
Pinagbalakan nang Masama ang Binatang Ito Dahil sa Kaniyang Kabutihan; May Plano Rin Pala ang Diyos sa Kaniya
Bago pa man bumangon sa kaniyang higaan na karton, maluha-luha ang binatang si Alex habang tinitingnan ang litrato ng kaniyang ama na kailan lang ay yumao dahil sa isang sakit. Lubha niya itong ikinalulungkot dahil biglaan lamang itong nawala sa kanila. Malayo kasi siya sa kaniyang mga magulang at mga kapatid dahil nagtatrabaho siya bilang tagalinis at utusan ng mga panauhin sa isang hotel sa Maynila. Malaki man ang kaniyang kinikita, hindi naman siya makauwi sa kanilang probinsya dahil kailangan silang nakatigil lamang sa loob upang hindi makapagdala ng anumang sakit sa mga bisita. Kahit na malungkot, tinitiis ng binata para lamang may makain ang kaniyang pamilya sa probinsya.
Pagkatapos niyang magmuni-muni, maliligo na siya matapos ubusin ang isang baso ng kape na nagsisilbing agahan niya. Pagkatapos nito ay tutungo na siya sa lobby ng hotel upang maglinis doon. Ilang saglit lamang ay isa-isa nang tatawag ang mga panauhin upang magbigay ng kani-kaniyang mga utos. Isa pa rito ay ang mga taong nakatira sa condo na katabi lang din ng kanilang hotel.
Maliban sa sahod ni Alex, malaki ang naiipon nito sa mga tip na ibinibigay ng mga nag-uutos sa kaniya. Ang iba pa nga ay sa tuwing aalis na ng bansa, iiwan na sa kaniya ang ilan sa mga gamit ng mga ito. Ibinebenta niya sa mas murang halaga ang mga orihinal na kagamitan nang sa gayon ay maipadala niya ito sa kaniyang ina sa probinsya na mayroong sakit. Siya na lamang ang inaasahan ng pito niyang mas nakakabatang kapatid at wala pa sa kaniyang isip ang magkaroon ng sariling pamilya.
Isang hapon, patapos na sana ang oras ng kaniyang pagsunod sa mga utos ng mga bisita nang may mag-utos na isang banyaga na kuhain ang kaniyang kahon na ipinadala raw sa kaniya. Ibinigay nito ang address kung saan niya kukunin ang nasabing kahon. Nais sana niyang tanggihan dahil sobra na sa oras ngunit nagpumilit ang lalaki at nangakong bibigyan daw siya ng malaking halaga.
“Ang laki ng ibibigay ni Ser ah. Hay! Kaya pa naman siguro,” mahinang wika ng binata sa kaniyang sarili habang palihim itong tinanggap ang utos para lamang makuha niya ang maibibigay na pera ng lalaki.
Sa kaniyang paglalakad, bumuhos ang napakalakas na ulan. Wala siyang dalang payong at wala na ring baterya ang kaniyang selpon. Imbes na bumalik, naisip niyang patilain muna ang ulan at sumukob sa isang istasyon ng mga bus. Doon ay nakita niya ang mag-ina na namamalimos. Walang pagdadalawang-isip, binilhan niya ang mga ito ng makakain at nakipagkwentuhan pa sa mga iyon.
“Alam niyo po mayroon din akong nanay. Bale, nasa probinsya siya. Malamig po ang panahon, bakit po nasa kalye lang kayo?” pag-aalalang tanong ng binata sa ale.
“Nagbaka-sakali rin kami ng asawa ko kaya lumuwas kami ng Maynila kaso nakakulong siya ngayon dahil nadawit siya sa ipinagbabawal na gamot,” tugon naman sa kaniya ng ale.
Nagtagal pa ang kanilang usapan at hindi na niya namalayan ang oras. Nang tumila na ang ulan ay nagmadali siya upang kunin na ang kahon na inuutos sa kaniya. Nag-iwan siya ng isang daang piso sa magnanay dahil lubha siyang nahabag sa sitwasyon ng mga ito.
Pagkarating sa eksaktong lugar, mayroong lalaki na nag-abot sa kaniya ng kahon at may kasama pa itong isang bag na nakabalot ng plastik. Hindi niya ugali ang tingnan ang anumang iniuutos sa kaniya kung kaya naman, nagmadali siyang naglakad pauwi. Ilang sandali pa ay mayroon na naman siyang nadaanan na bulag na matandang lalaki, hindi niya ito kinayang tiisin dahil naaalala niya ang kaniyang ama. Dahil dito, iniwan niya ang kahon sa may gilid at agad na bumili ng makakakain sa isang karinderya na bukas magdamag at iniabot ito sa matanda.
“Anong oras na ho, wala ho ba kayong bahay? Pamilya po?” tanong ni Alex sa matanda.
“Wala na eh. Iniwan na ako ng pamilya ko. Simula nung nawalan ako ng trabaho at sumama sa ibang lalaki ang asawa ko dati,” tugon ng matanda sa kaniya na naluluha-luha pa.
Sandali pa siyang nakipagkwentuhan doon at muli na naman niyang naisip kung gaano pa kabuti ang kaniyang kalagayan kaysa sa mga buhay ng mga tao sa kalye. Lubos naman ang pasasalamat ng matanda sa kaniyang kabutihang loob.
Muli niyang binalikan ang isang kahon na iniuutos sa kaniya. Subalit halos lumabas ang puso sa kaniyang dibdib nang makita niya na wala na roon ang kahon kung saan niya ito iniwan. Hinanap pa niya ito ng ilang mga oras. Naroon naman ang matanda at sinabing ireport ito sa pulis upang may makatulong na maghanap. Sinunod ito ni Alex dahil naisip niyang ganoon din naman ang gagawin ng lahat kung mayroon importanteng bagay na nawawala sa kanila.
Lumipas ang mahigit dalawang oras at muli nilang nakita ang kahon na nasa istasyon ng mga pulis. Laking gulat ni Alex ng posasan siya ng mga awtoridad dahil naglalaman pala ang kahon na iyon ng ipinagbabawal na gamot! Todo ang paliwanag ng binata ngunit ayaw siyang pakinggan ng mga ito. Nasa labas ng istasyon ang mag-inang tinulungan niya pati na ang matandang bulag. Kasama niyang nagpaliwanag ang mga iyon hanggang sa naniwala ang mga pulis. Doon niya idinetalye ang lahat ng impormasyon na kaniyang nalalaman.
Ilang saglit lamang, bumalik ang mga pulis at dinakip ang lalaking nag-utos sa kaniya na kunin ang kahon. Galit na galit ito sa kaniya ngunit payapa naman ang kaniyang kalooban dahil naging ganoon ang kinalabasan ng lahat. Alam niyang maaari siyang mapahamak dahil sa kaniyang kinuhang kahon. Nang siya ay umuwi, hindi niya namalayan na dala-dala ng matandang bulag ang plastik na kaniyang iniabot naman kay Alex. Binuksan ito ng binata habang siya ay nasa bus at nakita ang limpak limpak na salapi!
Nang gabi na iyon, inihanda ng binata ang kaniyang mga gamit at tuluyan nang nagpaalam sa kaniyang mga kaibigan doon at umuwi sa kaniyang probinsya. Kung iisipin niya, malaki ang kaniyang pasasalamat dahil sa nangyaring insidente, sa wakas ay makakauwi na siya sa kaniyang pamilya.