
Ayon sa Dalagang Ito, May Sugar Daddy raw ang Maganda Nilang Kaklase; Namutla Siya nang Malaman ang Katotohanan
“Hoy, bespren! Alam mo ba, nakita ko kahapon sa mall si Martha! May kasama siyang matanda, Diyos ko, nakakadiri! Nakakuyabit pa siya sa braso noong ‘Kanong iyon habang naglalakad sila sa mall at may bitbit na mga mamahaling gamit!” agad na balita ni Kristel sa kaniyang matalik na kaibigan, isang umaga pagkadating na pagkadating niya sa kanilang paaralan.
“Ano? Totoo ba ‘yan? Sigurado ka bang si Martha ‘yon? Baka namamalikmata ka lang, ha? Alam ko kasi mayaman ‘yan sila. Kitang-kita naman kung paano siya manamit at umarte. Kaya parang imposible naman na sumama pa siya sa isang matanda,” wika nito dahilan para siya’y mapailing.
“Akala mo lang ‘yon! Kitang-kita ng dalawang mga mata ko kung paano siya magturo ng mga gamit sa matandang iyon! Malay mo, kaya mukha siyang mayaman ay dahil sa mga binibigay ng ‘Kanong iyon!” malakas niyang sambit dito dahilan para marinig nang isa pa nilang kaklase na kakarating lang din.
“Hala, karelasyon niya ba ‘yong matandang kasama niya? Nakita ko rin sila kahapon sa mall, eh, nakausap ko pa nga at pinakilala ako roon sa matanda. Umalis din ako agad kasi nag-iingles ‘yong lalaki, eh. Akala ko naman, lolo niya ‘yon!” segunda nito kaya siya’y napatawa-tawa na lamang.
“O, naniniwala ka na? Sabi sa’yo, eh, may tinatagong baho ang maarteng babaeng ‘yon! Nakakaawa naman, kapit patalim maging sosyal lang!” sabi niya sa kaibigang hanggang ngayon, hindi pa rin makapaniwala.
Inis ang dalagang si Kristel sa kaklase niyang si Martha. Bukod kasi sa palagi itong nakakakuha ng matataas na marka at palaging napupuri ng kanilang mga propesor, maganda at mukha pa itong mayaman dahilan para ganoon na lang siya labis na makaramdam ng inggit.
Ginagawa niya ang lahat upang malamangan ito. Bumili siya ng mga mamahaling make-up mula sa kupit niyang pera sa kaniyang mga magulang, at nag-aral siyang maigi.
Kaya lang, kahit anong gawin niya, hindi niya matumbasan ang ganda at talino nito kaya naisip niyang sundan ito pagkatapos ng klase nila isang araw.
At halos lumuwa ang kaniyang mga mata nang makitang may kinita itong matandang ‘Kano sa isang mall at ito’y nagpabili pa sa lalaking iyon ng mga mamahaling gamit doon.
Ito ang dahilan para agad niya itong ibalita sa kaniyang kaibigan kinabukasan at nang may kaklase silang sumuporta sa ikinukwento niya, ganoon na lang siya nakaramdam ng kasiyahan. Wika niya pa, “Ayos lang na hindi mamahalin ang mga gamit ko, at hindi ako ganoon kaganda at katalino, basta hindi ako nagpapagamit at nanghuhuthot sa matandang ‘Kano!”
Kaya lang, hindi nagtagal ang kasiyahan niyang iyon dahil bigla siyang namula sa kaba nang makitang nakangiti at nakikinig sa usapan nila si Martha.
“Hinusgahan mo naman ako kaagad, Kristel, nakita mo lang akong may matandang kasama. Para sabihin ko sa’yo, tatay ko iyon. Kaya ayos lang na magturo ako nang magturo sa kaniya. Hindi ka na nagtataka kung bakit ako ganito kaganda at katalino? Nagmana lang naman ako sa tatay kong ‘Kano na abogado sa Amerika. Sana, masaya ka pa rin kahit nalaman mo na ang katotohanan,” nakangising sabi nito na kaniyang lalong ikinahiya.
“Boom! Talunan na naman ang inggiterang si Kristel!” sigaw pa ng isa nilang kaklaseng nakarinig ng kanilang usapan dahilan para siya’y paulanan ng tukso ng mga ito.
“Gusto mo bang bigyan kita ng ilan sa mga napamili namin kahapon?” tanong pa nito at dahil sa kahihiyan, siya’y agad na umalis sa silid na iyon habang humihikbi.
Sa kahihiyang naranasan niya, napagtanto niyang kahit kailan o kahit anong gawin niya, hindi niya magagawang tumbasan ang dalagang iyon dahil sa ugaling mayroon siya.
Siya’y agad na humingi ng tawad sa kaklase niyang iyon at nangakong hindi na muling magkakalat ng maling istorya para lamang siya’y makaangat.
Simula noon, hindi na niya kinumpara ang sarili sa iba. Bagkus, natuto siyang mahalin at makuntento sa kung anong mayroon siya. Itsura man niya ito, talino, o mga materyal na bagay, kaniya nang tinanggap kung anong mayroon siya na talaga nga namang nagbigay ng positibong resulta dahil simula noon, siya’y naging masaya sa piling ng kaniyang mga kaklase nang walang nararamdaman na inggit kung kanino man.
Minsan sa kagustuhan nating umangat, nagagawa nating hilahin pababa ang mga taong umaangat. Lagi sana nating tatandaan, walang kinalaman ang tagumpay ng iba sa tagumpay na makakamtan natin pagdating ng tamang panahon.