Inday TrendingInday Trending
Milyonaryo Man sa Murang Edad, Tinamaan Naman ng Malubhang Sakit ang Binata; Ano Kaya ang Gagawin Niya sa Limpak Limpak na Salapi?

Milyonaryo Man sa Murang Edad, Tinamaan Naman ng Malubhang Sakit ang Binata; Ano Kaya ang Gagawin Niya sa Limpak Limpak na Salapi?

Matapos ang matagal na biyahe ng binatang si Leo, agad siyang dumiretso sa kaniyang opisina ng kaniyang pagmamay-aring kompanya. Hatinggabi na rin nang siya ay natapos sa mga tambak na papeles na kailangan niyang pirmahan. Mayroon pang naiwan subalit wala na atang mas ipapagod pa ang kaniyang katawan at mga mata na sumusuko na.

Agad siyang bumaba upang magmaneho pauwi sa kaniyang condo na ilang minuto lamang ang layo mula sa kaniyang gusali na pinapasukan. Pag-uwi niya, naligo kaagad ang binata dahil masiyado itong malinis sa katawan pati na sa kaniyang paligid. Subalit kahit na dalawang oras na siyang nasa kaniyang kama, pagod na mga mata’t katawan, hindi man lang tamaan ng antok si Leo. Kung kaya naman, kumuha siya ng alak na kaniyang palaging kailangan sa tuwing matutulog na siya.

Pagmulat ni Leo sa umaga, kaba at takot ang kaniyang naramdaman nang hindi niya maramdaman ang kaniyang mga binti. Agad siyang tumawag ng tulong at dinala naman siya kaagad sa pinakamalapit na ospital.

“Pasensya na, tatlong buwan na lamang ang natitira sa iyo para mabuhay. Mayroon kang bukol sa iyong utak at hindi na ito kayang operahan pa,” malungkot na balita ng kaniyang doktor sa binatang hindi naman makapaniwala.

“Anong pinagsasasabi mo? Ang sabihin mo, peke kang doktor ka! Peke! Aalis na ako rito sa bulok na ospital na ito!” pagmamaktol ni Leo sa kaniyang doktor dahil ayaw niyang tanggapin ang sinabi nito.

Agad siyang tumayo at nagtungo sa kaniyang opisina matapos niyang magbihis. Mainit ang ulo ng binata at halos lahat ng mga mali na kaniyang madadaanan ay pinapansin niya. Kung hindi mura, tanggal ang abot ng kaniyang mga empleyado sa tuwing nakakapansin siya ng mga mali ng mga ito.

Pagkatapos ng kaniyang mahabang araw na mainit ang ulo, nagtungo siya sa isang ospital na kilala dahil magagaling ang mga doktor. Matapos ang ilang mga pagsusuri at dalawang oras na paghihintay, bigo na naman siyang marinig ang nais niyang marinig sa mga doktor.

“Pareho lang ang nakita namin ng iyong nakaraang doktor at maaaring isang buwan na lamang dahil mabilis na lumalaki ang bukol at nakakapinsala na ito sa ilang mga ugat sa iyong utak,” mga salita mula sa doktor na mas ikinabagsak ng loob ni Leo.

Dumaan ang ilang mga araw at paulit-ulit na nagpakonsulta ang binata sa ilan pang mga dalubhasa. Subalit habang nagdaraan ang mga araw, lalo lamang nauubos ang kaniyang oras, ang kaniyang nalalabing mga araw na mabuhay. At sa bawat araw, lalo lamang siyang nalulungkot, nagagalit at hindi makapokus sa mga bagay na mahalaga sa kaniyang buhay.

Wala na kasing pamilya ang binata dahil maaga siyang naulila. Binuhos niya rin ang kaniyang buhay sa pagtataguyod ng kaniyang kompanya at pag-iinvest sa mga negosyo kung kaya’t hindi lamang dumoble o naging triple ang kaniyang pera. Sa katotohanan, isa siya sa itinuturing na pinakabatang milyonaryo sa bansa sa edad na tatlumpu.

Isang gabi, muli na namang hindi makatulog si Leo lalo na sa kakaisip ng kaniyang karamdaman. Hindi niya lubos maisip na kung kailan maayos ang lahat, doon naman ito muling babawiin ng Maykapal. Nagpakalasing ang binata hanggang sa mawala na siya sa tamang pag-iisip.

“Bakit ngayon? Ang ganda ganda na ng buhay ko! Bakit?!” galit na sigaw ni Leo habang hawak ang bote ng alak na patuloy niyang iniinom. Kasabay ng kaniyang mga sumbat sa kawalan ay ang patuloy na pagpatak ng kaniyang mga luha.

Kinaumagahan, hindi maintindihan ni Leo ang kaniyang nararamdaman. Puno ng kapayapaan ang kaniyang isip at wala siyang maramdamang lungkot at galit. Kahit na dapat ay masakit ang kaniyang ulo ay hindi niya ito maramdaman. Nagpatuloy ang araw ng binata na kahit gusto niyang magalit ay hindi niya magawa. Napuno ang araw niya na masaya at magaan ang kaniyang pakiramdam kahit na mayroon siyang mga problema.

Pag-uwi ni Leo, agad siyang naligo at natulog nang mahimbing. Kinaumagahan, sa kaniyang pagmulat, kakaibang karanasan ito dahil hindi na niya kailangan ng alak upang makatulog. Agad niyang inasikaso ang lahat ng kaniyang mga ari-arian kasama na ang kaniyang kompanya. Lahat ng mga lupa at bahay na kaniyang pag-aari ay ibinenta niya sa lalong madaling panahon. Pati na rin ang kaniyang bahagi sa kompanya ay ipinagbili na niya.

Ilang araw ang nagdaan, walang ibang ginagawa si Leo kundi ang maglakad-lakad sa labas na ni minsan ay hindi niya nagawa noon. Kahit na panonood ng mga pelikula sa sinehan ay wala siyang oras. Dito ay nakita niya ang malaking problema ng mundo sa kahirapan. Nang makita niya ang dalawang bata at iilan pa na may mga hawak na sanggol kahit na sa murang edad pa lamang.

Agad siyang umuwi at tiningnan ang napakalaking halaga na nasa kaniyang bangko. Lahat ng ito ay walang pasubali niyang ipinamigay sa mga organisasyon na tumutulong sa mga mahihirap. Lahat ng ito ay natapos niyang gawin sa loob lamang ng isang buong araw hanggang makita niya na wala na sa isang milyon ang halaga na nasa kaniyang pag-aari.

Inasikaso na rin ng binata ang kaniyang magiging lamay at libingan. Lahat ay inasikaso na niya dahil tanggap na niya ang kaniyang kapalaran. Desidido siyang tumigil na lamang sa isang lupain na kaniyang tinira na napaliligiran ng dagat.

Ilang buwan ang lumipas at ramdam ni Leo ang kaligayahan at kapayapaan na hindi niya naramdaman noon. Sa bawat araw na dumaraan, alam ni Leo na hindi sayang ang kaniyang paghihirap. Muling bumalik si Leo sa kaniyang doktor pagkalipas ng tatlong buwan. Doon nangyari ang isang himala na hindi niya inaasahan.

“Wala na ang bukol sa iyong utak. Hindi ko alam kung ano ang nangyari ngunit isa itong himala!” masayang balita ng kaniyang doktor.

Nang marinig ito ni Leo, maluha-luha siya sa sobrang saya. Laking pasasalamat ng binata na binigyan siya ng pangalawang buhay. Desidido na siya na sa pangalawang pagkakataong ito, iibahin na niya ang agos ng kaniyang buhay. Mamumuhay na lamang siya nang simple at payapa, malayo sa magulo at nakakapagod na buhay na pinaikot niya lamang sa pera at mga materyal na bagay noon.

Advertisement