Inday TrendingInday Trending
Naawa ang Dalagang Ito sa Kasambahay na Hindi In-orderan ng Pagkain ng Amo, Dekalibre ang Biyayang Ibibigay Nito sa Kaniya

Naawa ang Dalagang Ito sa Kasambahay na Hindi In-orderan ng Pagkain ng Amo, Dekalibre ang Biyayang Ibibigay Nito sa Kaniya

“Myrna, hindi ba’t isang kape, isang milkshake, isang spaghetti, isang tapsilog, at isang pancake na pangchikiting lang ang order noong ginang doon sa dulong lamesa? Bakit may dinagdag ka pang isang milkshake at isang carbonara rito?” tanong ni Bella sa isa niyang empleyado, isang tanghali nang mapansin niyang sobra ang pagkaing pinapahanda nito sa kanilang kusinero.

“Hindi po kasi nila in-orderan ‘yong kasama nilang kasambahay. Nakakaawa naman, habang sila’y kumakain, nakatanghod lang sa kanila ‘yong ginang,” tapat ni sagot ni Myrna sa kanilang manager saka malalim na huminga.

“Kaya in-orderan mo? Sinong magbabayad n’yan, ikaw?” tanong nito dahilan para siya’y mapakamot na lang ng ulo.

“Ah, eh, opo, ma’am, ikaltas niyo na lang po sa sasahurin ko. Hindi ko lang po talaga kayang makitang nakatanghod lang ‘yong ginang dahil dati rin po akong naging kasambahay at nakaranas nang gan’yan,” kwento niya rito na ikinailing nito.

“Diyos ko, wala ka na namang sasahurin nito, hija. Mabuti pa kaya, ilagay na lang kita sa kusina para hindi lumalambot ang puso mo sa mga ganitong eksena?” sabi pa nito kaya siya’y nanahimik na lang habang sinisipat ang ginang na nakatungo lang sa harap ng mga amo.

Napakalambot ng puso ng dalagang si Myrna. Nakuha niya ang ugaling ito sa ginang umampon sa kaniya noong bata pa lamang siya at pagala-gala sa kalsada upang manglimos. Binihisan siya nito, pinakain, at pinag-aralan dahilan para kaniya itong tanawin na malaking utang na loob at mangakong siya’y tutulong din sa mga nangangailangan.

Ngunit hindi niya inasahan ang biglaang pagkawala nito na talaga nga namang muling nagpahirap sa kaniyang buhay. Dito na siya napilitang mamasukan bilang kasambahay.

Katakot-takot na pamamaltr*to man ang naransan niya rito, pinagtitiisan niya ito para lamang siya’y makakain at may matirhang bahay.

Nang siya’y makaipon na, naglakas loob siyang umalis sa bahay na iyon at namasukan bilang isang waitress sa isang mamahaling restawran.

Doon na niya unti-unting nabuhay ang sarili. Siya’y nakaipon na, nakakuha ng isang paupahan, at patuloy na napakain ang sarili. Kaya lang, kada sasahod siya, palagi siyang nakakaltasan dahil nga sa kalambutan ng puso niya.

May makita lang siyang batang nakatanghod sa labas o kung hindi kaya’y matandang nanghihingi ng pagkain, hindi siya nagdadalawang isip na bigyan ito kapalit ng sahod niya na labis na ikinaiinis ng kaniyang manager dahil naaawa rin ito sa kaniya.

Nang araw na ‘yon, halos maiyak ang ginang na ito nang ibigay niya ng pagkaing inorder niya para rito. Ngumiti lang siya at muli nang bumalik sa pwesto niya habang siya’y masamang tinititigan ng mga amo nito.

Lumipas ang mga araw, hindi pa rin mawala sa isip niya ang ginang na iyon. Pinapanalangin niyang muling kumain sa kanilang restawran ang mga amo nito upang kaniya itong makausap. Pakiramdam niya kasi, nakakaranas din ito nang pamamaltr*to.

Ilang buwan pa ang nagdaan, tila nadinig na ng Diyos ang kaniyang panalangin dahil muli niyang nakita ang ginang na ito. Kaya lang, iba na ang mga kasama nito. Maaliwalas na rin ang mukha nito at masayang nakikipag-usap sa mga kasama nitong mga dalaga.

Lalapitan niya pa lang sana ito nang bigla itong ngumiti sa kaniya at siya’y agad na pinalapit.

“Natatandaan mo ba ako, hija?” tanong nito sa kaniya.

“Opo, ma’am, matagal ko na po kayong hinihintay na bumalik dito. Gusto ko po sana kayong makausap. Pakiramdam ko po kasi minamal…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil bumuntong-hininga na ito.

“Oo, hindi nila ako pinapakain sa tuwing naririnig nilang umiiyak ang anak nila. Mabuti na lang talaga, sinuwerte ‘tong mga anak ko kaya nakuha nila ako sa mga amo kong iyon. Salamat nga pala, ha, ‘yon ang una’t huli kong pagkain noong linggong iyon,” kwento nito na ikinatulala niya, “Hayaan mo naman akong bumawi sa’yo, ha? Ito, tanggapin mo, iyan ang una kong kita sa bagong negosyo namin at gusto ko sa isang mabuting tao ito mapunta,” dagdag pa nito na lalo niyang ikinagulat.

Agad nitong inilabas ang isang tseke at agad na pumirma. Halos lumuwa ang mata niya nang makitang naglalaman ito ng kalahating milyong piso!

“Mag-umpisa ka ng isang maganda buhay, hija. Bilib ako sa kabutihan mo, tiyak, malayo pa ang mararating mo,” sabi pa nito na labis niyang ikinapanlambot at ikinaiyak dahil sa saya.

Taos puso siyang nagpasalamat sa ginang na iyon. Katulad ng gusto nito, siya nga ay nagsimula ng magandang buhay sa pamamagitan ng pagnenegosyo.

Sa ganoong paraan, umalwan na ang buhay niya, mas marami pa siyang natulungang nangangailangan dahil sa bawat kita niya, hindi mabilang ang mga taong natutulungan niya sa lansangan.

Advertisement