Inday TrendingInday Trending
Mahilig Tumulong sa Nangangailangan ang Matandang Binata na Ito; May Itinatago Pala Itong Malaking Sikreto

Mahilig Tumulong sa Nangangailangan ang Matandang Binata na Ito; May Itinatago Pala Itong Malaking Sikreto

“Papayagan ka ba ng mga magulang mo kung dito ka na titigil para makapag-aral ka nang maayos?” banayad na wika ni Bong na nagpasabik naman sa dalagitang si Mhae.

“Opo. Opo! Papayag po iyon sila!” mabilis na tugon naman ni Mhae kay Bong na nakangiti sa kaniya.

Wala nang naniniwala kay Mhae dahil kahit na siya ay matalino, maraming beses siyang lumiban sa klase nang hindi nalalaman ng kaniyang mga magulang. Dalawang taon na rin siyang nakatengga lamang sa bahay ngunit kahit na gusto na niyang bumalik sa pag-aaral, ayaw na ng kaniyang ina. Wala na itong tiwala na magbabago pa at maiaayos pa ng dalaga ang kaniyang buhay sa edad na kinse anyos.

Subalit isang araw, muling nabuhayan si Mhae na makakapagsuot na ulit siya ng uniporme sa tulong ng isang mayamang lalaki raw na nagpapa-aral ng mga kabataan na tumigil na sa pagpasok sa eskwelahan. Kinumbinsi niya ang kaniyang ama na agad ding inasikaso ang kaniyang pagpunta sa lugar kung saan naroon ang lalaki na si Bong.

Hindi nagtagal, isang linggo lamang ang lumipas at tuluyan na ngang lumipat si Mhae sa gusali kasama ang ibang mga kabataang kagaya niya ay nawalan na ng pag-asa sa buhay. Ngunit sa tulong ni Bong, nagkaroon sila ng pangalawang pagkakataon na maiayos pa ang kanilang buhay.

Dumaan ang mga araw at naramdaman ni Mhae ang saya at init ng pagtanggap ni Bong at ng ibang kabataan sa bahay. May mga binata at ibang mga dalaga na nakatigil doon habang sila ay pumapasok sa pormal na eskwelahan. Muling naramdaman ni Mhae na siya ay normal na kabataan at muling nangarap na maging katulad ni Bong na tumutulong sa mga nawalan na ng pag-asa.

Ilang buwan pa ang lumipas at narinig ni Mhae ang isa sa mga pinakamalungkot na balita sa kaniyang buhay. Habang unti-unti niyang binubuo ang kaniyang sarili at pangarap para sa kaniya at sa pamilya, doon naman siya muling sinubok ng tadhana. Ang kaniyang pinakamamahal na ama raw ay nasawi dahil sa isang malubhang karamdaman.

Isang linggo pa ang lumipas at muling bumagsak ang mundo ni Mhae. Hindi na siya nakikihablubilo sa ibang mga kasama niya at hindi na rin pumapasok sa eskwelahan. Isang tanghali, kinausap siya ni Bong upang pagsabihan at bigyang kaluwagan ang nararamdaman ng dalaga. Subalit ang kanilang pag-uusap ay nauwi lamang sa pagpapaalam ni Mhae na siya ay uuwi na sa kanilang bahay.

Gayunpaman, pagkaraan ng isang buwan, binisita ni Bong si Mhae na nagkataong umiiyak sa kalye. Muling nag-usap nang masinsinan ang dalawa at nakumbinsi ni Bong na bumalik si Mhae sa kaniyang bahay upang ipagpatuloy ang pag-aaral nito.

“Alam mo, hija, lahat ng bagay ay natatapos. At wala tayong kontrol sa mga bagay sa paligid natin. Ang tanging kontrolado lamang natin ay kung paano tayo tutugon sa mga bagay na nakakaabala sa ating kapayapaan,” marahang payo ni Bong habang tinatapik ang balikat ng dalaga.

“Pwede pa po ba akong bumalik? Hirap na hirap na po ako sa bahay. Gusto ko na po ulit mag-aral, para sa akin, para po sa papa ko at sa pamilya ko,” umiiyak na tugon ni Mhae kay Bong na sinang-ayunan naman ng matanda.

Pagkalipas ng tatlong taon, tumuntong na sa kolehiyo si Mhae at ang iba pa niyang mga kasama. Kasabay ng mga tagumpay niya ay ang unti-unting pagtanda at pagkakaroon ng sakit ni Bong. Tinuring na nila bilang ama ang matanda kung saan nakaramdam sila ng tunay na pagmamahal at kalinga.

Isang umaga, isang grupo ng mga pulis ang dumating sa kanilang bahay at walang awang dinakip si Bong. Kahit na marami itong sugat sa kaniyang binti at may sakit ito, kinaladkad pa rin nila ito sa presinto sa kalagitnaan ng kanilang pag-aalmusal.

Pagkalipas ng ilang mga araw, may mga balitang kumalat katulad ng malaking pera raw ang ninakaw ni Bong sa isang kumpanya at mayroon ding nagsasabi na dati raw lider ng mga rebelde ang matanda. Ngunit lahat ng ito ay mga isyu lamang na haka-haka.

Hindi makapaniwala si Mhae at muling bumagsak ang kaniyang mundo. Patuloy pa rin ang kaniyang paniniwala na mabuting tao si Bong na itinuturing niyang ama. Subalit sa paglipas ng mga araw, isa-isang nagsi-alisan ang mga kasamahan niya sa bahay dahil hindi na ulit bumalik si Bong doon. Hanggang sa isang araw na dumating ay siya na lamang ang natira sa bahay. Noong hapon na iyon ay muli niyang nasilayan ang mukha ni Bong. May dala itong malaking bag na kulay itim at ibinigay sa kaniya.

“Gamitin mo ito para maabot ang mga pangarap mo. Mahal kita, ‘nak. Lahat ng ginawa ko, mga kasalanan ko ay haharapin ko. Lagi kang mag-iingat, anak,” paalam ni bong kay Mhae.

Lumipas ang limang taon at nagtagumpay na si Mhae bilang isang social worker. Sa tuwing makaka-engkwentro siya ng mga kabataan na may problema sa kanilang buhay, muling naaalala ni Mhae ang tao sa likod ng kaniyang tagumpay. Simula kasi noong nagpaalam si Bong ay hindi na niya muling nakita ito o nakarinig ng balita tungkol dito.

Isang malagim na sikreto pala ang itinatago nito. Kaya pala ito tumutulong sa mga kabataan ay dahil pinagsasamantalahan niya ang mga ito at nagkukunwari lamang na pinapalubag-loob niya ang mga masasamang nangyari sa mga tinutulungan niya. Hindi naging madali ang pagtanggap ni Mhae sa katotohanang ito. Sa kabila ng napakaraming ebidensiya laban sa matanda ay hindi pa rin siya makapaniwala sapagkat kailanman ay hindi naman siya ginawan ng anumang masama ng lalaki. Isang malaking palaisipan pa rin sa kaniya ang lahat.

Ang kumakalat na balita ngayon ay hindi hinarap ni Bong ang kaniyang patong-patong na mga kaso at ngayon ay nagtatago.

Subalit patuloy na ipinagdarasal ng dalaga na balang araw sana ay muli niya itong makita at makausap. Dahil kahit na masama pa ito para sa karamihan, mananatili ito na kaniyang “ama” na siyang naging tulay sa kaniyang tagumpay.

Advertisement