Nagpanggap na Pulis ang Lalaki Upang Mag-angas-angasan sa Lugar; Hindi Niya Akalaing Mabubuking Siya sa Kaniyang Kalokohan
Nagkayayaan sina Tom at ang kaniyang mga kabarkada na mag-road trip sila, sakay ng kanilang mga motorsiklo, sa isang malapit na memorial park sa kanilang lugar. Ngunit nang dumating sila roon ay hindi nila inaasahang marami palang mga taong nag-eehersisyo sa naturang lugar. May mga kabataang nagja-jogging, mga may edad nang nagzu-Zumba at yoga at ilang mga batang nagbibisikleta kasama ng kanilang mga magulang.
Napailing si Tom. “Putsa! Minsan na nga lang tayo magkayayaan ay ganito pa ang aabutan natin!” aniya sa kaniyang mga kabarkada. Bakas ang pagkairita sa kaniyang mukha matapos tapunan ng masamang tingin ang mga taong nag-eehersisyo sa lugar.
“S’ya, hayaan mo na, pare. Tayo na’t bumalik. Sa susunod na lang ulit tayo pumunta rito,” sabi naman ng isa sa mga ito. Maganda kasi sa lugar na ’yon. Mapuno at maaliwalas kaya masarap magmotorsiklo lalo pa at pare-pareho pa lamang silang nag-uumpisa pa lamang na matutong magmaneho ng motorsiklo.
Ngunit agad na tumutol si Tom sa sinabi ng kaibigan. “Hindi!” aniya. “Ako’ng bahala sa mga ’yan. Hintayin n’yo lang ako rito,” sabi niya pa.
“Bakit, pare, ano’ng gagawin mo? Huwag na. Sila naman ang nauna rito, e,” tangkang pagpigil pa sa kaniya ng isa sa kaniyang kaibigan, ngunit talagang buo ang loob ni Tom na ituloy ang kaniyang plano upang makapagpasikat sa kaniyang mga kabarkada.
Tinalikuran niya ang mga ito at nilapitan ang mga taong nag-eehersisyo sa lugar. “Hoy, kayong lahat!” maangas na tawag niya sa kanilang pansin. “Magsialis na kayo rito. Kami naman. Magmomotorsiklo kami. Istorbo kayo sa daraanan namin!” walang galang pang dagdag niya na ikinabigla maging ang kaniyang mga kaibigan.
“Aba, bakit mo kami paaalisin, e, pampubliko namang lugar ito?” may isang nagtangkang mangatuwiran sa kaniya. Marahas itong nilingon ni Tom at agad na dinuro.
“Huwag mo akong sasagut-sagutin nang ganiyan, ha! Baka hindi mo ako kilala? Pulis ako!” bigla’y sabi pa niya. Nanlaki naman ang mga mata ng ibang taong naroon at unti-unting nagsilayo. Ang iba ay nagpasya nang umuwi, lalo na ’yong may mga kasamang bata.
Ang buong akala ni Tom ay nasindak na niya ang lahat ng naroon ngunit bigla siyang nilapitan ng isang lalaki. “Pulis ka kamo? Ano’ng ranggo mo?” seryosong tanong nito sa kaniya.
“Bakit mo inaalam? Baka gusto mong hulihin kita ngayon para patunayan sa ’yo?” ngunit maangas pa ring sagot niya.
“Wala ka namang ikakaso sa akin. Nagtatanong ako dahil pulis din ako at inaabuso mo ’yang pagiging pulis mo—kung totoo ngang pulis ka.” Inilabas pa ng lalaki ang kaniyang tsapa at ipinakita iyon sa kaniya.
Bigla namang pinagpawisan nang malamig si Tom sa narinig. Tila umurong ang kaniyang dila. Ang kaniyang mga kabarkada naman ay agad na napailing at napaatras dahil sa takot na baka madamay sila sa kalokohan niya.
“’Yan na nga ba ang sinasabi ko! Napakayabang mo kasing k*pal ka! Bahala ka sa buhay mo!” anang isa sa mga kasama niya na kanina ay nananaway sa kaniya. “Sir, kasama ho namin ’yan, pero hindi po namin alam na ganiyan pala ang gagawin niya rito. Nabigla lang din ho kami. Hindi po pulis ’yan. Patola ho,” baling pa nito sa pulis na ngayon ay sinisimulan nang magtawag ng tropa.
“H-huwag n’yo akong iwan—” akmang pakiusap ni Tom sa kaniyang mga kabarkada, ngunit nagsimula nang maglayuan ang mga ito sa kaniya. Sunod naman niyang binalingan ang pulis na ngayon ay hawak na siya sa kamay upang hindi siya makatakas “Sir, pasensya na ho… n-nagbibiro lang naman ho ako, e!” mangiyak-ngiyak pang sabi niya.
“Anong biro? Ang biro, nakakatawa, ha? Pero ’yong ginawa mo, hindi. Kaya sumama ka sa akin sa presinto at doon ka na magpaliwanag!” sagot pa nito. Eksaktong dumating naman ang mga pulis na tinawagan nito para isama na siya sa presinto matapos nilang sabihin sa kaniya kung ano ang kaniyang kaso… walang iba kundi Usurpation of Authority o ang paggamit, pagpapanggap at pag-akto ng gawain ng isang awtoridad.
Ngayon ay sa likod tuloy ng rehas ang bagsak ni Tom dahil sa kaniyang kayabangan. Hindi niya kasi inaasahan na matitiyempuhan niya ang isang tunay na pulis dahil sa kaniyang pagpapanggap. Binigyan niya pa ng problema ngayon ang kaniyang sarili.
Ni wala ring inasahang kahit na anong tulong si Tom sa kaniyang mga kabarkada dahil maging sila ay hindi rin sang-ayon sa kaniyang ginawa. Isang leksyon ang nais nilang matutunan niya at sigurado silang ngayon ay magtatanda siya.