Hinamon ng Taxi Drayber ang Nakairingang Jeepney Drayber sa Daan; Pagsisisihan Niya pala ang Kaniyang Kayabangan
Tirik na tirik na nga ang araw ay sinabayan pa iyon ng mabigat na daloy ng trapiko. Mainit tuloy ang ulo ng taxi drayber na si Mang Teryo at panay na ang pindot niya sa busina ng kaniyang minamaneho. Paano kasi’y may tama rin siya ng alak dahil kanina ay napatagay siya ng ilan sa kaniyang kumpare nang mapadaan siya roon.
Kanina pa kumakalam ang kaniyang sikmura ngunit hindi pa siya makapananghalian dahil kasalukuyan pa siyang may pasahero. Bukod doon ay nasa gitna pa rin sila ng daan.
“Bwisit naman, o!” Kanina pa napapamura si Mang Teryo. Bubulong-bulong siyang parang bubuyog sa kaniyang kinauupuan dahil sa sobrang pagkairita. “’Langhiya namang buhay ’to!”
Nasa ganoong sitwasyon na nga siya, nang maya-maya ay bigla na lang sumingit sa daan ang isang pampasaherong jeep na agad naman niyang binusinahan upang sitahin!
“Aba, ayos ’to, a! Parang walang naririnig!” galit na anas niya sa kaniyang sarili nang tuloy-tuloy pa rin sa pagharurot ang drayber ng jeep.
Bumaba si Mang Teroy sa kaniyang taxi upang puntahan ang jeepney drayber nang makita niyang sa wakas ay huminto ito. Nakita niya pa ngang tarantang bumaba mula roon ang isang lalaking pasahero habang akay-akay ang kaniyang buntis na asawa, na mukhang manganganak na, upang isakay iyon sa isang traysikel, dahil hindi na talaga makalusot sa trapiko ang jeep.
Ngunit binalewala ni Mang Teroy ang nakita. Nagbulagbulagan siya at nagkunwaring hindi alam na may emergency kanina sa loob ng jeep kaya humaharurot ito. Talaga kasing gustong hamunin ni Mang Teroy ang drayber ng naturang sasakyan dahil sa kaniyang init ng ulo.
“Hoy, pare! Ano’ng problema mo’t hinaharurutan mo kami? Hindi mo ba alam na bawal ’yang ginagawa mo?! Nakita mo nang traffic, dadagdagan mo pa?!” malakas na pagbubunganga niya nang marating niya ang tabi ng pwesto ng jeepney drayber na agad namang nagulat sa inasta niya.
“Naku, pasensya ka na, pare. May emergency lang kasi kanina. ’Yong pasahero ko, manganganak—”
“Wala akong pakialam! Magdadahilan ka pa. Basta mali ka, tapos ang usapan!” ngunit pamumutol niya sa pagpapaliwanag ng kausap. Bukod doon ay nagmura din siya nang malutong upang magpakita ng kaangasan sa jeepney drayber dahil napansin niyang mukhang hindi naman ito papalag. ’Di hamak kasing mas maliit ito sa kaniya at mukhang bata-bata pa ang edad.
“Pare, huwag ka namang ganiyan. Nakikipag-usap naman ako nang maayos,” mahinahon pa ring saway nito sa kaniya.
“Anong usap-usap nang maayos? Huwag mo akong turuan ng gagawin, ha? Baka gusto mong bangasan ko ’yang mukha mo?!” ngunit patuloy pa ring pag-aangas niya. “Ano, ha? Halika rito, bumaba ka r’yan!”
Mukha namang uminit na rin ang ulo ng jeepney drayber ngunit patuloy pa rin nitong kinakalma ang sarili. Iiling-iling na lamang nitong ibinaling ang atensyon sa daan.
“Harapin mo ako kapag kinakausap kita! Bastos ka, a!” biglang sigaw muli ni Mang Teroy sabay batok nang malakas sa kawawang jeepney drayber!
Doon ay napuno na ito. Kitang-kita ng mga pasahero ang biglang pamumula ng nasabing jeepney drayber sa inis.
“Sumosobra ka na, pare, kanina ka pa!” sabi nito bago bumaba sa kaniyang minamanehong jeep at mabilis na inundayan ng suntok sa mukha ang mayabang na taxi drayber!
Hindi inaasahan ni Mang Teroy na gagawin ’yon ng nakairingan kaya naman talagang saktong-sakto ang pagkakatama n’on sa kaniyang mukha! Nahilo siya nang matindi at agad na bumagsak sa sementadong kalsada sa isang bira pa lang nito!
Hindi na nakaumang pa si Mang Teroy, dahil hindi pa nga siya nakakabawi mula sa pagkahilo ay hayan na naman ang animo lumilipad na paa ng kaniyang kalaban! Tumama iyon sa kaniyang sikmura na talagang nagpaubo sa kaniya nang matindi!
Napasigaw sa sakit si Mang Teroy. Hindi alam kung paano papalag sa kanina ay inaangasan niyang jeepney drayber!
“Tama na! Tama na! Ayoko na!” paulit-ulit pang pakiusap niya nang hindi na niya makayanan.
Mabuti na lamang at tila natauhan ang kaniyang kalaban nang makitang namamaga na ang kaniyang mukha. Tinulungan pa siya nitong tumayo at ito na rin mismo ang nagdala sa kanilang dalawa sa pinakamapit na presinto.
Doon na rin ginamit ang mga natamong sugat ni Mang Teroy, ngunit mas kalaunan ay nalaman ng mga awtoridad na nasa impluwensya siya ng alak, kaya naman mas mabigat ang kaniyang naging asunto. Sising-sisi si Mang Teroy nang siya’y mahimasmasan. Sana’y hindi na lang niya pinairal ang kaniyang init ng ulo. ‘Yan tuloy, ngayon ay siya pa ang may mas malalang kaso, gayong siya rin ang nagulpi. Magsisilbi itong isang malaking leksyon sa kaniya, simula ngayon.