
Nagalit man sa Inasal ng Kaniyang Estudyante ay mas Pinili ng Guro na Huwag Itong Parusahan; Ito Pala ang Kaniyang Dahilan
“S-Sir Jared,” hingal na tawag ng iilan sa mga estudyanteng kanina pa yata siya hinahabol.
“B-bakit?” nagtataka niyang tanong.
“Sir, kailangan niyo pong sumama sa’min ngayon doon sa building 2, sa may hallway kung saan inaanunsyo ang mga mahahalagang bagay,” hingal na paliwanag ni Jay, isa sa kaniyang estudyante.
“Hali ka na, sir,” ani Dan, saka inabot ang kaniyang pala-pulsuhan upang hilain siya.
Nagtataka man ay sumama siya sa kaniyang tatlong estudyante sa gusaling sinabi ng mga ito. Hindi niya alam ngunit nararamdaman niya ang tensyon ng mga ito. May nangyari bang masama? Ano ba ang nangyayari na kailangan niyang malaman?
Pagkarating sa gusali ay nagulat si Jared sa dami ng nag-uumpukang tao. Nang mapansin ang kaniyang presensya ay agad na nagsiyukuan ang mga ito at gumilid upang bigyan siya ng daan.
Nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakitang nakadikit sa may information board. Litrato niya na nilagyan ng sungay at nakapakahabang dila na animo’y isang dem*nyo, sa itaas ay may nakalagay na salitang: “Mandaraya! Walang silbi!”
“Sir, iyan po ang gusyo naming ipakita sa’yo,” ani Jay.
“Sino ang gumawa nito?” kalmadong sambit ni Jared, kahit na ang totoo ay nagliliyab na ang dibdib niya sa galit sa taong gumawa no’n.
“Hindi pa po namin alam, sir. Pinapa-review pa ni Ma’am Flores, ang CCTV kung may kahina-hinala bang taong pumasok rito at gawin iyan,” ani Kurt.
Tumango siya. Napakawalang modo ng taong gumawa no’n sa kaniya. Sisiguraduhin niyang mananagot ito sa ginawa kapag nahuli niya ito.
Gaya ng sinabi ng tatlo niyang estudyante ay pina-imbestigahan ng paaralan ang nangyari. Kasiraan iyon sa parte ni Jared, kaya kailangan na kilalanin ang taong gumawa noon at alamin kung ano’ng nangyari, kung bakit galit ito sa kaniya.
Makalipas ang isang linggo ay nalaman din nila kung sino ang gumawa ng karumaldumal na litrato niya. Isa lang din sa kaniyang mga estudyante. Nais nang sugurin nina Jay, Dan at Kurt ang nasabing estudyanteng nambastos sa kaniya. Ngunit agad iyong pinigilan ni Jared. Nais niyang manatiling sikreto ang bagay na iyon. Ayaw na niyang kumalat pa sa ibang estudyante kung sino ang taong gumawa no’n. Sa kabilang banda ay ayaw niyang ipahiya ito.
“Good morning, class,” bati niya sa kaniyang klase.
Sabay-sabay namang ibinalik ng mga ito ang kaniyang pagbati. Matapos mag-attendance ay masinsinan niyang kinausap ang mga ito.
“Kilala ko na kung sino ang nambastos sa’kin,” panimula niya. “Noong nakita ko ang ginawa niyang pamamahiya sa’kin, isinumpa ko talaga na pagbabayarin ko siya, kahit sinuman siya. Sisiguraduhin ko na pagsisisihan niya ang ginawa niya sa’kin. Pero noong nalaman ko kung sino siya, bigla akong nagdalawang-isip,” aniya, saglit na huminto sa pagsasalita at tumayo.
“Hangga’t maaari ay ayokong magalit sa inyo, kahit sinuman sa inyo. Ayokong mamuhi o magalit man lang sa inyo, kaya nga lahat ng pagpapasensya’y ginagawa ko kasi ayokong mainis o magalit sa inyo, kasi hindi lahat ng inuuwian nating pamilya ay masaya,” dugtong niya.
Halos lahat ay walang masabi. Nakatitig lamang ang mga ito sa gawi niya, tahimik na nakikinig at hinihintay ang balitang kaniyang dala-dala.
“Pero gusto ko lang malaman kung bakit niya iyon nagawa sa’kin. Kung galit kayo sa’kin, pwede niyo naman akong kausapin at sabihin sa’kin mismo kung ano ang ikinakagalit ninyo. Hindi naman kailangang humantong pa sa ganoong paraan,” ani Jared.
Mas lalong nasabik ang iilan na malaman kung sino nga ba ang tinutukoy ng kanilang guro. Ngunit hanggang doon lamang ang kayang sabihin ni Jared, at mas piniling simulan na ang klase. Gaya ng nais niyang mangyari ay ayaw niyang malaman ng lahat at mapahiya ang estudyanteng gumawa noon sa kaniya kaya mas pinili niyang kausapin ito nang pribado. Iyong sila lamang dalawa.
“Sir, nandito na po si Brandon,” pagbibigay alam ni Dan, matapos papasukin si Brandon sa kaniyang opisina.
Alas singko y medya na at alam niyang wala na halos mga estudyante sa oras na iyon. Kinausap niya sina Dan, Jay at Kurt na bulungan si Brandon na huwag umuwi at ihatid sa kaniyang opisina upang makausap niya ito nang masinsinan. Pagkapasok pa lang nito ay humagulhol na ito ng iyak sa takot kung ano ang maaari niyang gawin.
“Sorry po talaga, sir, patawarin niyo po sana ako. Alam kong sobrang laki ng kasalanan ko sa inyo, pero pakiusap huwag niyo po akong i-drop sa klase, sir. Tatanggapin ko ang anumang parusa, huwag lang po iyong tanggalin ako sa paaralang ito,” umiiyak at nakaluhod nitong pakiusap.
Pinaupo niya ito nang maayos at saka tinanong kung sino ang nag-udyok ditong gawin ang bagay na iyon at kung bakit nito nagawa ang ipahiya siya.
“Naalala niyo po noong nakiusap ako na dagdagan pa ang araw ng pasahan, sir? Hindi ka na pumayag kasi sobra-sobrang palugit na ang binigay niyo sa’min. At nadedelay na ang lahat ng gawain mo dahil sa project na iyon. Bumagsak ako sa klase niyo dahil doon, ‘di po ba?” umiiyak pa rin ito.
“Oo, at hindi ko kasalanan ang bagay na iyon, Brandon.”
“A-alam ko po,” anito. “Masyado lang akong nadala sa galit ko, kaya nagawa ko iyon, sir,” pag-amin nito.
“Dahil bumagsak ako, binugb*g po ako ng nanay at tatay ko, sir. Kasi sinasasabi nila wala raw akong kwentang anak. Akala ko nga’y mamam*tay na ako sa pagkakasuntok sa’kin ni papa. Iyon po ang dahilan kaya nagalit ako sa inyo. Kaya ko po nagawa iyon,” humihikbing paliwanag ni Brandon.
Dahil sa awa ay niyakap ni Jared ang tumatangis na si Brandon. Naiintindihan niya ito. Tama nga lang ang kaniyang desisyon na bigyan pa ito ng isa pang pagkakataon.
“Ipangako mo sa’kin, Brandon, na hindi mo na uulitin ang ginawa mo sa’kin o sa kahit kaninuman. Alam mo na mali ang ginawa mo, kaya sana’y huwag mo nang uulitin,” payo ni Jared.
“Opo, sir, sorry po talaga,” anito saka niyakap pabalik si Jared at mas lalong umiyak.
Lahat tayo ay may kaniya-kaniyang pinagdadaanan sa buhay. May sinusuong na hirap at pagsubok. Kaya subukang unawain ang iyong kapwa. Walang mawawala kung ikaw ay magbibigay ng isa pang pagkakataon sa taong gumawa sa’yo nang hindi tama.