Inday TrendingInday Trending
Bahong-baho na ang Lalaking Ito sa Teddy Bear ng Kaniyang Asawa, Nilabhan Niya Ito na Ikinaiyak ng Misis Niya

Bahong-baho na ang Lalaking Ito sa Teddy Bear ng Kaniyang Asawa, Nilabhan Niya Ito na Ikinaiyak ng Misis Niya

“Diyos ko naman, Edith! Hindi mo ba naaamoy ‘yang teddy bear mo, ha? Ang baho-baho na! Palagi mo pang tinatabi sa pagtulog natin ‘yan!” inis na sigaw ni Harold nang makitang nasa gitna na naman ng kanilang kama ang mabaho at lumang teddy bear ng kaniyang asawa.

“Hindi naman mabaho, ha? Ang bango-bango nga, eh, kung ayaw mong makatabi ‘tong teddy bear na ‘to, riyan ka sa sahig matulog o sa sala para hindi mo talaga maamoy ‘to!” taas kilay na payo nito habang patuloy na niyayakap ang naturang teddy bear.

“Aba, mas pipiliin mo pa talagang makatabi ang teddy bear na ‘yan kaysa sa akin, ha? Magkano mo ba ‘yan nabili? Mukhang mumurahin lang naman ‘yan, eh! Ibibili na lang kita ng bago o kaya, ipapalaba ko na lang ‘yan para naman maging matiwasay ang pagtulog ko!” sabi niya rito dahilan para mapatayo ito at agad na itago sa likuran teddy bear.

“Ayoko ng bagong teddy bear, Harold, at huwag na huwag mong ipapalaba ‘to dahil magkakagulo talaga tayo!” babala nito sa kaniya saka agad na dinala ang kumot at unan at doon natulog sa sala upang huwag lamang magambala ang kaniyang pagtulog dahil sa amoy ng laruang iyon.

Inis na inis na si Harold sa teddy bear na palaging katabi ng kaniyang asawa. Bukod sa ito na ang yakap-yakap ng asawa niya tuwing sila’y natutulog simula nang ikasal sila, umaalingasaw na rin ang amoy na mayroon ito na talaga nga namang nakapagbibigay ng labis na pagkainis sa kaniya.

Ilang beses niya mang sabihin sa asawa niya na labhan ito, palaging sinasabi nito na sila’y magkakagulo kapag pinakialamanan niya ang paborito nitong laruan dahilan para pagtiisan niya ang amoy nito para lang makatabi sa pagtulog ang ginang.

Kaya lang, nitong mga nakaraang araw, napansin niyang iba na ang kulay nito. Siya’y labis na nandiri rito lalo pa nang makita niya itong nasa gitna na naman ng kanilang kama.

Ito ang dahilan para muli niyang pagsabihan ang asawa ngunit katulad ng dati, nagagalit lang ito sa kaniya at umaalis sa kanilang silid upang huwag niya lamang maamoy ang naturang teddy bear.

Nang gabing iyon, iiling-iling na lang siyang namahinga sa kanilang silid at hinayaan niya na lang na magpahinga sa sala ang kaniyang asawa habang yakap-yakap ang teddy bear na iyon.

“Mas mahal pa yata ng asawa ko ang teddy bear na ‘yon kaysa sa’kin, ha?” sabi niya sa sarili saka tuluyan nang natulog.

Kinabukasan, pagkagising niya, pumasok na sa trabaho ang kaniyang asawa. Nag-iwan lang ito ng sulat sa kaniya na nagsasabing, “Pasok na ako sa trabaho, mahal, naihanda ko na ang almusal at baon mong pagkain, ha? Ingat ka!” na talaga nga namang nakapagpangiti sa kaniya.

Ngunit pagkalabas na pagkalabas niya ng kanilang silid, ang teddy bear na iyon ang unang bumungad sa kaniya na nakaupo sa kanilang sofa.

“Kung sinuswerte ka nga naman, halika na, ginoong teddy bear, papaliguan na kita para makatabi ko na sa pagtulog ang asawa ko!” patawa-tawa niyang sabi saka agad itong kinuha at nilabhan.

Inabot din siya ng halos isang oras sa pagkukuskos dito. Sinampay niya ito sa kanilang likod bahay at agad na ring nagmadaling kumilos para siya’y makapasok na rin sa trabaho.

Kaya lang, pag-uwi niya sa kanilang bahay, iyak ng asawa niya ang una niyang narinig na umaalingawngaw.

“Bakit ka umiiyak, mahal? Anong nangyari?” pag-aalala niya rito.

“Hindi ba’t sabi ko sa’yo, huwag mong pakikialamanan ang teddy bear ko? Hindi mo ba alam na ‘yan ang huling regalo at bagay na niyakap ni mama bago siya mawala? Harold, naman! Iyan na lang ang nakapagpapaalala sa akin sa amoy at yakap ni mama! Kaya kahit bumaho at manggitata ‘yan, wala akong pakialam!” hagulgol nito na talaga nga namang ikinakonsensya niya.

Labis siyang humingi ng tawad sa kaniyang asawa saka ito mariing na niyakap. Tumagal man ng ilang linggo ang galit na naramdaman nito sa kaniya, hindi siya nagsawang suyuin ito dahil alam niyang siya ang may kasalanan.

Halos araw-araw niya itong sinasama sa puntod ng nanay nito, roon sila kumakain, nagkukwentuhan, at tumatambay hanggang sa isang araw, bigla na lang bumalik sa dating sigla ang kaniyang asawa.

“Salamat, Harold, mahal ko. Tinuruan mo akong makausad sa malungkot na karanasan ko sa buhay,” sabi nito habang yakap pa rin ang ngayong malinis nang teddy bear.

“Salamat din, mahal, pinatawad mo ako sa ginawa ko sa teddy bear mo,” wika niya na ikinangiti nito saka siya niyakap.

Advertisement