
Hindi Raw Marunong Gumalang at Walang Respeto sa Kapwa ang Dalaga Dahil sa Pagsagot Nito sa Dalawang Kamag-Anak; Paniwalaan Kaya Sila ng Ibang Tao?
Pagod at nahahapong naglakad si Jeraldine pauwi sa bahay nila. Kaysa mamasahe sa traysikel ay mas pinipili na lamang niyang maglakad papunta sa mismong gate ng bahay nila. Magkano na rin kasi ang bayad niya sa bus, kwarenta’y singko, tapos sa traysikel ay bente naman. Para mas makatipid, maglalakad na lamang siya.
Ilang kilometro pa lang siya sa mismong bahay nila ay rinig na rinig na niya ang sigawan mula sa kanila. Kilala niya ang boses na iyon, ang Tito Bernie at si Tita Nessy, ang dalawang kapatid ng namayapang ama.
Ano na naman ba ang ginagawa ng dalawa sa bahay nila? Naparito na naman siguro ang dalawa upang palayasin ang kaniyang ina. At ipamukha sa kanila nang paulit-ulit na wala silang karapatan sa kung ano man ang natatamasa nila ngayon sa buhay.
Nagmadali siyang maglakad at hindi inintindi ang pagod na kani-kanina lang ay naramdaman.
“Matagal nang p@tay si Kuya Nestor, kaya matagal ka na rin dapat na umalis sa bahay na ito, Jamie! Ang kapal ng mukha mong ipagsiksikan ang sarili mo sa bahay na hindi naman sa’yo! Bahay namin ito! Dito na kami nakatira kahit noong mga bata pa kami, at ngayong wala na ang kuya, dapat ibalik na ninyo ito sa’min!” malakas na sigaw ni Nessy, ang bunsong kapatid ng kaniyang ama.
“P-pero paano naman kami ng lima kong mga anak, Nessy? Saan kami titira kung aalis kami rito? Ito na nga lang ang iniwan sa’min ni Nestor, dahil kayo ang nakinabang sa mga benipisyo niya, na hindi namin alam kung paano niyong ginawa. Hindi na ako nagsalita, hindi kami nanggulo ng mga anak ko. Hinayaan namin kayo, tapos pati ba naman itong bahay, aangkinin niyo!” mangiyak-ngiyak na wika ni Jamie.
Iyon ang naabutan niyang tagpo kaya lubusang tumaas ang inis at sungay niya sa mga kapatid ng ama. Agad siyang lumapit sa ina at hinarap ang dalawa.
“Kulang pa ba ang nakuha niyo sa tatay ko? Bakit pati itong bahay pinagdidiskitahan niyo na naman?! Naibenta niyo na ba lahat kaya naghahanap na naman kayo ng pagkakaperahan? Mga mukhang pera!” galit na wika ni Jeraldine.
Ang galit na mukha ng dalawa’y mas lalong lumala dahil sa sinabi niya.
“Tingnan mo, Jamie! Nagmana sa’yo itong mga anak mo, bastos!” galit na wika ni Bernie.
“Dahil binabastos niyo ang nanay ko!”
Akmang sasampalin siya nito na agad ding pinigilan ni Nessy.
“Una sa lahat bastos kong pamangkin, walang karapatan ang nanay mo sa kung ano man ang naiwan ng kapatid ko. Dahil itong bahay na ito, pag-aari ito ng mga magulang namin. Kaya nararapat lang na kunin namin kung ano ang sa’min!” ani Nessy.
“Ang kakapal din naman ng mga mukha niyo!” inis niyang wika. Buong tapang na hinarap ang dalawa.
Agad na nagsitaasan ang kilay ng dalawa sa sinabi niya. Ito ang unang beses na sinagot at hinarap niya ang dalawang kapatid ng ama na gahaman sa pera. Noon kasi’y palagi siyang pinipigilan ng ina at sinasabing kahit anong mangyari’y tiyahin at tiyuhin niya pa rin ang dalawa kaya dapat lang na magbigay siya ng respeto.
“Baka nakakalimutan niyong may anak ang tatay ko! Lima kami kung nakakalimutan niyo dahil sa pagiging gahaman niyo sa pera. No’ng inangkin niyo ang dapat na sa’min ay hinayaan namin kayo. Kaya naman namin mabuhay kahit wala ang pensyon ni papa. Pero pati ba naman itong bahay na minana ni papa sa mga magulang niyo, aangkinin niyo na rin! Grabe naman sa kapal ng mga mukha!”
“Jeraldine! Baka nakakalimutan mo kung sino ang kinakausap mo ngayon!” galit na banta ng tiyuhin.
“Malinaw sa isip ko na kapatid kayo ng tatay ko!” sagot niya. “Pero malinaw rin sa isip ko kung anong ginagawa niyo sa nanay ko at sa’ming mga anak ng kapatid niyo!” galit niyang singhal.
“Kahit kailan talaga’y bastos ka at walang-modo!” ani Nessy.
“Kung kayo lang din naman, tita, ay mas okay na sa’king matawag na walang-modo!” matigas niyang tugon.
Sa inis ng dalawa’y bago ito umalis ay nagbantang gagawin ang lahat mapaalis lamang sila sa bahay na iyon. Ipinakita naman ni Jeraldine na hindi siya takot sa banta ng dalawa. Ang bahay na iyon ay minana ng ama sa mga magulang nito. Bago namayapa ang dalawang matanda ay pinamanahan nito ang tatlong anak ng kaniya-kaniyang yaman na hindi man kalakihan ay sapat upang maging matiwasay ang buhay ng mga ito.
Ngunit sa hindi malamang dahilan ay isa-isang naibenta nina Nessy at Bernie ang mga parte nito. Ang naiwan na lamang ay ang malaking bahay na pag-aari ng mga magulang nito na sa tatay nila ipinamana. Kaya nais ng dalawang makuha ang bahay na iyon, dahil pag-aari naman daw iyon ng mga magulang nila.
“Jeraldine, ipinapatawag kayo ng tiyahin mong si Nessy, sa barangay ngayong biyernes,” ani Kagawad Sarah. “Alam mo ba ang sabi niya mga bastos daw kayong magkakapatid. Mga walang galang sa matatanda. Burara daw ang nanay mo, dahil hindi daw kayo napalaking may takot sa Diyos at marunong gumalang sa kapwa.”
Hindi mapigilan ni Jeraldine ang pagtaas ng kilay sa sinabi ng kagawad. “Gano’n po ba, kagawad? Hayaan niyo na lang po siya. Pasensya na rin po sa istorbo. Hayaan niyo po, darating kaming lahat sa tanggapan ng barangay ngayong biyernes.”
“Kaya nga ako nagtataka, Jeraldine. Ang tagal ko na kayong kapitbahay, kahit noong bago pa lang iyang mag-asawa ang mama mo saka ang tatay mo. Dito na rin kayo lumaki, pero kailanman hindi ko kayo nakitang may nakaaway rito sa lugar natin. Humahanga pa nga ako sa nanay mo kasi kahit noong wala na ang tatay niyo, napalaki niya pa rin kayo ng maayos, mabait at magalang. Kaya nagtataka ako.”
“Ayon nga po kasi sa kasabihan kagawad, respect is not a one way street. Kung karespe-respeto ang isang tao, bakit mo siya babastusin, hindi po ba?” ani Jeraldine.
“Tama ka doon, hija. Pero s’ya sige na’t may kailangan pa akong asikasuhin. Aasahan ko kayo nitong darating na biyernes ah,” anito saka nagpaalam.
Ang tao nga naman talaga. Kung ‘di ka nila kayang kontrolin sa gusto nilang iasal mo sa kanila. Kokontrolin nila kung paano ka titingnan ng ibang tao. Nais ng tiyahin niyang maging masama sila sa mga mata ng kapitbahay nila, upang magkaroon sila ng kakampi.
Ngunit alam mismo ng mga kapitbahay nila kung sino ang nagpapanggap lamang— at hindi sila iyon. Hindi nila nirespeto ang ina niya, bakit niya ibibigay ang respeto niya sa dalawa? Kahit na ba kapatid pa ito ng kaniyang ama.
Sabi nga ng iba, ang ahas minsan ay wala sa bundok, o gubat, kung ‘di nand’yan lamang sa tabi mo, nakangiti at bumabati. Minsan nagkakatawang tao bilang iyong pamilya, kamag-anak at kaibigan. Huwag magdalawang-isip na putulin ang anumang ugnayan kung nararamdaman mong hindi ka na nila nirerespeto.
Kung hindi nila kayang respetuhin ang mga mahal mo sa buhay, bakit mo sila rerespetuhin? Ang respeto ay nanggagaling mismo sa’yo— kung nagpapakita ka ng respeto sa’yong kapwa, matatanggap mo iyan pabalik na hindi mo na kailangang hilingin.