Inday TrendingInday Trending
Unang Beses na Nasaktan ang Binata Kaya Pakiramdam Niya’y Katapusan na ng Mundo; Nakakatuwang Bangayan ng Abuelo’t Abuela ang Magpapasaya sa Kaniya

Unang Beses na Nasaktan ang Binata Kaya Pakiramdam Niya’y Katapusan na ng Mundo; Nakakatuwang Bangayan ng Abuelo’t Abuela ang Magpapasaya sa Kaniya

“Oh! ‘Asan na ang kapatid mo, Greta? Bakit hindi pa bumababa? Sinabihan mo bang kakain na tayo?” takang tanong ni Marieta.

“Ayaw niya raw kumain. Busog daw siya,” nakalukot ang mukhang sagot ni Greta sa ina.

“Lintik!” ani Marieta, saka naglakad paakyat upang tawagin mismo ang anak.

Kagabi pa ito hindi kumakain, kaya hindi niya na mapapayagang hindi na naman ito kakain. Nagrerebelde ba ito kaya ayaw nitong kumain?

“Ayokong kumain ‘ma,” ani Greg.

“Baba na! Greg, huwag mo akong punuin, alam mong ‘di mo magugustuhan ang gagawin ko sa’yo,” banta ni Marieta sa anak.

Walang nagawa si Greg kung ‘di ang bumaba na lang upang kumain. Kumpleto nang nakaupo sa may hapagkainan ang lahat. Nang marinig ang yabag sa may hagdanan ay agad na nagsilingunan ang mga ito sa gawi ni Greg.

“Ano ba ang nangyayari sa’yo, apo?” maya maya ay tanong ni George, ang abuelo.

“W-wala naman po, ‘lo,” mahinang sagot ni Greg.

“Broken hearted kasi siya, lolo, kasi ‘yong crush niya may ibang lalaki na nanliligaw. Kaya siya gan’yan,” bunyag naman ni Greta sa pinagdadaanan ng kapatid.

“Manahimik ka nga!” inis na saway ni Greg.

Labing pitong taong gulang pa lang si Greg at sa mga kagaya nito’y normal na ang magkaroon ng crush at normal lang din sa mga kagaya nito ang masaktan kahit na kung tutuusin ay napakaliit lamang na bagay ang dahilan.

“Bakit, umamin ka na ba ng naramdaman mo sa kaniya?” usisa pa ng abuelo.

“Ayoko pong umamin, lolo, baka mas masaktan lang ako,” nakasimangot na sagot ni Greg.

“Tama lang iyan, apo,” anang abuelo sabay tapik sa balikat ng apo. “Marami pa namang mga babae d’yan. May mas makikilala ka pang mas maganda at mabait d’yan sa crush mo ngayon. Kaya itigil mo na iyang pagmumukmok mo sa kwarto,” payo nito.

“Opo lolo,” ani Greg.

Hindi man lang nababawasan ang lungkot sa mukha nito. Sumasang-ayon ito sa abuelo pero masama ang loob at malungkot pa rin ang nakikita sa mukha nito.

“Apo, tandaan mo ang sasabihin ko. Huwag kang aamin sa babae kung alam mong wala kang pag-asa, kagaya niyan ngayon na may ibang lalaki na palang nanliligaw sa kaniya. Kapag umamin ka sa nararamdaman mo’t hindi naman pala ikaw ang gusto, mas lalo ka lang masasaktan no’n. Kaya tama lang ang desisyon mong huwag sabihin sa kaniya ang nararmdaman mo, at least may naiiwan pang pride sa’yo,” dugtong na payo ng abuelo.

Tahimik lamang na nakikinig ang lahat sa usapan ng mag-lolo. Si Marieta ay tahimik lang na ngumunguya habang pinapakain ang bunsong anak na tatlong taong gulang. Kailanman ay hindi niya pinagbawalan ang mga anak na makaramdam ng pagkagusto sa iba. Kung darating man ang panahon na maisipan na ng mga itong pumasok sa isang seryosong relasyon ay wala siyang balak na tumutol.

Ang lagi lamang niyang ipinapakiusap sa mga ito’y magkaroon ng limitasyon at unahin ang pag-aaral. Kapag nakapagtapos na sila sa pag-aaral ay hahayaan na niya ang mga anak na magdesisyon sa sarili nitong paraan. Para sa kaniya kasi’y kapag pinagbabawalan mo’y mas lalong manggigigil at magrerebelde. Kaya wala siyang balak na pagbawalan ang mga anak, basta magkaroon lamang ng limitasyon ang mga ito.

“Mali ka d’yan, George,” kontra ni Carol, ang asawa nito. “Huwag kang nagpapaniwala d’yan sa lolo mo, Greg, apo,” anito, saka nagtanggal ng bara sa lalamunan at muling nagsalita. “Kung talagang may pagtingin ka sa isang babae, aminin mo sa kaniya at bahala na siya kung tatanggapin niya ang pagmamahal mo o hindi.”

Biglang napangiti si Marieta sa sinabi ng ina. Kahit kailan talaga’y wala nang ginawa ang dalawang magulang kung ‘di ang magbangayan at patunayan kung sino ang tama o hindi.

“Ang pag-ibig, apo, ay parang sugal. Hindi mo malalaman kung mananalo ka kung ‘di ka tataya. Minsan, masakit sa damdamin kapag natalo ka, pero ang kagandahan doon ay alam mong wala kang pagsisisihan dahil tumaya ka, sumugal ka. Isang malaking kaduwagan ang sinabi ng lolo mo, na huwag umamin dahil mas masakit. Mas masakit kung mas pinili mong manahimik. Paano mo malalaman kung may nararamdaman din ang babae sa’yo kung ‘di ka aamin?”

Mas lalong lumuwag ang ngiti sa labi ni Marieta. Isang puntos para sa kaniyang ina.

“Ang pag-amin sa nararamdaman ay isang indikasyon na matapang ka, apo. Pero mas matapang ka kung kaya mong tanggapin ang pagkatalo mo. Mas wala kang pagsisisihan kung aamin ka, kung sasabihin mo sa kaniya ang tunay na nararamdaman mo. Magpakatotoo ka sa taong gusto mo, apo. Gustuhin ka man niya pabalik o hindi ay ayos lang. Ang mahalaga’y nasabi mo kung ano ang nand’yan sa puso mo,” ani Carol.

Saka ginulo ang buhok ng apong ngayon ay umaliwalas na ang mukha at mukhang nabigyan ng pag-asa sa payo ng abuela. Agad namang pumalakpak si Marieta at binati ang ina sa pagkapanalo laban sa ama. Animo’y natalo naman sa sabong ang mukha ni George.

“Kahit kailan talaga papa, wala kang panama kay mama,” natatawang wika ni Marieta sa ama.

“Ewan ko ba d’yan sa mama mo,” iiling-iling na wika ni George.

“Ikaw kasi, George, nagbibigay ka ng payo nang naaayon sa mga kalokohan mo noong kabataan natin. Gusto mo pa yatang ipamana sa mga apo mo ang kapalpakang gawain mo noong kabataan natin,” natatawang wika ni Carol sa asawa.

Ang kaninang malungkot na paligid, ngayon ay napuno ng tawanan dahil sa palitan ng salita nina Carol at George. Ang malungkot na mukha kanina ni Greg, ngayon ay maaliwalas na’t biglang sumigla.

Desidido na siyang bukas na bukas din ay haharapin niya ang babaeng sinisinta at aaminin ang kaniyang nararamdaman. Magiging matapang siya, tanggapin man nito o hindi ang kaniyang pag-ibig, dahil ang mahalaga ay maipahayag niya ang nilalaman ng kaniyang puso.

Ang sabi nga ng iba’y mas nakakaalam ang mga matatanda kaya pakinggan ang payo nila, dahil alam nila kung ano ang mas makakabuti sa’yo at kung ano ang hindi. Bago pa man magsisi sa huli ay aminin na kung anuman ang nararamdaman mo para sa iyong kapwa. Mas maiging sumugal, kaysa magpakaduwag.

Advertisement