Inday TrendingInday Trending
Pinagpalit Agad ng Mister ang Asawang May Malubhang Karamdaman; Matinding Karma ang Ganti sa Kaniya ng Tadhana

Pinagpalit Agad ng Mister ang Asawang May Malubhang Karamdaman; Matinding Karma ang Ganti sa Kaniya ng Tadhana

“Alex, akala ko ba’y magkikita tayo ngayon? Nandito na ako sa hotel. Nasaan ka na ba?!” bungad ni Sheena nang sagutin ng nobyo ang telepono.

“Pasensya ka na, Sheena, nakalimutan ko. May emergency kasing nangyari sa bahay. Sige, magcheck-in ka na at pupuntahan pa rin kita d’yan!” saad naman ni Alex.

“Huwag mong sabihin sa akin na may kailangan na namang gawin sa asawa mo? Bakit kasi hindi mo na lang siya i-confine sa ospital nang sa gayon ay may mag-aalaga sa kaniya at hindi naiistorbo ang pagkikita natin?!” dagdag pa ng dalaga.

“Mamaya ko na ikukwento ang lahat. Nasasabik na rin naman akong makasama ka pero kailangan ko lang talagang patingnan sa ospital si Perlyn. Sige na at nagmamaneho ako. Mag-ayos ka na at lagot ka sa akin mamaya!” saad pa ni Alex.

Matagal nang kasal itong si Alex kay Perlyn. Ngunit dalawang taon mula nang ma-diagnose na may malubhang karamdaman itong si Perlyn ay tuluyan nang nanlamig si Alex. HIndi na kasi maibigay ng ginang ang pangangailangan ng kaniyang mister kaya naghanap na ito ng iba.

Siya namang dating ni Sheena sa opisina na pinagtatrabahuhan ni Alex. Dahil madalas magkasama ay nahulog na nang tuluyan ang loob nila sa isa’t isa hanggang sa tuluyan na nga silang nagkaroon ng relasyon.

Hindi man lamang inalintana ni Alex ang pakikipagrelasyon sa iba habang ginugupo ng malubhang karamdaman ang asawa.

Hindi naman lingid sa kaalaman ni Perlyn ang ginagawang panloloko ng asawa.

“Kausap mo na naman ang kabit mo? Alex, bakit hindi mo na lang hintayin muna na mawala ako kaysa harap-harapan mo akong niloloko? Hindi madali ang pinagdadaanan ko,” naiiyak na sambit ni Perlyn.

“Ginagampanan ko naman ang tungkulin ko sa iyo bilang asawa. Ito nga at ipinagmamaneho kita para pumunta sa appointment mo sa ospital. Siyempre, lalaki ako, Perlyn, may mga pangangailangan din ako. Mabuti nga at hindi kita nilalayasan!” saad pa ng mister.

“Asawa mo pa rin ako, Alex, at buhay pa ako. Sana ay hindi bumalik sa iyo ang lahat ng ginagawa mo sa akin ngayon,” nangangatal na sambit ni Perlyn.

Pinipigilan na lang ni Perlyn ang kaniyang mga luha. Lalo kasing bumibigat ang dinadala niya.

Pagdating sa ospital ay inip na inip na itong si Alex.

“Matagal pa raw ba sabi ng doktor? Baka naman p’wede ka nang unahin dahil may appointment ka naman!” sambit ni Alex.

“Sandali na lang daw at may kinakausap pa kasi si dok,” tugon naman ni Perlyn na alam kung bakit nagmamadali ang asawa.

Nang si Perlyn na ang sinusuri ay halatang halata kay Alex na hindi ito interesado sa mga sinasabi ng doktor. Panay tingin nito sa kaniyang relo at nais nang umalis. Kaya nang matapos ay agad na inihatid ni Alex ang asawa sa kanilang bahay.

“Hindi na ako bababa ng kotse. Tawagan mo na lang ako kung kapag may kailangan ka. Aalis na ako,” saad ni Alex.

“Pero, Alex, may sasabihin sana ako. Nakita ko kasi na nginatngat ata ng daga ang mga kawad ng kuryente sa may tabi ng pool, baka kasi magkaaberya. Pakigawa mo naman muna,” pakiusap ni Perlyn.

“Sige na, sige na, kung ano man ‘yan ay saka ko na aayusin. Kailangan ko na talagang umalis!” pagmamadali ng mister.

Naiwang mag-isa sa bahay si Perlyn. Tinungo naman agad ni Alex ang kaniyang kalaguyo.

“Kanina pa ako naghihintay sa iyo dito! Inuna mo na naman ang asawa mo! Kailangan ba kasi darating ang panahon na tayo na ang magsasama? ‘Yung hindi na tayo nagnanakaw ng sandali. Inip na inip na rin ako, Alex,” saad ni Sheena.

“Kaunting sandali na lang, Sheena. Ang sabi ng doktor ay pahina na nang pahina si Perlyn. Hindi na talaga magtatagal ang buhay niya. Kaunting sandali na lang at magsasama na rin tayo,” tugon ni Alex sabay yapos sa dalaga.

Nang mga sandaling iyon ay pinagbigyan ng dalawa ang init na kanilang nararamdaman.

Tawag naman nang tawag si Perlyn dahil biglang sumama ang kaniyang pakiramdam at nakalimutan nilang bumili ng gamot dahil sa pagmamadali ni Alex. Ngunit hindi sumasagot ang kaniyang mister.

Iyak nang iyak ang ginang. Labis ang sama ng loob na kaniyang nararamdaman. Hindi niya alam kung bakit bigla na lamang nawala ang pagmamahal sa kaniya ng asawa.

Kinabukasan na nakauwi si Alex at nadatnan niya ang kaniyang misis na nakahiga pa rin sa kama sa kanilang silid. Nang lapitan niya ito ay laking gulat niya nang hindi na ito humihinga pa.

Tuluyan na ngang sumama si Perlyn sa Maykapal.

Agad ipinasunog ni Alex ang mga labi ng kaniyang asawa at saka ito inilibing. Isang linggo pa lang ang nakakalipas ay nagsama na sa bahay sina Alex at Sheena.

“Sa wakas ay wala nang hahadlang sa pagsasama natin. Sa wakas ay malaya na tayo!” saad ni Sheena.

“Parang mas bagay pala talaga kung ikaw ang nakatira sa bahay na ito. Simula ngayon ay ikaw na ang reyna dito. Gawin mo kung ano ang gusto mong gawin,” wika naman ni Alex.

Isang araw, maagang pumasok si Alex sa opisina. Hindi na nito ginising ang kaniyang bagong asawa dahil buong gabi ay masama ang pakiramdam nito.

Pagkagising ni Sheena ay nahihilo pa rin siya kaya sinubukan niyang mag-pregnancy test. Labis ang kaniyang saya nang makita niyang nagdadalang-tao siya! Hindi na siya makapaghintay pa na sabihin kay Alex ang lahat.

Kaya naisip ni Sheena na maghanda ng dinner date sa may hardin malapit sa swimming pool. Umorder siya ng maraming pagkain at naggayak.

Habang inaayos ni Sheena ang pool area ay nadulas siya at napatid sa kawad ng kuryente. Hindi sinasadya na malaglag siya sa pool, ngunit ang hindi niya inaasahan na nakalabas ang mga alambre ng kawad kaya nakuryente si Sheena at agad niya iyong ikinasawi!

Pag-uwi ni Alex ay hanap siya nang hanap kay Sheena. Hanggang sa naisipan niyang pumunta sa pool area.

Nagtataka siya nang makita kung bakit may gayak ang hardin. Sa kaniyang pagmamasid ay nakita niya ang katawan ni Sheena na palutang-lutang lamang sa pool. Nakita niya ang kawad ng kuryente at naalala niya ang sinasabi ni Perlyn noon. Ngunit kaniyang binalewala lamang.

Labis ang pagtangis ni Alex lalo pa nang malaman niyang nagdadalantao si Sheena. Gumuho ang mundo ni Alex. Halos mawala ang kaniyang katinuan dahil sa sunud-sunod na nangyari sa kaniya.

“Marahil ay karma ko na rin ito dahil sa nagawa ko kay Perlyn. Diyos ko, patawarin N’yo po ako. Patawarin mo ako, Perlyn! Patawarin n’yo rin ako Sheena at aking anak!” pagtangis ng ginoo.

Mula noon ay hindi na muling nakausap pa nang matino itong si Alex sapagkat tuluyan na itong nabaliw.

Advertisement