Inday TrendingInday Trending
Halos Ayaw nang Umuwi ng Dalaga sa ‘Pinas Dahil Wala Naman Itong Naipon sa Pagtatrabaho; May Magpapautang Kaya sa Kaniya?

Halos Ayaw nang Umuwi ng Dalaga sa ‘Pinas Dahil Wala Naman Itong Naipon sa Pagtatrabaho; May Magpapautang Kaya sa Kaniya?

“Oh! Dalawang linggo ka na lang ah, uuwi ka na ng ‘Pinas,” nakangiting kausap ni Irish sa kasamang si Danica.

Biglang lumukot ang mukha ni Danica saka tila nahahapong inilapag sa loob ng locker ang mga gamit. “Hindi nga ako nasasabik na umuwi, Irish,” anito.

“Bakit naman?”

“Alam mo na naman na ulirang anak ako,” ismid nito. “Wala akong ipon, wala akong perang maiuuwi sa ‘Pinas. Kasi kada-sahod ay sa pamilya ko naman napupunta ang lahat ng sahod ko. Anong ipanggagastos ko roon? Syempre, Irish, nandito pa nga ako sa Canada, sa akin na sila nakaasa. Paano na lang kung nandoon na ako?” anito, sinabunatan ang sarili. “Nganga kaming pare-pareho.”

Nakaramdam siya ng habag sa kaibigan. Halos limang taon na silang magkasama sa trabaho ni Danica, sa katunayan ay sabay silang ipinadala ng agency sa ‘Pinas papuntang Canada, upang maging nurse dito. Kaya si Danica ang isa sa malalapit na kaibigang nakilala niya rito sa ospital.

Sa tagal nilang magkasama’y naikwento na nito ang buong buhay sa kaniya. Malaking pamilya ang pinanggalingan ni Danica, hindi kagaya sa kaniya na dalawa lamang silang anak ng kaniyang mga magulang. Magsasaka ang ama nito na siyang kumayod upang mapag-aral si Danica noon sa kursong nursing, habang naglalabada lamang ang ina nito.

Walo lahat ang kapatid ni Danica at ito ang pinakapanganay sa lahat. Pasalamat na nga lang si Danica dahil kaka-graduate niya pa lang noon ay naipadala na siya kaagad rito sa Canada upang magtrabaho. Si Danica ang nagpapaaral sa mga kapatid nito.

“Kaso hindi ka na pwedeng mag-extend, Danica. Sobra-sobra na ang pananatili mo rito sa Canada,” aniya.

Sa limang taon na iyon ay hindi pa nakakauwi si Danica sa ‘Pinas, samantalang siya’y nakadalawang beses nang nakapagbakasyon.

“Iyon na nga e. Tsk! Saan ako hahanap ng mauutangan? Ayoko naman, Irish, na kumuha sa lending company, kasi nakakakuba ang tubo. Mahihirapan na naman akong makabayad ‘pag nagkataon,” malungkot na wika ni Danica.

“Pahihiramin kita, basta ipangako mo sa’kin na ang perang dadalhin mo ay ipanggagastos mo lang para sa pangangailangan ng pamilya mo at hindi para magpasikat sa mga kapitbahay niyo? Baka mamaya niyan, kagaya ka ni Wennie, one day millionaire noong umuwi ng ‘Pinas. Nangutang ng pera sa lending company para magpasikat. Malaking halaga ang inutuang para maging mayaman ang tingin sa kaniya ng mga kapitbahay at kamag-anak, takot matawag na walang pakisama at kuripot, kaya tingnan mo pagbalik dito, halos ‘di na kumakain makabayad lang ng utang. Sa sobrang tipid, nagkasakit,” aniya.

Hindi masamang magpanggap na mayroon, pero ‘yong magpanggap na milyonarya at animo’y napupulot lang ang pera sa ibang bansa ay hindi maganda. Walang masama kung mabansagang kuripot at hindi marunong makisama, basta ang mahalaga, babalik ka sa Canada na wala kang malaking utang.

Umismid ito saka natatawang hinampas siya sa balikat. “Ginaya mo naman ako roon. Alam mo namang ang layo naming dalawa.”

“Malay mo naman kasi ‘di ba? Limang taon kang mahigit na hindi nakauwi sa ‘Pinas, baka iniisip nila na mayaman ka na dito. ‘Di nila alam na kumakayod kalabaw ka at halos ‘di na natutulog makumpleto lang ang araw ng pasok pati ang sahod,” aniya.

“Naku! Sa pamilya ko pa lang, Irish, ubos na iyang perang ipapahiram mo sa’kin. Iintindihin ko pa ba sila?”

Nagtawanan na lamang silang magkaibigan. Kumpara kay Danica ay mas naiipon ni Irish ang perang pinaghihiripan niya dahil wala naman siyang pamilya sa ‘Pinas na kailangan niyang suportahan. Nagpapadala lamang siya sa mga magulang kapag may importanteng okasyon ang kailangang ganapin. Kaya mas nagtatagal ang pera niya sa bulsa kumpara kay Danica.

Pinautang niya si Danica nang walang tubo. Ang usapan lang nila’y kapag nakulawag-luwag na ito’y saka lamang ibalik ang perang nahiram.

Bilang praktikal na OFW, ginastos lamang ni Danica sa tama ang perang dala pauwi sa ‘Pinas. Lahat ay para sa pamilya nito, na nakakaunawa sa kaniyang sitwasyon kaya hindi nanghingi nang sobra. Naging kuntento ang pamilya ni Danica sa kung ano lamang ang kaya niyang bilhin at ibigay.

Kaya makalipas ang tatlong buwan mula noong nakauwi siya hanggang sa pagbalik niya sa Canada ay hindi naubos ang perang hiniram niya kay Irish. Kahit papaano’y may naipanggastos pa siya sa pang-araw-araw niya, bago dumating ang kaniyang sahod.

Hindi pa presyur sa kaniya ang pagbabayad kay Irish, dahil kaya naman nitong maghintay kung kailan niya maibabalik ang malaking perang hiniram. Ang sarap sa pakiramdam na nakasama na nga niya ang pamilya sa matagal na panahong hindi niya ito nakasama, hindi pa sumasakit ang ulo niya ngayon sa kakaisip kung paano mababayaran ang utang.

“Salamat, Irish, ah. Ang swerte ko kasi naging kaibigan kita,” emosyonal niyang kausap sa kaibigan.

Niyakap siya ni Irish saka tinapik ang likod. “Maliit na bagay,” anito, saka humalakhak ng tawa.

Hindi mo kailangang magpanggap sa mata ng ibang tao dahil alam ng pamilya mo ang hirap na pinagdadaanan mo. Hindi mo obligasyong magpaliwanag sa iba, pero kailangan mo ang pag-intindi ng iyong pamilya.

Advertisement