
Tinalikuran ng Biglang Yaman na Basurero ang Kaniyang Matalik na Kaibigan; Bandang Huli’y Ito rin pala ang Tutulong sa Kaniya
Bata pa lamang ay matalik nang magkaibigan sina Lito at Pablo. Nangangalakal ng mga basura itong si Lito samantalang si Pablo naman ay nagkukumpuni ng mga sirang payong.
Isang araw ay sabay na naglibot sa kanilang lugar ang magkaibigan. Nakita nila ang magarang bahay ng dati nilang kaklase na si Erik.
“Pare, ang swerte talaga ni Erik, ano? Buti pa siya nakapagtapos ng pag-aaral kaya nakapangibang bansa. Tayo kaya? Kailan kaya tayo magkakaroon ng magarang bahay tulad niyan? Kailan kaya darating ang araw na hindi na natin poproblemahin ang araw-araw na ilalaman natin sa ating sikmura?” saad ni Lito.
“Ano ka ba naman, pare. Huwag kang mawawalan ng pag-asa. May awa ang Diyos. Minsan din nais kong maging mayaman para matapos na ang problema ko. Maipagamot ko na ang anak ko. Pero ginagawa naman natin ang lahat para mabuhay natin ang pamilya natin. Minsan nga lang ay hindi sapat pero nakakaraos naman. Ipagpasalamat na natin ‘yon sa Panginoon,” tugon naman ni Pablo.
“Iba pa rin kasi ang may magandang buhay. Pangarap ko talagang maranasan ang nararanasan ng mga mayayaman. Kaya nga ito, minsan kahit sapat lang ang pera, patuloy pa rin ang pagtaya ko sa lotto. Malay natin, baka tumama!” saad pa ni Lito.
“Naku, baka naman ‘pag mayaman ka na ay hindi mo na ako pansinin, pare! Lagi ka na lang sumama sa mga mayayaman mong kaibigan!” kantiyaw ni Pablo.
“Sira! Kapag yumaman ako ay yayaman ka rin dahil ikaw ang una kong babahagian,” pangako naman ni Lito.
Hatinggabi na nang matapos ang dalawa sa kani-kanilang mga trabaho.
Sa sobrang pagod nga ni Lito ay naglinis lamang siya ng katawan at hindi na nakapaghapunan.
Kinabukasan ay naaalala niya na tumaya nga pala siya sa lotto. Agad siyang nagpunta sa tindahan ng dyaryo upang tingnan ang resulta.
Hindi siya makapaniwala na nakuha niya ang lahat ng numero at nag-iisa siyang tumama ng dalawampung milyong piso!
Nagtatatakbong umuwi si Lito upang sabihin sa kaniyang asawa ang magandang balita. Maging ang misis na si Hilda ay hindi rin makapaniwala.
Ito na ang simula ng maganda nilang buhay. Aalis na sina Lito at ang kaniyang pamilya sa iskwater na kanilang tinitirhan.
“Binabati kita, Lito, sa wakas ay nakamit mo na ang pangarap mo! Talagang mag-iiba na ang buhay ng pamilya mo ngayon. Baka naman makalimutan mo na ako at hindi ka na dumalaw dito sa atin,” sambit ni Pablo.
“Kahit na mayaman na ako ay hindi ako nakakalimot. Siya nga pala, natatandaan mo ba noong sinabi ko sa’yo na hindi ka mawawalan? Ito ang dalawang daang libong piso, balato ko ito sa’yo. Ipagamot mo na ang inaanak ko,” wika ni Lito.
Labis-labis ang pasasalamat ni Pablo sa matalik na kaibigan. Sa wakas ay maipapagamot na niya ang kaniyang may sakit na anak.
Pumutok ang balita sa kanilang lugar tungkol sa pagkapanalo ni Lito sa lotto. Marami ang nanghihingi sa kaniya ng balato. At isa-isa na ring nagsisilapitan sa kaniya ang ilang maykayang kapitbahay para makipagkaibigan.
Simula naman nang lumipat sina Lito at ang kaniyang pamilya sa magarang bahay ay naging malaki na rin ang pagbabago sa ugali ng ginoo.
“Ayoko nang bumalik sa dati nating buhay. Ganito ang gusto ko, ‘yung walang pinoproblema kung may kakainin ba tayo sa susunod na araw. Hindi ko na rin kailangan pang suyurin ang mga daan at magkalkal pa ng basura,” saad ni Lito sa asawang si Hilda.
“Kaya dapat ay alagaan mo ang lahat ng biyaya sa atin ng Diyos. Huwag mo lang basta ubusin. Napapansin ko panay ang punta rito ng mga bago mong kaibigan. Kung anu-ano ang hinihingi sa iyo. Tandaan mo na nauubos ang pera,” saad naman ni Hilda.
“Magkano lang ba ang mga nagagastos ko sa tuwing pumupunta sila. Siya nga pala, sa isang linggo ay maghahanda ako para naman ospiyal nang magpakilala tayo dito sa mga kapitbahay. Maghanda ka ng marami at masasarap! Ayaw kong may masabi silang hindi maganda sa atin!” dagdag pa ng ginoo.
“Imbitahin mo rin ang matalik mong kaibigan na si Pablo. Matagal na rin kayong hindi nagkikita,” mungkahi ng ginang.
“Saka na lang. Ako na lang ang dadalaw sa kaniya. Ayaw kong mabahiran pa ang magiging tingin sa atin ng mga kapitbahay,” wika pa ni Lito.
Napapailing na lang si Hilda sa napapansin niyang pagbabago sa asawa.
Sumapit ang araw ng party. Hindi sinasadya na dumalaw si Pablo sa bahay ng kaibigan upang dalhan ito ng paborito nitong tinapa bilang pasasalamat. Matagal na rin kasi silang hindi nagkikita at nais niyang makipagkwentuhan kay Lito.
Imbes na patuluyin na lamang ay pinagtabuyan pa ni Lito itong si Pablo.
“Sabihin mo sa kaniya ay bumalik na lang sa ibang araw. May kasiyahan ngayon dito sa bahay at hindi siya p’wedeng makita ng mga bago kong kapitbahay! Baka masira ang tingin nila sa atin. Baka nanghihingi lang ulit ‘yan ng tulong o kaya ng balato. Saka ko na lang kamo siya bibigyan!” saad ni Lito sa kasambahay.
Hindi man lamang hinarap ni Lito ang matalik na kaibigan. Kaya malungkot na umalis si Pablo.
Nang malaman naman ni Hilda ang ginawang ito ni Lito kay Pablo ay agad niyang kinompronta ang mister.
“Bakit mo siya pinaalis, Lito? Baka hindi pa siya nakakalayo, tawagin mo at pakainin man lang!” saad ni Hilda.
“Mamaya na tayo mag-usap tungkol d’yan, Hilda, at maraming bisita! Huwag mo akong hiyain!” giit ng mister.
“Bakit, Lito? Nahihiya ka kung saan tayo nanggaling? Hindi mo ba napapansin na sa lahat ng taong narito sa bahay na ito ngayon ay si Pablo lang ang totoo sa’yo?! Siya ang dapat na manatiling kaibigan mo!” saad pa ni Hilda.
Sa sandaling iyon ay pinakatitigan ni Lito ang mga taong nasa kaniyang bahay. Saka siya nagkaroon ng agam-agam. Baka tunay nga ang sinasabi ng kaniyang asawa.
Kaya para mapatunayan ito ay kinausap niya ang mga bago niyang kaibigan.
“Siya nga pala, itong bahay kasi na ito ay hindi pa nababayaran. Baka maaari naman akong makautang sa inyo ng kahit bayad lang sa bangko para sa isang buwan. Ibabalik ko rin kaagad,” saad ni Lito sa mga ito.
Ngunit imbes na pahiramin siya ay isa-isa itong gumawa ng dahilan upang mag-alisan. Ni wala man lamang isa sa mga ito ang nag-alok ng tulong.
Kumalat ang balita na wala nang pera agad itong si Lito.
Kinabukasan ay nariyan na muli ang kaibigang si Pablo sa labas ng kanilang tahanan.
“A-anong ginagawa mo rito, Pablo?” tanong ni Lito.
“Nabalitaan ko kasi na may problema ka raw sa pambayad nitong bahay. Ito ang isang daang libong piso. Kalahati na lang ito noong binigay mo sa akin. Gamitin mo na ito, pare, para kahit paano ay hindi mo na problemahin. Nagpapagaling naman na ang inaanak mo,” saad naman ni Pablo.
Naantig ang puso ni Lito sa ginawang ito ng matalik na kaibigan. Doon napatunayan ni Lito na totoo nga ang sinasabi ng kaniyang asawa. Si Pablo lamang talaga ang tumuturing sa kaniya bilang isang tunay na kaibigan.
Napayakap si Lito sa matalik na kaibigan.
“Tunay ka ngang kaibigan, pare. Maraming salamat. Pero wala talaga akong problema sa pera. Sa katunayan ay bayad na ang bahay na ito. Sinubukan ko lang kung tunay ngang mga kaibigan ang mga nakapalibot sa akin. Ngayon ay napagtanto ko na wala nang hihigit pa sa pagkakaibigan nating dalawa,” saad pa ni Lito.
Mula noon ay tanging si Pablo na lang ang pinagkakatiwalaan nitong si Lito. Lalong tumindi ang kanilang samahan. Sapagkat alam ni Lito na kahit ano pa ang katayuan niya sa buhay ay hindi siya kailanman lolokohin at gagamitin man lamang ng matalik na kaibigang si Pablo.
Tinulungan ni Lito si Pablo na makaangat din sa buhay tulad niya. Nagsimula sila ng ilang negosyo at pinagsosyohan ang mga ito. Sa wakas ay natupad na rin ng dalawa ang kanilang mga pangarap!