Inday TrendingInday Trending
Nagdamot ang Binatilyo sa Kaniyang Pinsan; Mismong ang Ina Niya ang Nagturo ng Leksyon sa Kaniya

Nagdamot ang Binatilyo sa Kaniyang Pinsan; Mismong ang Ina Niya ang Nagturo ng Leksyon sa Kaniya

Tutok na tutok ang mata ni Michael sa kompyuter. Kasalukuyang siyang nakikipaglaro sa kaniyang mga kaibigan. 

“Michael, nandito ang pinsan mo! Makikipaglaro raw!” narinig niyang sigaw ng kaniyang ina. 

“Mommy! Pauwiin mo na lang si Echo! May mga kalaro na ako e!” iritableng sigaw niya pabalik. 

Nagulat siya nang bumukas ang pinto at sumungaw ang Mommy niya na nandidilat ang mata.

“Mahiya ka sa pinsan mo! Kaya siya narito kasi gusto niyang gumamit ng mga gadget mo. Alam mo naman na wala siya ng mga ganyan, hindi ba?” gigil na saad nito.

Sumusukong tinanggal ni Michael ang suot niyang headset. Alam niya kasing hindi titigil ang Mommy niya hangga’t hindi niya sinusunod ang gusto nito.

Pigil niya ang inis habang pababa ng bahay. Naiinis siya sa pinsan, parati kasi itong nakatambay sa bahay nila, kaya hindi siya makatodo ng laro kasama ang mga kaibigan niya. 

Ayon sa kaniyang ina, iba ang buhay nina Echo sa kanila kaya kailangan niya na maging mapagbigay sa pinsan.

Sinusunod niya naman ito, ang kaso, kung minsan ay hindi niya talaga maiwasang mainis.

“Echo, tara, akyat tayo, laro tayo,” matabang na yaya niya sa pinsan na noon ay katatapos lang kumain ng meriendang hinanda ng kaniyang Mommy.

Agad-agad naman itong tumayo at sabik na sumunod sa kwarto niya. 

Habang naglalaro ang dalawa ay matamlay si Michael, habang si Echo naman ay kitang-kita ang saya at pagkaaliw.

“Bakit ka ba tuwang-tuwa riyan, eh lagi nga tayong talo, kasi hindi ka naman marunong!” yamot na asik niya sa pinsan.

Natahimik naman ito. Tila napahiya.

“Eh masaya ako na maglaro, eh…” anito.

Napabungtong-hininga na lang si Michael sa inis sa pinsan. Kaya naman nang pauwi na ito ay hindi niya maiwasang magbitaw ng salita.

“Ayaw na nga kitang kalaro! Hindi ka naman marunong. ‘Wag ka nang pupunta rito, ha!” mayabang na taboy niya sa pobreng pinsan.

Hindi ito nagsalita. Tumango lamang ito bago walang salita na lumabas ng kaniyang silid.

Ilang saglit lamang ay sumungaw sa kwarto niya ang kaniyang Mommy.

“Anong nangyari? Bakit maagang umuwi si Echo? At bakit parang papaiyak na ang pinsan mo?” taas kilay na tanong nito. 

Noong una ay tikom ang bibig niya. Alam niya kasi na mapapagalitan siya. Ngunit sa huli ay napaamin din siya ng ina.

“Ano? Sinabi mo na ayaw mo nang makipaglaro sa kaniya? Naku, ikaw na bata ka!” tila problemadong saad nito.Natapos ang ilang sandali ay muli itong nagsalita.

“Ibigay mo na kay Echo ‘yung isa mong playstation. Hindi mo naman ginagamit kasi may bago ka,” utos nito.Napapadyak si Michael sa labis na inis.

“Mommy! Ayoko!” matigas na tanggi niya.

“Bakit? Hindi ka naman nagamit!” anito.

“Basta, ‘My. Ayaw ko. Magpabili na lang siya kay Tita Arlene,” nakasimangot na turan niya sa ina.

“Sigurado ka? Hindi mo talaga ibibigay sa pinsan mo?”

“Hindi po,” pinal na sabi niya, bago niya muling itinuon ang atensyon sa paglalaro.

“Dismayado ako sa’yo, Michael. Hindi naman kita pinalaki na madamot,” komento nito.

Ramdam na ramdam ni Michael ang pagkadismaya ng kaniyang ina. Nang lingunin niya ang pinto ay wala na ito. 

Kinabukasan, kasalukuyan silang kumakain ng tanghalian nang tumunog ang kanilang door bell.

“Nariyan na pala ‘yung binili ko,” narinig niyang sabi ng kaniyang Mommy.

Tumayo ito upang buksan ang pinto at nang dumating ito ay may dala itong isang malaking kahon.

Nanlaki ang mata ni Michael. Kilalang-kilala niya ang kahon, at ang alam na alam niya ang laman noon.

Sa gulat ay napatayo siya. “Wow, eto ‘yung pinakabagong playstation na gusto ko!” tuwang-tuwang bulalas niya.

Ngunit agad na nawala ang ngiti niya nang magsalita ang Mommy niya.

“‘Wag kang matuwa, hindi ‘to para sayo,” anito.

Agad siyang binalot ng pagtataka.

“Para kanino po?”

“Para ‘yan sa pinsan mo. Marami kang ganyan, siya, wala kahit isa. Hindi siya kayang bilhan ni Tita Arlene mo, kaya ako ang bumili para sa kaniya,” katwiran nito.

“Mommy, bakit hindi ko na lang ibigay sa kaniya ‘yung isa kong playstation, tapos sa’kin na ‘yung bago?” suhestiyon niya.

Natawa ito.

“Hindi ba’t ‘yun ‘yung sinabi ko sa’yo kahapon? Kaso ayaw mo?”

Hindi siya makaimik. Totoo kasi ang sinabi nito.

“Kung pinagbigyan mo ang hiling ko kahapon, bibigay ko sa’yo ‘to bilang gantimpala. Pero bakit naman kita bibigyan ng gantimpala, eh hindi mo naman nabigay ‘yung hiling ko?” taas kilay na tanong nito.

Tuluyan nang hindi nakaimik si Michael. Ngunit labis ang pagsisisi niya. Kung hindi siya naging madamot ay baka mayroon na siyang bagong playstation!

Nang dalhin nila ang regalo sa bahay nina Echo ay nagtatalon ito sa labis na tuwa. Kahit paano ay nabawasan ang inggit ni Michael dahil nalaman niya na iyon pala ang unang pagkakataon na magkakaroon ng ganoong laruan ang kaniyang pinsan.

Ngunit hindi pa rin maiwasang sumama ang loob niya. Bakit tila labis labis naman yata ang pagbibigay ng kaniyang ina sa pinsan niya?

Nasagot ang tanong niya nang aksidente niyang marinig ang usapan ng kaniyang Mommy at Tita Arlene.

“Dina, nahihiya naman ako sa’yo. Ang mahal nung regalo mo kay Echo. Hindi naman kailangan,” sabi ng kaniyang tiyahin.

Ngumiti ang kaniyang ina.

“Ate, ano ka ba, wala ‘yan. Hindi ba’t noong ikaw ang nakakaluwag noon, kung ano ang mayroon si Echo, bininili mo rin para sa anak ko? Ngayong ako ang mas nakaluluwag sa atin, kung anong si Michael, gusto ko, mayroon din ang pamangkin ko,” sagot ng kaniyang ina. 

Noon tuluyang naliwanagan si Michael. Kaya pala ganoon na lamang ang pangangaral ng kaniyang ina tungkol sa pagiging mapagbigay. Minsan na pala itong nangailangan ng tulong ng iba.

Kaya naman pinawi niya ang inggit sa puso, at piniling maging masaya dahil napasaya nila ang pinsan niya.

Dahil gaano man kagasgas, totoo ang kasabihan na higit na mapalad ang nagbibigay kaysa ang binibigyan.

Advertisement