng pagpupulong na iyon upang matulungan ang mga kababaihang naging biktima din ng mga karahasan.

Naging bukas ang puso ni John upang tanggapin ang nakaraan ni Grace at binuksan din naman ng babae ang kanyang puso upang papasukin ang lalaking kumakatok rito.

Pinatunayan ni John na mayroong lalaki pa sa mundo na handang tanggapin ang masamang nakaraan ng minamahal, dahil nakatuon ang atensyon niya sa mga masasayang magaganap pa sa kanilang hinaharap.

Natutunan din naman ni Grace na mayroon siyang halaga at ang opinyon ng iba ay hindi ang siyang dapat mong isabuhay, dahil ang halaga natin ay hindi nakabase sa sasabihin nila kundi sa kung paano natin nakikita ang ating mga sarili.

Lahat tayo ay dumaan sa madaming paghihirap. Nariyan yung inapakan at hinusgahan tayo, ngunit pakatandaan na hindi sa lahat ng araw ay tanging pasakit at paghihirap lang ang buhay dahil darating ang araw na iikot ang gulong ng buhay at tayo ay makakabangon din.

Advertisement