
May Natuklasan ang Binata sa Pinakamagaling na Empleyado sa Opisina, Siya Pala ang Naghuhukay ng Sarili Niyang Kahihiyan
“Alam ko na kung paano masisirain ‘yang si Rey sa mga boss natin. Mukhang ito na ang pagkakataon kong mapansin ngayon sa opisina,” bulong ni Jonathan kay Reina na katrabaho at kasintahan din ng lalaki.
“Naku naman, Jonathan, simula nang magbukas ang kumpanya natin ay empleyado na ‘yang si Sir Rey kaya naman mahihirapan kang agawin sa kaniya ang atensiyon ng mga nasa itaas. Bukod pa roon ay siya pa rin ang nangunguna sa pinakamaraming benta rito. Kaya sabihin mo sa akin, ano ang pinaplano mo?” balik naman ni Reina sa kaniya.
“Sinundan ko lang naman siya dahil napapansin kong panay ang labas niya ng opisina at ayon sa mga sinusulat niya ay nakikipagkita siya sa kliyente pero alam mo ano ang natuklasan ko?” biting sabi ni Jonathan sa babae sabay bulong dito.
“Umuuwi lang siya sa kanila at hindi siya umaalis! Hindi lang isang beses kung ‘di maraming beses na! Alam kong nililihim niya ‘to kaya kapag sinabi ko ang balitang ito ay matatapos na ang masasayang sandali niya sa kumpanya!” siwalat muli ng lalaki sabay tawa nang malakas at ipinakita ang kaniyang telepono.
Labis na ikinagulat ni Reina ang nalaman at maski man siya ay napangiti rin dahil kahit minsan ay hindi pa napapalitan ang lalaki sa pangunguna nito sa kanilang opisina. Kaya naman sabay nilang minanmanan si Rey sa madalas na pagkawala nito sa opisina hanggang sa nakakuha sila ng tyempo.
“Akala ko ba may meeting tayo ng mga managers, bakit tatlo lang tayong nandito ngayon?” tanong ni Rey, ang singkwenta anyos na katrabaho ng lalaki.
“Sir Rey, ayaw ko talagang maging bastos pero bago makarating sa presidente natin ang sasabihin ko ay gusto ko lang din munang sabihin sa inyo na hindi ko kayo pinepersonal. Sadyang nalaman ko lang ang totoo,” sabi ni Jonathan sa lalaki.
“Anong ibig mong sabihin?” nanguguluhang tanong ni Rey sa kaniya.
“Alam ko po ang totoo, nalaman po namin ni Reina ang totoo sa mga lakad niyo. ‘Yung pagpa-file niyo ng out of the office for client call? Alam na po namin ang totoo sa likod nun at gustuhin man naming itago o pagtakpan ang ginagawa niyo ay hindi naman tama iyon lalo na para sa kumpanya,” malungkot na paliwanag muli ni Jonathan sa kanya.
“Ano ang ibig mong sabihin na para sa kumpanya?” singit ni Mr. Hernandez, ang presidente at may-ari ng kumpanya na kakapasok lamang ng conference room kung saan nag-uusap ang tatlo.
“May pruweba kami na hindi kayo pumupunta sa kliyente dahil ang totoo ay umuuwi lang kayo sa bahay niyo. Natutulog, kumakain, nagpapasarap sa buhay habang sinasahuran kayo ng kumpanya sa oras ng trabaho,” kaagad na siwalat ni Jonathan at inilabas ang kaniyang selpon upang ipakita sa presidente na hindi lamang siya gumagawa ng kwento.
“Kahit ako ay sinundan ko rin po si Sir Rey kasi nga po hindi ako naniniwala sa sinasabi ni Jonathan pero nung nakita ko na, totoo ho talaga na halos sa isang linggo, mas madalas pa siyang umuwi sa kanila kahit na oras pa nga ng trabaho,” gatong ni Reina sa usapan.
“Wala naman nagsasabi na matanda na kayo pero kung napapagod kayo rito sa opisina ay dapat na nagsasabi kayo ng totoo, hindi ‘yung ganyan,” malakas na dagdag pa ni Jonathan nang mapansin nyang napayuko na lamang si Rey sa kaniyang narinig.
“Alam niyo ho ang ginagawa ni Sir Rey?” diretsong tanong ng lalaki sa may-ari nang mapansin niyang wala itong imik sa mga sinabi nila ni Reina.
“Mukhang isa lang ang ibig sabihin sa nakikita kong ‘to. Palakasan na lang talaga ng kapit ngayon kahit wala na sa tama ang trabaho,” muling dagdag ni Jonathan sa dalawa.
Saglit na natahimik si Rey at nakatingin lamang sa may-ari.
“Ayos lang, Rey, wala kang dapat ikahiya,” mabilis na sagot ni Mr. Hernandez sa kaniya.
“Matanda na ako, Jonathan, dito na ako nagsimula at mukhang sa kumpanyang ito na rin ako magreretiro. Wala akong naging nobya dahil ‘yung babaeng kaisa-isang minahal ko ay nagkaroon ng ibang asawa,” siwalat ni Rey na labis na ikinakunot ng noo ni Jonathan at Reina dahil hindi nila makita ang koneksyon nito sa pinagtatalunan nila.
“Hanggang sa nagbago ang agos ng mundo, naging byuda siya sa edad na kwarenta at sa madaling sabi ay naging kami rin sa huli. Kaya naman napagdesisyunan naming magkaanak kahit nga mas malaki ang posibilidad na hindi kami makabuo dahil sa edad namin,” nahihiyang dagdag pa rin ni Rey sa kaniya.
“Inilapit ko ito sa ating presidente na kung pwede ay sa bahay ako magtatrabaho para makabuo na rin dahil mas madali kapag palagi kaming magkasama,” lalo pang humina na wika nito.
“Hindi ko ito maisiwalat sa lahat dahil hindi ko alam ang iisipin niyo sa akin. Mahal ko ang kumpanya kaya hindi ko maiwan ito at hindi ko rin naman kayang magbakasyon nang matagal dahil pakiramdam ko ay nadadagdagan ko ang pasanin ng misis ko. Kaya ito ang paraan ko, ito ang pabor na hinihingi ko ngayon sa kanila. Ang makauwi ako at sa bahay magtrabaho,” paliwanag muli ng lalaki.
Hindi naman nakapagsalita kaagad si Jonathan at siya mismo ang nahiya sa kaniyang kinatatayuan dahil wala siyang ibang gustong gawin kanina kung ‘di mapahiya ang lalaki na hindi niya akalain na may malalim na pinagdaraanan. Kaagad siyang humingi ng paumanhin dito at sinuportahan na lamang si Rey sa pinagdadaanan nito.
Sa huli, napagtanto niya na hindi kailanman ikakaangat ng sino man ang pagbaba ng ibang tao dahil kung gusto niyang mapansin sa opisina ay kailangan niyang magtrabaho nang mahusay at hindi ang manghalukay ng buhay ng iba.
Sa awa ng Diyos, makalipas ang halos anim na buwan ay pinagpalang mabuntis ang misis ni Rey. Simula noon ay mas naging malapit si Jonathan sa lalaki at nagpaturo siya ng mga teknik kung paano siya makakabenta nang marami.

