Inday TrendingInday Trending
Ipinangako ng Lalaki na Hindi Niya Magugustuhan ang Pangit na Kaklase Ngunit tila Kinain Niya ang Sariling Salita; Totoo Kayang Ginayuma Siya Nito?

Ipinangako ng Lalaki na Hindi Niya Magugustuhan ang Pangit na Kaklase Ngunit tila Kinain Niya ang Sariling Salita; Totoo Kayang Ginayuma Siya Nito?

“O, bakit nakabusangot ang mukha mo r’yan, pare?” namimilosopong tanong sa kaniya ng kaibigang si Ed nang mamataan siya nito sa canteen habang mag-isang kumakain. Sa likod nito ay ang iba pa nilang kaibigang pawang mga nang-aasar ang ngising nakasilay sa labi.

“Tigilan n’yo ako, mga loko. Hindi maganda ang timpla ko ngayon. Baka mabigwasan ko kayo isa-isa!” kunot ang noong banta naman niya sa kanila.

“Aba, bakit naman? Dahil ba naging kapareha mo ang pinakamatalino, pero pinakapangit na estudyante rito sa eskwelahan natin?” muli ay hirit pa ni Ed na agad pang sinundan ng malakas na hagalpakan ng kaniyang mga kaibigang malalakas mambuska!

Lalo namang napabusangot si Roldan. Talagang hindi niya nagugustuhan ang pang-aasar na ginagawa ng mga ito sa kaniya. Isipin pa lang kasi niya na makakasama niya nang buong semestre si Kalila ay parang nasusuka na siya! Bakit ba kasi siya pa ang naipareha sa pangit na ’yon?

“Huwag ka nang mainis d’yan, pare. Pagtiyagaan mo na lang. Hindi lang talaga maganda ’yong si Kalila, pero bawing-bawi ka naman sa talino,” maya-maya ay payo naman sa kaniya ni Ed. Sa wakas ay may maganda rin itong nasabi—na agad din naman nitong binawi. “Huwag ka lang din maiinlab, ha? Baka mamaya, tablan ka ng gayuma n’on, e!” hirit pa nito sabay hagalpak ulit nang tawa.

“Hinding-hindi ako magkakagusto sa isang ’yon! Pangako ko ’yan. Yak!” komento naman niya na lalo pa nilang ikinatawa.

Nang mag-umpisa na ang proyektong pagtutulungan nila ni Kalila sa buong semestre ay napilitan na lamang si Roldan na pakisamahan ang dalaga. Pansin niyang maging ito ay ilang din sa kaniya kaya naman siya na ang kusang nagsisimula ng pag-uusap.

Totoo nga ang bali-balitang napakatalino ni Kalila. Halos maning-mani lamang sa dalagang gawin ang mahihirap na parte ng kanilang proyekto kaya naman halos lahat ng napuntang gawain kay Roldan ay iyong madadali lamang. Bukod kasi sa pagiging matalino nito ay nakita rin niya ang iba pang natatagong katangian ni Kalila. Mabait ito, talentado at masayahin. Bukod pa roon ay maunawain din ito, kaya naman hindi nahirapan si Roldan na makagaanan ito ng loob.

Naging magkaibigan sina Roldan at Kalila, na kalaunan ay naging mas malapit pa sa isa’t isa. Hanggang sa hindi na namamalayan ni Roldan na hinahanap-hanap na niya ang presensya ni Kalila saan man siya magpunta. Tila ba kulang ang kaniyang araw kapag hindi niya nakikita ang dalaga. Hindi niya maintindihan ang sarili pero, pakiramdam niya ay mababaliw siya sa tuwing maghihiwalay na sila ng landas. Kahit sa gabi, bago siya matulog ay ito ang laman ng kaniyang isip kaya naman madalas ay laman din ito ng kaniyang panaginip.

“Naku, pare, baka naman inlab ka na talaga d’yan kay Kalila-pangit? Hindi kaya ginayuma ka na n’on?” isang beses ay kantiyaw muli sa kaniya ng isa sa kanilang mga kaibigan. Tila nagpantig ang tainga ni Roldan sa narinig kaya nakatikim ito sa kaniya ng isang malakas na sapak!

Alam ni Roldan na hindi dahil sa pangangantiyaw nito kaya siya napikon, kundi dahil sa pagtawag nito kay Kalila ng pangit! Kaya naman matapos ang pangyayaring iyon ay pinuntahan niya ang dalaga at agad na tinanong…

“Kalila, ano’ng ginawa mo sa akin?!” Hinawakan niya pa sa balikat ang dalaga. “Bakit baliw na baliw na ako sa ’yo? Bakit hindi kita maialis sa isip ko? Ginayuma mo ba ako?!”

Ngunit imbes na sagot ay isang malakas na sampal ang itinugon sa kaniya ni Kalila. “Alam kong pangit ako, Roldan, pero hindi ako gan’on kadesperada para gayumahin ka!” umiiyak pang sabi nito sa kaniya bago siya nito tumatakbong iniwan.

Tila naman natauhan si Roldan sa sinabing iyon ni Kalila. Nakaramdam siya ng kirot sa kaniyang dibdib nang makita ang luhang tumutulo mula sa mga mata nito at naiinis siya sa sarili dahil alam niyang siya ang may gawa n’on!

Ngayon ay sigurado na siyang hindi siya ginayuma ni Kalila dahil hindi na nito kailangang gawin ’yon para paibigin siya. Minahal kasi niya ang magandang kalooban nito kaya natanggap niya ang buo nitong pagkatao!

Agad na hinabol ni Roldan si Kalila upang humingi ng tawad sa kaniyang nasabi. Nang maabutan niyang umiiyak ito habang naglalakad ay agad niyang tinakbo ang pwesto nito at niyakap nang mahigpit ang dalaga.

Humingi ng tawad si Roldan kay Kalila at noon ay nagpasyang ligawan ito. Wala na siyang pakialam sa sasabihin ng iba, dahil talagang tinamaan siya nang matindi. Talagang kahit anong iwas pala ang gawin niya ay hindi niya matatakasan ang pagtibok ng puso dahil ’di tulad ng mga mata’y hindi ito nanghuhusga. Ngayon, kailangan na lamang patunayan ni Roldan ang kaniyang damdamin sa dalaga upang kalaunan ay makuha niya ang matamis nitong oo.

Advertisement