
Inis at Nagtatampo ang Tiyahin ng OFW nang sa Pag-Uwi Nito’y Wala man Lang Dalang Pasalubong; Nahawaan Daw Ito ng Pagkakuripot ng Misis
“Mahal, anong gusto mong bilhin ko rito? Isang linggo na lang at uuwi na ako d’yan sa ‘Pinas. Baka may gusto kayong ipabili sa’kin ng mga bata,” ani Fernan sa asawa.
“Mahal, huwag na. Ayos lang kami kahit wala kang dalang pasalubong. Kung may mga kailangan naman ay pwede naman tayong bumili rito. Huwag ka nang gumastos d’yan. Mas nasasabik kaming makasama ka ulit, kaysa d’yan sa pasalubong mo,” ani Cheska.
Dalawang taon din ang lumipas mula noong umalis ang asawa patungong ibang bansa para magtrabaho bilang isang Cook sa isang malaki at kilalang hotel sa California. Limang taong gulang pa lang ang bunso nilang anak noon. Tanging video call ang naging paraan upang kahit papaano’y magkausap silang magpapamilya.
Binata pa lang si Fernan ay sa ibang bansa na ito nagtatrabaho. Ugali na talaga nito ang bumili at magdala ng pasalubong para sa mga mahal na naiwan dito sa ‘Pinas. Ngunit mula noong ikinasal na sila’y dahan-dahan niyang ipinaintindi rito na hindi nito kailangang pahirapan ang sarili at obligahan kung ano ang mga magagandang dadalhin nito bilang pasalubong.
Nagtrabaho sa malayo ang asawa’y palagi niyang sinasabi sa anak na huwag magpanay hingi ang mga ito sa ama. Sapat na ang perang ipinapadala nito sa kanila upang kanilang panggastos. Hindi madali ang buhay sa ibang bansa, kaya huwag ring panay bilin ng pasalubong na malugod namang tinatandaan ng kaniyang tatlong anak.
Sa tuwing nakakausap ng mga ito ang ama’y ang nagiging usapan lamang ay kung ano na ang nangyari sa mga pare-parehong araw nila. Kumusta ang paaralan at kung ano-ano pa, maliban sa panghihingi ng pasalubong.
“Mama, makikilala kaya ako ni papa?” tanong ng kaniyang bunsong si Faye.
“Oo naman anak. Palagi naman kayong nagkikita ni papa sa video call, kaya makikilala ka no’n,” sagot niya sa anak, saka magaang hinalikan sa pisngi.
Narito sila ngayon sa MIA Airport, upang sunduin ang asawang matagal na nawalay sa kanila. Nakangiting sinalubong nila ito ng yakap. Ang lahat ng kasabay nito’y naglalakihang bagahe ang dala, na masasabi ng lahat na galing nga talagang abroad ang mga ito, maliban sa asawa niya. Wala itong ibang dala kung ‘di tanging maleta lamang nito na paglalagyan ng damit. Gaya ng napag-usapan nila’y wala itong dala kahit na anumang pasalubong.
“Grabe naman, Fernan, wala ka man lang talagang dalang pasalubong para sa’min?”
May himig nagtatampong wika ng tiyahin nitong si Tiya Lisa, kasama ang tatlong anak nitong sumugod sa bahay nila nang malamang nandyan na ang kaniyang asawa.
“Naku! Tiya, wala po talaga akong dala. Wala nga po akong pasalubong sa mga anak at asawa ko,” ani Fernan. “Balik na lang po kayo bukas, tiya, magpapaluto po ako ng mga makakain para pagsalu-saluhan nating lahat,” nakangiting dugtong ni Fernan.
Hindi pinansin ang pagbubusangot ng tiyahin.
“Hmm! Napasugod pa naman ako rito kasi akala ko kahit sabon galing sa ibang bansa makakahingi ako sa’yo,” ismid nito.
Pinipigilan lamang ni Cheska na pagsabihan ang tiyahin ng asawa.
“Hala! Sige na. Welcome back, pero grabe naman sa kuripot mo ngayon, Fernan. Nahawa ka na talaga d’yan sa asawa mo,” pasaring nito sabay tingin kay Cheska at irap. “Baka naman bukas, titipirin mo pa rin kami ah. Ikaw lang ang galing abroad na wala man lang kadala-dalang pasalubong. Iba talaga kapag hindi marunong makisama ang asawa!” mahinahon ngunit may riin ang bawat salita ng ginang.
Isang manipis na ngiti lamang ang iginuhit ni Cheska sa kaniyang mukha. Isa sa mga nakakalasong ugali ng ilang mga Pinoy na may kamag-anak na nagtatrabaho sa abroad, obligasyon ni OFW na paliguan ang mga kakilala’t kamag-anak ng pasalubong, dahil akala ng mga ito na kapag galing ka sa ibang bansa, mayaman ka na’t maraming pera. Hindi nila naisip kung anong klaseng sakripisyo’t hirap ang ginagawa ng OFW makapag-ipon lang ng pera pauwi ng ‘Pinas.
Kinabukasan ay namili silang buong pamilya ng mga kakailanganin ng kanilang mga anak, at doon lamang bumili si Fernan, ng kunwari’y kaniyang pasalubong sa mga ito. Gaya ng ipinangako ni Fernan sa tiyahin nito’y nagpaluto sila ng limang putaheng ulam, upang imbitahan ang iba pang mga kamag-anak ng asawa na kumain at magtipon-tipon sa bahay nila para sa hapunan.
Masama man ang loob ng mga ito dahil wala man lang silang nakuhang pasalubong kay Fernan, naging masaya na rin ang iilan dahil sa ginawa nilang pagpapakain at pagtitipon na minsan lang mangyari.
Kailanman ay hindi naging madali ang magtrabaho sa ibang bansa. Bukod sa pagod ay mas kalaban mo ang pangungulila mo sa mga mahal mo sa buhay na naiwan sa ‘Pinas. Kung mayroon man silang maibigay, magpasalamat. Kung wala naman ay huwag mamilit at magpasalamat pa rin dahil nakabalik itong ligtas at nakangiti.