
Iniwan ng Ginang na Ito ang Limang Buwang Gulang na Anak para Mangibang Bansa, Mabigat na Problema Pala ang Kalakip Nito
“Mahal, nakasunod na sa Canada ‘yong isa ko pang kaibigan noong isang linggo. Ngayon, nagsisimula na siyang magtrabaho kasama ang iba pa naming kaibigan doon katulad ng pangarap namin noong hayskul pa kami. Ako na lang ang kulang, mahal, hayaan mo na akong mangibang bansa,” pangungumbinsi ni Chay sa kaniyang asawa, isang umaga matapos niyang makausap sa isang video call ang kaniyang mga kaibigan sa ibang bansa.
“Chay, ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na hindi pa ngayon ang tamang panahon para mangibang bansa ka? May anak tayo, mahal, kailangan ka niya,” malumanay na sagot nito na kaniyang agad na ikinainis.
“Bakit? Iyong mga kaibigan ko rin naman may mga anak, ha? Pero nakapag-ibang bansa sila dahil sinuportahan sila ng mga asawa nila. Ako, kailan mo susuportahan sa pangarap ko?” galit niyang sigaw dito dahilan para mapabuntong hininga ito.
“Mahal, iba naman ‘yong sitwasyon natin sa kanila, eh. Malalaki na ang mga anak nila, samantalang ‘yong anak natin, wala pang limang buwang gulang. Kailangang-kailangan niya ang sustansya ng gatas mo,” paliwanag nito sa kaniya na hindi niya inintindi.
“Ewan ko sa’yo! Parang nagsisisi na akong ikaw ang pinakasalan mo!” bulyaw niya pa rito na naging dahilan para magising ang natutulog nilang anak at agad na umiyak.
Kahit na limang buwan pa lang ang nakalilipas simula nang magbigay buhay sa isang sanggol ang ginang na si Chay, gustong-gusto niya na agad na mangibang bansa upang makasama ang kaniyang mga matatalik na kaibigan.
Pangarap nilang magkakaibigan na sama-samang makapagtrabaho sa Canada simula pa lang noong hayskul sila. Nangako sila s isa’t isa na gagawin nila ang lahat para lamang matupad ang pangarap na ito.
At ngayong siya na lang ang kulang sa kanilang barkada na hindi pa nakakalipad patungong Canada, ganoon na lang ang inggit na nararamdaman niya. Lalo pa nang malaman niya kung gaano kalaking pera ang kinikita ng kaniyang mga kaibigan doon.
Ito ang dahilan para halos araw-araw niyang kumbinsihin ang kaniyang asawa na siya’y payagan nang mangibang bansa. Ngunit kahit anong pilit niya, lagi itong hindi sumasang-ayon dahil sa kanilang anak.
Kahit na narinig niyang ngumalngal ang anak niya noong umagang iyon, iniwan niya pa rin ito sa kaniyang asawa.
Siya’y nagkulong sa kanilang silid at nag-umpisang mag-ayos ng mga papeles para siya’y makapangibang-bansa. Patago niyang kinumpleto ang mga ito. Tumatakas siya sa kaniyang asawa tuwing nasa trabaho ito upang makuha niya ang lahat ng kinakailangan niyang dokumento at paglipas lang ng halos dalawang buwan, siya’y handa nang mangibang bansa na lingid sa kaalaman ng kaniyang asawa.
Sa araw ng kaniyang pag-alis, nag-iwan lang siya ng isang sulat sa tulog na asawa at agad nang lumisan sa kanilang tahanan.
Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang tuluyan na niyang makita muli ang mga kaibigan niya sa Canada. Halos humagulgol siya sa tuwa dahil sa wakas, kumpleto na sila at natupad na nila ang pangarap nila. Nagtaka man ang mga ito sa biglaan niyang pagdating, sabi niya, “Huwag na kayong matanong! Ang mahalaga, nandito na ako at kumpleto na tayo!”
Hindi na rin siya nagsayang ng oras simula noon at siya’y agad nang naghanap ng trabaho. Alam man niyang may galit ang asawa niya sa kaniya, pinili niyang hindi ito kausapin at mag-ipon na lang ng pera upang pag-uwi niya, siya’y labis na makakabawi rito pati sa kaniyang anak.
Ngunit paglipas lang ng halos tatlong buwan niyang pagtatrabaho roon, siya’y nakatanggap ng balita mula sa kaniyang kaibigan na may malubha raw na sakit ang kaniyang anak.
“Tingin ko, kailangan mo munang umuwi, Chay. Mas importante ang anak mo kaysa sa perang kikitain mo rito, at lalong higit, kaysa sa sayang mararamdaman natin kapag magkakasama tayo,” pangaral sa kaniya ng kaibigan niyang unang nakarating doon dahilan para siya’y agad na makapagpasiyang umuwi.
Ilang araw pa ang lumipas, siya nga ay tuluyan nang nakauwi sa Pilipinas at agad na nagtungo sa ospital kung nasaan ang kaniyang anak.
Una niyang nakita ang asawa niyang malaki ang ipinayat. Nilapitan niya ito at niyakap ngunit agad itong umiwas at sinabing, “Wala akong mapad*de sa anak natin, Chay, sabaw lang ng sinaing ang palagi niyang iniinom. Swerte na kung maibili ko siya ng tigsasampung pisong gatas. Wala siyang sustansya sa katawan kaya madali siyang nadapuan ng sakit,” saka ito humagulgol.
Labis na pangongonsenya ang kaniyang agad na naramdaman dahilan para ito’y tuluyan niyang yakapin habang humihingi ng tawad.
Agad niya ring pinagdasal ang anak na ngayong nasa operating room. Lumuhod siya’t humagulgol sa harapan ng altar doon ng humigit kumulang dalawang oras at laking tuwa niya nang malamang ayos na ang lagay nito.
Doon na siya nangako rito at sa asawa na hinding-hindi na siya muling mangingibang bansa para lamang makasabay sa kaniyang mga kaibigan.
“Bigyan niyo ako ng pagkakataon, ha, babawi ako, anak ko, mahal ko,” sabi niya sa kaniyang mag-ama habang nagpapagaling ang anak niya sa naturang ospital.