Inday TrendingInday Trending
Galit sa Kaniya ang Biyenan Dahil Tamad daw Siya at Umaasa Lamang sa Mister; Ipagtatanggol Kaya Siya ng Asawa?

Galit sa Kaniya ang Biyenan Dahil Tamad daw Siya at Umaasa Lamang sa Mister; Ipagtatanggol Kaya Siya ng Asawa?

“‘Ma, pasensya na po talaga kayo ah. Wala po kaming maibigay na pera ni Marvin, gipit rin kasi, ‘ma. Kinapos sa budget,” mahinahon, nakikiusap na wika ni Cynthia sa biyenan.

“Ano ba naman iyan, Cynthia? Alam mo naman na ang padala ni Marvin ang inaasahan namin sa panggastos dito,” anito.

Hindi niya nakikita ang mukha ng biyenan pero na ilalarawan niya sa diwa na naka-ismid ito’t nakapaikot ang mata sa inis sa kaniya.

“Baka sa susunod na sahod na lang ni Marvin, ‘ma. Susubukan kong magpadala. Pasensya na po talaga sa ngayon, sabay-sabay po kasi, tapos kailangan ko pang bilhan si baby ng gatas kasi ayaw na niyang dumed*e sa’kin,” pagpapaliwanag niya.

“Susubukan? Kung ganyan e ‘di susubukan na rin namin ngayong hindi kumain dito?” anito.

Nahihimigan niya pa rin ang inis sa boses ng biyenan. Kaysa sagutin pa’y mas pinili na lamang ni Cynthia ang manahimik. Wala rin namang patutunguhan ang pagpapaliwanag niya.

“Sige na. Si Marvin, na lang ang kakausapin ko,” anito, saka agad na ibinaba ang tawag.

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Cynthia matapos ibaba ng biyenan ang tawag. Nilingon ang natutulog na anak saka lumapit dito upang gawaran ng magaan na halik.

Simula noong nabuntis siya at mas piniling tumigil sa trabaho at manatili na lamang sa bahay ay doon na sila nagkaproblema ng kaniyang biyenan— dahil sa usaping pera. Noong ikinasal sila ni Marvin, masayang-masaya ang mga magulang nito nang malamang propesyonal at may maganda siyang trabaho. Kahit nagsasama na sila noon ni Marvin ay hindi man lang nangyaring na-delay sila sa pagpapadala ng pera sa mga ito. Maliban na lang ngayong wala na siyang trabaho at nakaasa na lamang sa sahod ng asawa.

Dalawang buwan pa lang mula noong ipinanganak niya ang kanilang anak. Kung tutuusin ay gustong-gusto na niya ulit na makapagtrabaho, para hindi na siya nakaasa lang sa asawa at hindi na makihati sa pamilya nito. Kaya naman niyang tustusan ang pangangailangan nilang mag-ina, ang kaso nga lang ay hindi niya magawang iwanan ang bagong silang na anak.

“Tumawag si mama, sa’yo?” tanong ni Marvin, kinagabihan nang umuwi ito galing trabaho.

“Oo, nanghihingi ng pera. Ang kaso’y wala naman akong maibigay, Marvin, kaya muli’y tinanggihan ko siya,” paliwanag niya.

“Dapat ‘di mo na lang tinanggihan, Cynthia. Galit na galit siya kanina habang kausap ko siya,” ani Marvin.

“Ayoko namang paasahin ang mama mo kung totoo talagang wala tayong maibigay, Marvin. Uunahin ko pa ba ang kapakanan nila kaysa sa anak natin at sa mismong pangkain natin?” inis na niyang wika.

“Ako na ang bahala doon, Cynthia! Pamilya ko sila, kaya dapat lang na isipin mo ang kapakanan nila,” galit ding sagot ni Marvin.

“Kami? Hindi mo kami pamilya?”

Dagli itong nanahimik. “Basta! Magpadala ka sa kanila kahit tatlong libo lang.”

“P-pero— “

“Sundin mo na lang ang utos ko, Cynthia!” anito.

Tumahimik na si Cynthia at hindi na umimik, pera naman nito ang ipadadala niya. Ang nakakasama nga lang ng loob ay apat na libo na lang ang natitira niyang pera, kapag ipinadala pa niya ang tatlong libo, mawawala na ang badyet nila para sa pagkain. Mag-uulam na lang sila araw-araw ng itlog, de-lata, at noodles makapagpadala lamang sa pamilya nito.

Magtitiis na lang muna siya, hanggang sa dumating ang araw na pwede na niyang iwanan ang anak upang makapagtrabaho siya at mabili ang mga kailangan nila.

“Sardinas na naman, Cynthia?” tanong ni Marvin, habang nakatitig sa ulam na inilapag niya sa mesa.

“Wala na kasi akong perang pambiling ulam, Marvin. Pagtiyagaan mo na lang muna iyan, kapag nakaluwag-luwag tayo, bibili ako ng masarap na ulam,” ani Cynthia.

Halos dalawang linggo na kasing sunod-sunod na sardinas ang ulam nila dahil wala na ngang natira sa sahod nito. Iniba-iba na nga lang niya ng luto ang sardinas para kahit papaano’y paiba-iba ang itsura— ngunit gano’n pa rin ang lasa.

“Anak, naipadala mo na ba ang panggastos namin?” malambing na wika ng kaniyang ina sa kabilang linya. “Sa’yo na ako dumiretso ng tawag, anak, kasi kapag si Cynthia na naman ang makakausap ko’y tataas lang ang dugo ko. Bakit ba naman kasi siya ang pinakasalan mo, Marvin? Madamot pala ‘yang babae na ‘yan! Nagsisisi ako’t pinayagan kitang pakasalan si Cynthia noon. Akala ko kasi ay makakabuti siya sa’yo, dahil bukod sa propesyonal siya’y may magandang trabaho. Tsk! Nabuntis lang, mas ginusto nang tumira sa bahay at magpakatamad,” dugtong nito.

“‘Ma, hindi ganyan si Cynthia,” nagbabantang wika ni Marvin.

Walang alam ang ina kung anong klaseng sakripisyo ang ginawa ni Cynthia maalagaan lang ang anak nila. Wala mang sinasabi ang asawa, nararamdaman niyang gusto na rin nitong magtrabaho’t kumita ng sariling pera. Sino ba naman ang may gustong palaging ulam ay sardinas, itlog at noodles? Minsan pa nga’y nakikita niyang tuyo na ang inuulam nito na minsan man ay ‘di nito inulam noong dalaga pa.

“Baka nakakalimutan niyo na asawa ko ang sinasabihan niyo nang masama,” ani Marvin.

“Kasi totoo naman, Marvin. Ang tamad niya at nakaasa na lang sa’y—”

“Hindi na muna ako magpapadala, ‘ma, hanggang sa kailangan pa ni Cynthia na manatili sa bahay at alagaan ang anak namin. Palagi kaming kapos sa budget dahil may mga kailangan kaming bilhin at bayaran. May sarili na akong pamilya, ‘ma, at wala naman sigurong mali kung sa ngayon ay unahin ko muna ang pamilya ko. Maghanap na muna kayo ng paraan d’yan at huwag tatamad-tamad, dahil ang inaasahan niyo noon ay may sarili nang pamilyang binubuhay. Tatawag na lang ulit ako ‘ma, para kumustahin kayo,” ani Marvin saka ibinaba ang tawag ng ina.

Hindi na siya binata upang asahan pa ng kaniyang pamilya. May sarili na siyang pamilya na mas kailangan siya at alam niyang sila ang dapat niyang unahin, dahil ginusto naman niya ang bagay na iyon. Ipinangako niya noon kay Cynthia na kahit anong mangyari ay ito at ang magiging anak nila ang uunahin niya, pero nakalimutan niya ang pangakong iyon dahil sa pamilya niya.

May mga kapatid na siyang malalaki, siguro’y oras na para sila naman ang sumuporta sa mga magulang nila. Dahil pinasan na niya ang mga ito noong binata pa siya hanggang sa nag-asawa sila ni Cynthia, oras na siguro para mag-pokus siya sa anak nila— sa mga kailangan nito.

Laking pasasalamat ni Cynthia nang malaman ang naging desisyon ng kaniyang mister. Buong akala kasi niya ay kakampihan at uunahin pa rin nito ang mga magulang nito kaysa ang kapakanan nilang mag-ina.

Sa oras na magdesisyon kang magsimula na ng sarili mong pamilya, palagi mong tatandaan na sila ang dapat mong unahin, higit kanino man. Magbigay sa magulang kung may sobra, pero kung wala ay huwag pilitin. Ang pamilyang sinimulan mo ang iyong pinakaunang obligasyon, pangalawa na lang dapat ang mga magulang at dapat alam din iyon mismo ng mga magulang sa oras na ikinasal na ang kanilang mga anak.

Advertisement