Inday TrendingInday Trending
Halos Mawalan na ng Pag-asa ang Padre de Pamilya na Ito; Ano ang Magpapabago sa Pananaw Niya?

Halos Mawalan na ng Pag-asa ang Padre de Pamilya na Ito; Ano ang Magpapabago sa Pananaw Niya?

Matamlay na umuwi ng bahay si Ricardo. Sa hindi na niya mabilang na pagkakataon ay umuwi na naman siya nang bigo at luhaan.

Apat na buwan na rin ang lumipas simula noong mawalan siya ng trabaho. Wala siyang tigil sa paghahanap ng bagong trabaho sa nakalipas na rin na apat na buwan, ngunit parati siyang bigo.

Unti-unti na siyang nawawalan ng gana at pag-asa.

Mula sa pagmumuni-muni ay napapitlag siya nang marinig ang ingay mula sa kanilang kapitbahay na nag-aaway na naman. Narinig niya rin ang pag-iyak ng anak ng mag-asawa.

“Celso, ano ka ba naman! Magbanat ka naman ng buto!” rinig niyang sigaw ni Alice.

“Tigilan mo ako sa kakadakdak mo, ha! Magsaing ka na nang makakain na tayo!” bulyaw naman ng asawa nitong si Celso.

Napailing na lamang si Ricardo. Mukhang gaya niya ay problemado rin ang kanilang mga kapitbahay.

“Papa, nandito na kami!”

May ngiting sumilay sa labi niya nang marinig ang matinis na boses ng nag-iisang anak na si Joel.

Sa likod nito ay nakita niya rin ang kaniyang misis na si Erika. Halata sa mukha nito ang kapaguran, ngunit gaya ng dati ay may nakahanda pa rin itong isang malapad na ngiti para sa kaniya.

“Mahal, kumusta?” marahan nitong tanong.

Malungkot siyang umiling sa asawa.

Tila nais niyang maluha nang maalala ang sitwasyon nilang mag-anak. Simula kasi noong mawalan siya ng trabaho ay si Erika na ang nagtaguyod sa pamilya nila.

Hiyang-hiya na siya sa asawa, lalo pa’t hindi naman iyon ang buhay na ipinangako niya rito. May-kaya ang pamilya ni Erika, at tutol ang mga ito sa pagmamahalan nila. Ngunit siya ang pinili ni Erika, dahilan upang itakwil ito ng sarili nitong pamilya.

Ngayon, ito ang napipilitan na magbanat ng buto para hindi sila magutom. Napilitan itong pumasok bilang isang kasambahay, samantalang nasanay ito sa maalwang buhay at pinagsisilbihan.

Simple lang ang pamumuhay nila, ngunit ni minsan ay hindi niya ito naringgan ng kahit na anong reklamo.

Hindi rin lingid sa kaalaman niya na miss na miss na nito ang pamilyang iniwan. May mga gabi kasi na nahuhuli niya itong umiiyak habang minamasdan ang larawan ng pamilya nito. Ang tanging dahilan lamang nito para hindi bumalik sa mga magulang ay siya na asawa nito.

“Ayos lang ‘yan, mahal. Makakahanap ka rin ng trabaho na para sa’yo. ‘Wag ka lang mawawalan ng pag-asa, mahal. Halika, kumain na kayo,” anito bago siya niyayang kumain.

Nang dumulog siya sa mesa ay nagtaka siya nang makita ang dalawang plato ng kanin at iilang stick ng barbeque na alam niyang nabili nito sa nagtitinda ng ihaw-ihaw sa labas.

“Bakit dalawa lang? Hindi ka kakain?” takang tanong niya kay Erika.

Ngumiti ito at umiling.

“Hindi ako nagugutom. May handaan sa bahay ng amo ko, pinakain nila ako roon. Kumain ka na, alam kong pagod ka sa maghapong pagtatrabaho,” anito bago itinulak palapit sa kaniya ang pagkain.

Subalit tila piniga ang puso ni Ricardo nang marinig ang pagtunog ng sikmura ng asawa. Mukhang nagsinungaling ang asawa niya para makakain siya. Nang lingunin niya ito ay nakita niya na sinusubuan nito ng pagkain ang kanilang anak.

Halos hindi niya malunok ang pagkain. Tila may nakabara sa lalamunan niya. Subalit may isang tanong na naglalaro sa isipan niya—bakit tila kay laki ng isinasakripisyo ni Erika para sa kaniya?

Nang gabing iyon, habang nakahiga ay maraming tanong sa isip ni Ricardo. Hanggang kailan magsasakripisyo ang asawa niya? Hanggang kailan mahihirapan ang anak niya? Mas mabuti ba na tuluyan na lang siyang mawala para makabalik na si Erika sa mga magulang nito at tuluyang maging masaya?

Nasagot ang tanong niya nang muling marinig ang bangayan ng mag-asawa nilang kapitbahay.

“Lumayas ka na rito, Celso! Ikaw ang pabigat sa buhay namin! Palamunin ka lang naman dito, umalis ka na, para naman gumaan-gaan ang buhay namin!” sigaw ni Alice.

Inasahan niya na sasagot si Celso, ngunit sa kauna-unahang pagkakataon ay nanatili itong tahimik.

Nang mga sandaling iyon ay nabuo ang desisyon ni Ricardo. Hindi man para sa kaniya ang sinabi ni Alice, pakiramdam niya ay pareho sila ng sitwasyon ni Celso.

Mukhang kailangan niya nang maglaho sa buhay ng kaniyang mag-ina upang gumaan-gaan naman ang buhay ng mga ito.

Nang gabing iyon, natulog si Ricardo nang may luha sa kaniyang mga mata ngunit pinal na ang desisyon niya na babago sa buhay ng kaniyang pamilya.

Nang umagang iyon, bago umalis ang kaniyang asawa at anak ay niyakap niya ang mga ito nang mahigpit. Iyon na kasi ang huling pagkakataon na magagawa niya iyon.

“Mahal na mahal kita. Maraming salamat sa hindi mo pagsuko sa atin. Pero ‘wag kang mag-alala, gagaan na ang buhay n’yo,” bulong niya sa asawa.

Kitang-kita niya sa mukha nito ang pagkalito, ngunit hindi naman ito nag-usisa.

Nang makaalis ang kaniyang mag-ina ay kumuha siya ng papel at lapis upang gumawa ng sulat na magpapaliwanag ng kaniyang desisyon. Hilam sa luha ang mga mata ni Ricardo nang matapos siya.

“Sa maintindihan n’yo ang desisyon ko… Ayoko nang maging pabigat…” lumuluhang bulong ng padre de pamilya.

Nang maipatong niya ang sulat sa ibabaw ng kama ay kinuha niya ang isang botelya na naglalaman ng gamot. Iyon ang gagamitin niya upang tuluyan nang magpaalam sa mundo.

Handa na siyang itaktak iyon sa bibig niya at tapusin ang lahat nang makarinig siya ng malalakas na palahaw mula sa kanilang kapitbahay.

“Papa! Papa! ‘Wag ka pong umalis!” wika ng isang bata na nahulaan niyang si Janna, ang anak ng mag-asawang Alice at Celso.

“Celso, saan ka pupunta? Pag-usapan natin ito, hindi mo kailangang umalis!” nanginginig ang tinig na pakiusap naman ni Alice. Wala ang talim sa tinig nito na karaniwan niyang naririnig.

“Hindi na. Pagod na pagod na ako. Ayoko nang maging pabigat sa inyo,” ani Celso.

Maging ang tinig ni Celso ay malumanay. Hindi gaya ng dati na parating nakasigaw. Nasa tinig nito ang matinding pagod at pagsuko sa sitwasyon.

Narinig niya ang paghikbi ni Alice at ng anak nito.

“Ang daya mo naman, eh! Hindi ba’t pamilya tayo? Bakit ka aalis kapag mahirap ang sitwasyon? Sorry sa mga nasabi ko, hindi ko naman sadya ‘yun,” umiiyak na paghingi ng tawad ni Alice.

“Eh paano na ako? Wala akong silbi,” umiiyak na tugon naman ni Celso.

“Hindi totoo na wala kang silbi. May bagay na nakalaan para sa’yo. ‘Wag kang mawalan ng pag-asa, Celso. Habang may buhay, may pag-asa.”

Bago pa mamalayan ni Ricardo ay umiiyak na siya. Nanginginig ang kamay na ihinagis niya ang botelya na may lamang gamot.

Noon niya na napagtanto na walang mabuting magagawa ang pagsuko niya. Tama ang sinabi ni Alice. May pag-asa lang siya na malampasan ang problema kung buhay siya at lumalaban.

Kailangan niyang lumaban lalo pa’t alam niya na kung gaano masasaktan ang kaniyang mag-ina kung sakaling mawala siya.

Noon naman tumunog ang cellphone ni Ricardo.

“Hello?” nanginginig pang bungad niya.

“Kayo ho ba si Sir Ricardo Melendez? Tanggap na ho kayo sa trabaho. Maaari na ho kayong magsimula sa Lunes!” masayang balita ng babae sa kabilang linya.

Sa narinig ay mas lalo siyang napahagulhol. Totoo nga. Habang may buhay, may pag-asa.

“Salamat sa Diyos!”

Nang umuwi ang kaniyang mag-ina nang araw na iyon ay tuwang-tuwang ibinahagi niya sa asawa ang magandang balita.

Maging si Erika ay napaluha sa labis na saya. Si Ricardo ay hindi maampat ang luha. Mabuti na lang pala at hindi siya sumuko!

Alam ni Ricardo na hindi iyon ang huling pagsubok na pagdaraanan nila. Ngunit sa mga darating pang pagsubok ay isang bagay lang ang paniniwalaan niya: habang may buhay ay may pag-asa.

Advertisement