
Labis ang Pag-Aasam ng Binata sa Isang Promosyon; Nakakaiyak Pala ang Kwento sa Likod Nito
Hatinggabi na ngunit hindi pa rin makatulog ang binatang si Noah. Palakad-lakad siya habang ineensayo niya ang presentasyon na gagawin niya sa meeting sa opisina kinabukasan. Napapabuntong-hininga na lang siya sa kaba.
Sandaling huminto si Noah at kinuha ang kaniyang telepono, saka nagpadala ng mensahe sa kaniyang ina.Ipanalangin n’yo ako ni tatay, ‘nay. Bukas na po ang pinaghahandaan kong presentation. Ito ang magtatakda kung makukuha ko ba ang inaasam kong promotion. Para sa atin ito, ‘nay. Nang sa gayon ay mabawi na natin ang bahay.
Ilang minuto ring nakatitig sa kaniyang telepono itong si Noah ngunit hindi pa tumutugon ang kaniyang ina. Kaya muli ay tumayo siya upang mag-ensayo.
Madaling araw na nang humiga sa kaniyang kama si Noah ngunit hindi pa rin niya makuha ang antok. Tinitingnan niya ang bawat sulok ng maliit na apartment na kaniyang tinitirhan.
“Nakakamiss din ang bahay namin dati. Sana makuha ko talaga ang promotion. Nang sa gayon ay unti-unti kong mabawi ang lahat ng nawala sa amin,” saad niya sa sarili.
Dati kasi ay may sariling bahay at lupa ang pamilya ni Noah. Ngunit dahil sa sunud-sunod na pagsubok ay nawala ang kanilang taniman. Dahil ayaw rin naman siyang pahintuin ng kaniyang mga magulang sa pag-aaral ay naisanla na rin ang bahay at saka naibenta ang mga kalabaw. Maging ang lumang sasakyan ng kaniyang ama ay naibenta na rin.
Batid ni Noah ang lungkot ng mga magulang nang tuluyan na silang paalisin sa kanilang bahay dahil hindi na sila nakakabayad pa. Simula noon ay nanirahan na lamang sila sa isang maliit na apartment. Pinagsikapan ni Noah na makapagtapos ng pag-aaral.
“Balang araw ay mababawi ko rin ang lahat ng mga nawala sa amin. Hindi ko hahayaan na masayang ang lahat ng pinaghirapan ng mga magulang ko,” saad pa ni Noah habang ipinipikit ang kaniyang mata upang matulog.
Ilang oras lang ay nagising na rin si Noah. Malakas pa rin ang kabog sa kaniyang dibdib. Hanggang sa sasakyan papunta sa opisina ay pinag-aaralan niya ang kaniyang presentasyon. Hindi siya maaaring magkamali. Hindi niya matatanggap kung hindi niya makukuha ang inaasam na promosyon.
Pagdating pa lamang ni Noah sa opisina ay hindi na maganda ang salubong sa kaniya ng mga kasamahan.
“Naunahan ka na nila sa conference room. Bilisan mo at ayaw ng mga board members na pinaghihintay sila,” saad ng isang katrabaho.
Lalong kumabog ang dibdib ni Noah. Nagdadalawang-isip na siya sa puntong ito kung makukuha nga niya ang posisyon na kaniyang nais.
Pagpasok pa lang sa conference room ng binata ay tila nanlilisik na ang mga mata ng mga namumuno sa kompanya. Agad na iniayos ni Noah ang kaniyang mga gamit upang makapagsimula na.
Napabuntong hininga si Noah dahil sa kaba.
“Kanina pa kami naghihintay, matagal pa ba ‘yan?” sambit ng isang board member.
“Pasensya na po. Magsisimula na po ako. Uumpisahan ko po sa pagpapakilala. Ako nga po pala si Noah Jimenez, at nais ko pong ipresenta sa inyo ang mga proyektong tingin ko po ay makakatulong sa pag-unlad ng kompanya,” bungad ng binata.
Inabot ng tatlong oras ang pagpupulong na iyon. Nang matapos ay bahagyang nakahinga si Noah. Ngunit kinakabahan pa rin siya sapagkat hindi niya alam kung natuwa ba ang mga board members sa kaniyang suwestiyon.
Makalipas ang deliberasyon ay inihayag ng presidente ng kompanya ang kanilang naging desisyon.
“Binabati ka namin, Noah. Kahit na medyo bata ka pa ay pinatunayan mo sa amin na hindi hadlang ang edad para pamunuan ang ilang departamento. Ikaw na ngayon ang bagong tagapamahala sa buong Luzon. Nakahanda na ang mga kontrata para maging legal na ang lahat ng ito,” saad ng ginoo.
Halos mapaluhod si Noah nang marinig ang magandang balita. Hindi siya makapaniwala sa taas ng posisyon na kaniyang nakuha. Sa kaniyang kwenta ay tatlong buwan lamang ay mababawi na rin niya ang naremata nilang bahay. Saka niya isusunod ang taniman at sasakyan ng ama.
Walang mapaglagyan ang kaligayahan ni Noah. Nagpaalam siya sa kaniyang amo dahil hindi na siya makapaghintay na maibalita ang tagumpay sa kaniyang mga magulang. Sumakay siya sa kaniyang lumang sasakyan at agad na tinungo ang kinaroroonan ng kaniyang mga magulang.
Unang bungad pa lang ni Noah ay napaluhod na siya dahil sa sobrang saya.
“‘Nay, ‘tay, kayo po ang dahilan kaya nakuha ko ang promosyon na ninanais ko. Hindi na po ako makapaghintay na mabawi ang bahay at lupa. Iisa-isahin ko po ang lahat ng mga nawala sa atin. Tutuparin ko po ang pangako na babawiin ko ang lahat ng iyon. Kapag nakuha ko na ang bahay ay ipapagawa ko po iyon sa paraang nais ninyo. Maging ang taniman natin ay babawiin ko rin. Hayaan n’yo, ‘nay, patataniman ko po ng mga gulay at prutas ang lupa natin. Saka bibili rin po ako ng mga kalabaw, baka at manok nang sa gayon ay dumami pa ang pangkabuhayan natin. Maraming salamat po dahil hindi ko ito magagawang lahat kung hindi po dahil sa inyo!” hindi na naiwasan ni Noah ang bumagsak ang kaniyang mga luha.
“Nanghihinayang po ako, ‘nay, ‘tay, at ngayon lang po ako nagtagumpay sa buhay. Kung maaga ko pong naisakatuparan ang lahat ng ito ay hindi na dapat kayo naghirap pa. ‘Di sana ay kasama ko kayo ngayon na haharapin ang lahat ng pangarap natin. Kung noon pa ako nagkapera ay naipagamot ko sana kayo ni tatay, ‘nay. Patawarin ninyo po ako! Patawad po, nanay at tatay!” patuloy na pagluha ni Noah habang pinupunasan ang lapida ng puntod ng kaniyang mga magulang.
Dahil sa isa-isang nawala ang kanilang mga ari-arian ay labis na nagdalamhati ang ama ni Noah kaya ito inatake sa puso tatlong taon na ang nakakalipas. Sumunod na taon naman ay nasuri ang ina ni Noah na may malubhang karamdaman. Dahil salat sila sa pera ay hindi na ito nagawang ipagamot pa.
Kaya ganoon na lamang ang pagdadalamhati ni Noah sapagkat hindi man lamang nalasap ng kaniyang mga magulang ang maginhawang buhay na kaniyang ipinangako.
Gayunpaman, alam ni Noah na kung nasaan man ang kaniyang mga magulang ay lubos ang saya ng mga ito para sa kaniya. Noon pa man kasi ay labis nang ipinagmamalaki si Noah ng kaniyang mga magulang bilang kanilang kayamanan sa mundong ito.
Umalis ng sementeryo si Noah nang hapon ding iyon na puno ng pag-asa ang kaniyang kalooban. Kahit wala na ang mga magulang ay tutuparin pa rin niya ang kaniyang ipinangako na bawiin ang lahat ng kanilang ari-arian.