Isang Matanda ang Tinulungan Niya Laban sa Madayang Kahero; Ito ang Nangyari nang Muling Magkrus ang Landas Nila
“Ano Tin, nakapasok ka?”
Iyon ang tanong ng kaibigan niyang si Joy habang namimili sila sa grocery store. Tinatanong nito kung nakapasok ba siya sa unibersidad na gusto niyang pasukan.
Malungkot siyang tumango.
“E bakit ang lungkot mo?” usisa nitong muli.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Tin.
“Nakapasa ako. Pasok daw ang grades ko kaya lang nalaman ko na sobrang mahal pala talaga ng matrikula roon. Hindi ako sigurado kung kakayanin ba ng ipon ko. Ayaw ko rin naman na manghingi kay Nanay at Tatay. Sigurado kasing ipipilit nilang ibenta ang natitira naming kalabaw para dito,” mahaba niyang paliwanag.
Imbes na tuloy na magdiwang siya ngayon ay tila pinagbagsakan siya ng langit at lupa.
“Anong plano mo? Hindi mo na itutuloy?”
“Gusto kong ituloy. Sayang kasi, mahirap daw makapasok doon. Siguro maghahanap na lang ako ekstra pang trabaho. Ilang linggo pa naman bago ang opisyal na pagbubukas ng klase. Pwede pa akong makahabol!” aniya sa kaibigan bago pilit na ngumiti para wala na itong ipag-alala.
Nagpatuloy sila sa pagkukwentuhan, ngunit kagyat na naagaw ang kaniyang atensiyon nang marinig niya ang sinabi ng lalaking kahero sa isang matandang nagbabayad sa bandang unahan nila.
“Ayan ho. Isandaang piso ho ‘yang hawak niyo,” sabi ng kahero
Nahinuha niya na malabo ang paningin ng matanda, dahil pilit nitong inaaninag ang pera sa kamay nito. Marahil ay naiwan nito ang salamin nito sa mata. Ngunit kumunot ang noo niya nang makitang ang hawak nito ay hindi isang daan kundi isang libong piso.
Naging malinaw sa kaniya ang sitwasyon: sinasamantala ng kahero ang matanda.
“Ayos na ho, heto ang resibo. Wala na ho kayong sukli,” kumpiyansang wika ng lalaki sa matanda. Akala nito ay walang nakasaksi sa ginawa nitong pandaraya.
Aalis na sana ang matandang lalaki, ngunit hindi napigilan ni Tin na magsalita. Ayaw niya sanang maging dulot ng isang komosyon, ngunit hindi niya maatim na may mga taong sinasamantala, gayong kaya niya namang maiwasan ang ganoong pangyayari.
Mula kasi noong bata siya ang pinakamadalas ipaalala sa kaniya ng mga magulang ay maging matapat sa lahat ng oras. Iyon ang isa sa mga aral na dala niya pa rin kahit saan siya magpunta hanggang sa ngayon.
“Sandali lang ho, Tatay. ‘Wag muna kayong umalis. may lilinawin lang po ako sa kaherong kumuha ng bayad n’yo,” pigil niya sa matanda.
Natigilan ang matanda, pati na rin ang kahero. Maging ang ilang kustomer ay naagaw na ang atensyon.
“Ano ho ‘yun, Ma’am? May problema po ba?” balisang usisa ng kahero.
“Nakita ko ang ginawa mo kay Tatay. Isang daang piso lang ang kailangan niyang bayaran ngunit isang libo ang kinuha mo, at hindi mo siya binigyan ng sukli. Kitang-kita ko,” matapang na pahayag niya.
Noong una ay labis ang pagtanggi ng kahero, hanggang sa may sinabi siyang hindi nito napaghandaan.
“Dukutin mo ang kaliwang bulsa mo, kita kong diyan mo nilagay ang isang libong piso,” mariing utos niya sa lalaking marahas ang pagtanggi. Wala itong nagawa kundi ang sumunod.
Nang madukot nito mula sa bulsa ang isang libong piso ay noon lamang ito umamin. Halos mapaiyak ang kahero sa labis na takot.
“Hindi na po mauulit! Patawad po! Kailangang-kailangan ko po ng trabaho,” pagsusumamo nito.
Sa huli ay nakahinga nang maluwag si Tin nang sinabi ng matanda na palalampasin na lamang nito ang nangyari at hindi na ito magrereklamo. Alam niya kasi kung gaano kahirap ang mawalan ng trabaho.
Abot-abot naman ang pasasalamat ng matanda sa kaniya.
“Sayang at hindi kita nakikita, hija. Naiwan ko kasi ang salamin ko sa bahay. Pero hindi kita malilimutan, at hindi ko malilimutan ang pagtulong mo sa akin. Nawa ay pagpalain ka ng Diyos,” wika ng matanda bago sila naghiwalay ng landas.
Naiwan si Tin na maluwag ang loob. Masaya siya sa maliit na paraan ay nakatulong siya sa isang estranghero.
Nang mga sumunod na araw ay naging abala siya sa pagtatrabaho para lamang mapunan ang pagkukulang niya sa matrikula. Nakaipon naman siya ng ilang libo pamuno para sa matrikula, ngunit kailangan niyang magtrabaho nang tuloy-tuloy upang matustusan ang kaniyang mga gastusin sa eskwelahan.
“Sigurado ka ba na kaya mo? Mag-apply ka na lang kaya ng iskolarship? May mga magagandang iskolarship dito. Malay mo, makapasok ka,” isang araw ay suhestiyon ni Pia, isa sa mga kaklase niya. Iniabot nito sa kaniya ang isang piraso ng papel kung saan nakalista ang mga iskolarship na mayroon sa kanilang unibersidad.
Agad na natuon ang atensyon niya sa iskolarship na nasa tuktok ng listahan. Nakasaad kasi doon na ang makakakuha ng iskolarship ay makakalibre sa matrikula, at makakakuha ng pera para sa allowance.
“Naku, sobrang higpit ng pagsasala n’yan ni Sir Ferdi sa mga iskolar. Isa sa bawat level lang ang nakukuha. Sigurado ka ba na ‘yan ang a-applyan mo?” gulat na tanong ni Pia.
Determinado siyang tumango. “Oo, ito ang kailangan ko, eh.”
Nang sumunod na araw, bitbit ang mga dokumento na kakailanganin, kabado man ay nakangiti siyang kumatok sa opisina ng gurong si Sir Ferdi.
Halos mapaupo siya sa gulat nang bumungad sa kaniya ang isang pamilyar na matandang lalaki. Ang matanda sa grocery store! Ngunit noon ay may suot nang salamin ang matanda. Pormal din ang suot nito kaya naman higit na kagalang-galang ang itsura ng matanda.
Mukhang hindi naman siya nakilala ng lalaki.
May iilang katanungan lamang ito na sinagot niya. Nang matapos ang maikling interbyu ay kabado siyang nagtanong.
“Sir, n-nakapasa po ba ako?”
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi ng matanda.
“Oo, nakapasa ka. Wala akong dahilan para hindi ka tanggapin. Matataas ang grado mo, at sigurado ako na isa kang mabuting bata na tumutulong kahit sa mga estrangherong malabo ang mata. Ang mga kabataang gaya mo ang dapat tumatanggap ng magandang edukasyon,” nakangiting pahayag nito.
Nanlaki ang mata ni Tin. Naalala pala siya ng matanda!
“Paano n’yo po ako nakilala? ‘Di po ba malabo po ang mata n’yo?” kuryosong tanong niya sa matanda.
“Hindi ba’t sinabi ko na hindi kita kakalimutan, maging ang kabaitan mo? Tinandaan ko ang boses mo. Napakaliit talaga ng mundo,” paliwanag ng matanda.
Labis ang pasasalamat niya sa matanda. Hindi niya akalain na ang matandang tinulungan niya pala ang magbibigay sa kaniya ng isang pambihirang pagkakataon.
Tunay nga na maliit ang mundo. Naniniwala siyang ito ang rason kung bakit nagkrus ang kanilang mga landas nang araw na iyon.
Sisiguraduhin niyang hindi ito magsisisi sa binigay nitong tiyansa dahil magsisikap siya nang husto!