Inday TrendingInday Trending
Pinapagamit ng Lalaking Ito ng Pampapayat at Pampapaganda ang Misis Niyang Losyang na Raw; Umepekto Naman Kaya Iyon?

Pinapagamit ng Lalaking Ito ng Pampapayat at Pampapaganda ang Misis Niyang Losyang na Raw; Umepekto Naman Kaya Iyon?

“Johnny, sa isang linggo na ‘yong kaarawan ng matalik mong kaibigan na gaganapin sa Tagaytay, hindi ba? Ano kayang regalo ang pupwede nating ibigay sa kaniya?” nakangiting tanong ni Jane sa asawa, habang ito’y nagbabasa ng diyaryo sa kanilang sala.

“Natin? Sino bang nagsabi sa’yong isasama kita? Hindi mo ba nakikita ang itsura mo sa salamin, ha? Puro tigyawat na nga ang mukha mo, puro taba at bilbil ka pa! Paano kita isasama ngayon niyan?” sigaw ni Johnny habang pinandidirihan ang katawan ng asawa.

“Pa-pasensya na, hindi ko naman ito ginusto, eh,” nakatungong sagot nito habang pinipigilan ang pag-iyak.

“Anong hindi ginusto? Puyat ka nang puyat, kain ka nang kain, tapos sasabihin mo hindi mo ginusto? Hindi mo pa yata iniinom ‘yong pangpapayat na binili ko at ilang pamahid sa mukha na bigay ng kumpare ko sa ibang bansa! Kaya bahala ka riyan, hindi ko hahayaang mapahiya ako sa harap ng mga kaibigan ko. Ako na lang ang mag-isang magpupunta roon,” bulyaw niya pa rito dahilan para ito’y mapahangos papasok ng kanilang silid at doon maiyak. Napailing na lang siya nang makita ito dahil para sa kaniya, nag-iinarte na naman ito.

Ginagawa ni Johnny ang lahat upang makasabay sa asawa ng mga kaibigan niya ang kaniyang asawa. Ayaw na ayaw niyang makikita ito ng kaniyang mga kaibigan na losyang, mataba, at hindi makinis ang mukha.

Gusto niya, maging katulad ng asawa ng mga ito ang kaniyang asawa na pawang mga balingkinitan ang katawan, maputi at makinis, at yayamanin sa paningin ng iba.

Ngunit ang problema niya, hindi ganito ang kaniyang asawa. Mabilis itong tumaba, palaging nagkakaroon ng tigyawat, at simple manamit na labis niyang ikinaiinis dahil nga ayaw niyang mapahiya.

Ito ang dahilan kaya bumibili siya ng kung anu-anong pangpaganda at pangpapayat na pilit niyang pinapainom at pinapagamit sa asawa. Ayaw man nito, labis niya itong pinipilit sa kagustuhan niyang maging kaaya-kaaya ang itsura nito.

Nang araw na ‘yon, matapos niyang sermunan ang asawa, hindi na ito lumabas ng kanilang silid dahilan para siya’y labis na mainis.

“Alas dose na, wala pa rin akong pagkain! Hoy, lumabas ka na riyan at maghanda ka na ng pagkain. Ang arte-arte…” hindi na niya natuloy ang sinasabi nang makita niyang nakabugta na sa sahig ng kanilang silid ang kaniyang asawa.

Nakasabog sa paligid nito ang mga binili niyang gamot at pampaganda dahilan para siya’y agad na mataranta at ito’y dalhin sa ospital.

Doon niya nalamang na-over dose ang kaniyang asawa sa pag-inom ng napakaraming gamot na pangpaganda. Nasunog din ang mukha nito sa matapang na pangpaganda na paulit-ulit nitong pinahid sa mukha na nagresulta ng labis na pamumula nito.

Labis siyang nakaramdam ng pangongonsenya habang siya’y kinakausap ng doktor. Ngunit nanaig pa rin ang kagustuhan niyang maging kaaya-aya ang itsura nito dahilan para tanungin niya kung bakit ito tumataba at nagkakaroon ng maraming tigyawat.

“Mukhang may depresyon ang asawa niyo, sir. Pupwedeng hindi siya agad nakatutulog dahil doon. Pwede ring dinadaan niya sa pagkain ang kalungkutang nararamdaman niya. Sinasabihan niyo ba siya nang masasakit na mga salita dahil sa itsura niya?” wika nito na ikinatahimik niya.

Doon niya labis na naisip na siya ang may kasalanan kung bakit nagkakaganito ang kaniyang asawa. Pumasok sa isip niya na dahil ‘to sa kagustuhan niyang makisabay ito sa asawa ng kaniyang mga kaibigan.

“Sa pagpupumilit kong maging payat at makinis ka katulad ng iba, napahamak ka pa. Patawarin mo ako, mahal ko,” iyak niya habang nagpapahinga sa ospital ang ginang.

Simula noon, hindi na niya muling sinabihan ng mga masasakit na salita ang kaniyang asawa bagkus, sinimulan niyang purihin ang mga magaganda nitong katangian.

Sinama niya rin ito sa kaarawan ng kaniyang kaibigan at labis na pinagmalaki ang kagandahang mayroon ito na labis nitong ikinatuwa.

“Ganito pala ang pakiramdam na tanggap mo ako sa kung sino ako,” mangiyakngiyak nitong sabi habang sila’y kinukuhanan ng litrato ng kanilang mga kaibigan.

“Makakaasa kang hanggang kulubot na ang balat mo’t hindi ka na makakita, patuloy kong hahangaan ang natural mong ganda,” bulong niya rito na tuluyan nitong ikinaiyak dahil sa tuwa.

Advertisement