
Istratehiya Niya ang Pang-aaway sa Katunggali sa Paligsahan Upang Panghinaan ito ng Loob; Ngunit Bakit Tila Hindi ito Apektado?
Final round na ng isa sa pinakamalaking paligsahan sa pagguhit sa kanilang lugar. Parte ito ng paglalaban-laban ng iba’t ibang eskwelahan sa kanilang distrito sa iba’t ibang larangan.
Dadalawa na lamang silang kalahok. Sila ang natira sa pinakamagagaling na gumuhit sa naganap na paligsahan, ngunit alam ni Steph sa kaniyang sarili na mas angat sa kaniya ang kalabang si Mia. Base iyon sa nakikita niyang reaksyon ng mga judges sa tuwing makikita nila ang gawa ng huli.
Dahil doon ay hindi mapigilan ni Steph na magngitngit sa kaniyang kinauupuan. Hindi siya maaaring matalo, dahil may usapan sila ng kaniyang ama na kapag hindi niya naipanalo ang contest na ito ay hindi nito bibilhin ang hinihingi niyang pinakabagong bersyon ng isang uri ng high tech na selpon.
Imbes tuloy na pagtuunan ni Steph ng pansin ang contest ay mas nag-iisip na siya ngayon ng paraan kung paano tatalunin ang kalaban. Gusto niyang alisan ito ng tiwala sa sarili para masira ang emosyon nito at nang hindi ito makalaban nang maayos mamaya.
Ilang sandali pa ang lumipas at maya-maya pa ay nakaisip na si Steph ng paraan—na bagaman alam niyang marumi ay gagawin niya pa rin alang-alang sa kaniyang luho.
Nilapitan niya ang kalabang si Mia na noon ay kasama niyang nakaupo at naghihintay sa isang silid. Tumingala naman ito sa kaniya at ngumiti, ngunit imbes ay tinaasan niya lamang ito ng kilay.
“Alam mo, kung ako sa ’yo, magpapatalo na lang ako. Wala ka namang kalaban-laban sa akin,” nakangisi pang aniya. Nakita naman niyang biglang napakunot ang noo ng kausap dahil doon. “Nakita ko ’yong mga gawa mo. Puro mga walang kwenta. Siguro, umabot ka lang sa round na ito dahil naaawa sa ’yo ’yong mga judges. Balita ko kasi, sa squater’s area kayo nakatira,” dagdag pa niya.
Hinintay niyang tumugon ang kaniyang katunggali ngunit ilang sandali na ang lumipas ay hindi pa rin ito sumasagot. Bagkus ay matamang nakatingin lang ito sa kaniya.
“O, hindi ka ba makasagot dahil tama ang mga sinasabi ko? Siguro, kahit ikaw, alam mo sa sarili mo na hindi ka magaling, ano? Wala kang kwenta, kaya sumuko ka na at huwag mo nang pahirapan ang sarili mo,” muli ay pagpapatuloy ni Steph sa kaniyang maruming istratehiya.
Nanatiling tahimik at walang imik si Mia sa mga sinasabi niya. Animo hindi ito nakikinig. Bagkus, nang tawagin na sila ng isa sa mga organizer ng event para sabihing mag-uumpisa na ang kanilang laban ay tinapik pa nito ang kaniyang balikat at siya ay nginitian nang pagkatamis-tamis, na para bang hindi niya ito ininsulto kani-kanina lang!
Gigil na gigil naman si Steph. Pakiramdam niya ay nagsayang lamang siya ng laway. Tila hindi naman apektado ang kaniyang katunggali sa mga salitang binitawan niya!
Tuloy, imbes na ito ang panghinaan ng loob, ngayon ay siya na ang wala sa huwisyo! Iritableng-iritable siya ngayon kaya ni hindi siya makapag-isip ng iguguhit na tugma sa ibinigay sa kanilang tema. Lalo lamang tuloy siyang naburyong at kung anu-ano na lamang ang naisip niyang iguhit sa kaniyang papel.
Samantalang si Mia, hayun at nakangiti pa habang gumagawa ng obra maestra!
Bagsak ang balikat ni Steph nang tumunog ang alarm na indikasyong tapos na ang oras na palugit para sa kanila. Alam niyang hindi kagandahan ang kaniyang naiguhit at ni walang kahit anong espesyal dito dahil binuo ito ng masamang kaisipan at pagngingitngit.
Katulad ng inaasahan ay talagang nakakuha ng napakaraming papuri ang gawa ni Mia mula sa mga hurado. Nakakuha rin ito ng mataas na marka! Samantalang sa gawa ni Steph ay marami silang pinuna. Mababa rin ang ibinigay nilang marka rito. Sa huli, si Mia pa rin ang itinanghal bilang panalo.
“Ang award na ito ay igagawad namin sa butihing mag-aaral na si Mia Lorenzana, para sa kaniyang angking galing na ipinamalas sa paligsahang ito, sa kabila ng kaniyang kapansanan. Si Mia ay mula sa Special Education Class ng Paaralan ng San Agustin, dahil si Mia po ay isang deaf o bingi. Palakpakan po natin ang ating kampeyon!”
Matapos sabihin iyon ng announcer ay gulat na gulat si Steph sa narinig. Kaya pala hindi naaapektuhan sa mga sinasabi niya kanina si Mia ay dahil isa itong bingi! Hindi nito naririnig ang kaniyang mga pangungutya kaya naman nakapag-focus ito sa kanilang laban! Samantalang siya, hinayaan niyang kainin siya ng ngitngit at panghihinayang sa kaniyang luho na lalong nagpatalo sa kaniya. Ngayon ay pinagsisisihan niya ang kaniyang ginawa. Isang malaking aral sa kaniya ang nangyari ngayon dahil kahit na gumamit na siya ng maruming taktika ay hindi pa rin siya nanalo. Karma pa ang inabot niya dahil agad na bumalik sa kaniya ang kaniyang ginawa!