Inday TrendingInday Trending
Patuloy Pa Rin sa Pagchachat ang Bunsong Kapatid sa Namayapa Niyang Kuya; Isang Umaga’y Gulat na Gulat Siya sa Nabasa

Patuloy Pa Rin sa Pagchachat ang Bunsong Kapatid sa Namayapa Niyang Kuya; Isang Umaga’y Gulat na Gulat Siya sa Nabasa

Malungkot na malungkot si Arnold kahit na nailibing na ang kaniyang Kuya Idan, na namayapa dahil sa isang malagim na aksidente. Hindi pa rin siya makapaniwalang wala na ang kaniyang kuya.

Ang kuyang tumayong magulang sa kaniya.

Ang kuyang malapit na malapit sa kaniya subalit tinalikuran niya.

Kung maibabalik lamang ni Arnold ang oras, hahatakin niya ito upang makabawi kay Kuya Idan. Gusto niyang gawin ang mga bagay na dati nilang ginagawa, lalo na noong maliliit pa lamang sila.

Naalala niya, mahilig silang umakyat ng iba’t ibang puno sa kanilang lugar noon, lalo na kapag hitik na hitik na sa bunga ang puno ng santol, kaimito, at mangga. Wala silang pakialam kahit pagbaba nila, nakaabang na sa kanila ang kanilang nanay, may hawak na tsinelas, papaluin sila sa puwet dahil sa katigasan ng ulo nila.

Nagugunita niya, madalas silang maligo sa sapa na malapit sa kanila. Pagkatapos maligo, magpapatuyo sila ng mga damit at katawan sa ilalim ng sikat ng araw upang hindi sila mapagalitan ng kanilang nanay sa kanilang pag-uwi.

Subalit nabago ang lahat habang sila ay nagbibinata at nagkaniya-kaniya na silang tahak ng buhay. Maagang nag-asawa ang kaniyang kuya habang siya naman ay nagpursige sa pag-aaral. Hanggang ngayon, wala pa siyang kasintahan dahil nga mas pinili niyang mag-isa at pagtuunan ng pansin ang kaniyang trabaho at karera.

Dumalang ang mga pagkakataong nagkasama sila ni Kuya Idan. Bumukod na ito. Siya naman, kumuha ng sariling condo unit malapit sa kaniyang pinagtatrabahuhan.

Ganoon na lamang ang panggigipuspos niya nang malaman sa misis ng kaniyang kuya, na nasagasaan ito ng isang traktora. Sumemplang pala ang motor na sinasakyan nito. Pagkatapos, nabangga na ito ng traktora. Tumilapon sa malayo ang katawan ng kaniyang kuya.

Wasak ang motorsiklo.

Wasak rin ang katawan ng kaniyang kaawa-awang kuya.

Habang tinitingnan ang mga posibleng chat na hindi niya natugunan, nahagip ng kaniyang pansin ang chat sa kaniya ng Kuya Idan. Hindi pala niya ito nabasa dahil sa kaniyang kaabalahan. Agad niya itong binasa.

“Bunso, kumusta ka na? Sana magkita naman tayo. Abalang-abala ka sa trabaho mo. Inuman naman tayo minsan. Dalaw ka rito sa bahay. Miss ka na ng mga pamangkin mo.”

Hindi napigilan ni Arnold na maluha sa kaniyang nabasang mensahe. Ni hindi man lamang niya napagbigyan ang hiling ng kaniyang kuya. Ni hindi man lamang niya natugunan ang mensahe nito sa kaniya. Ganoon siya kaabala sa buhay.

Kaya naman, kahit alam niyang hindi na ito makakatugon sa kaniya, tinugon niya ang mensahe nito sa chat, na ngayon lamang niya nabasa.

“Kuya… nag-chat ka pala. Pasensya ka na at ngayon ko lang nabasa. Sayang. Hindi na tayo makakapag-inuman. Kung alam ko lang na huling pagkakataon na pala ito para makasama ka, sana ginawa ko na.”

Sinend niya pa rin ang mensahe kahit alam niyang hindi na ito mababasa ng kaniyang kuya, kahit na kailan.

Maya-maya, dinagdagan pa niya ito.

“Kuya, hinding-hindi ako magsasawang magpasalamat sa iyo, sa lahat ng mga sakripisyong ginawa mo para sa akin simula nang mawala ang nanay. Hindi man lamang ako personal na nakapagpasalamat sa iyo. Tandaan mo kuya, mahal na mahal kita.”

Pagkatapos mai-send ang kaniyang mensahe, pinindot na niya ang button na nag-uugnay sa kaniyang selpon at internet connection. Kailangan na niyang matulog at magpahinga dahil papasok na siya sa trabaho bukas.

Araw-araw, lagi niyang binabati ang kaniyang kuya ng “Good morning!” sa chat, kahit alam naman niyang hindi na ito makatutugon sa kaniya.

Isang araw, pagkagising, agad siyang gumayak at nagbihis upang pumasok sa trabaho.

Matapos niyo, kinuha ang kaniyang cellphone upang i-check ang mga mensahe at e-mails na natanggap niya mula sa araw na ito. Subalit nanlaki ang mga mata niya nang mapansin niyang may tugon mula sa chat messenger ng kaniyang Kuya Idan! Agad niya itong binasa.

“Salamat, bunso. Mahal na mahal kita. Huwag mo na akong alalahanin. Nasa mabuti na akong kalagayan. Lagi kang mag-iingat. Gagabayan kita mula sa langit.”

Hindi makapaniwala si Arnold. Kay bilis ng tibok ng kaniyang puso. Totoo ba ito? Tumugon ang kaniyang Kuya Idan sa kaniyang mensahe? Paano mangyayari iyon? Nakakapag-chat pa ba ang mga kaluluwa? Hindi maintindihan ni Arnold kung ano ang mararamdaman niya. Nangalisag ang kaniyang mga balahibo sa batok at braso.

Kaya naman, tinawagan niya ang naturang account upang matiyak kung sino ba ito: namamalikmata nga lamang ba siya, o talagang ang Kuya Idan niya ang tumugon sa kaniya?

Pumitlag ang puso niya nang may sumagot…

“K-Kuya Idan…”

“Arnold… napatawag ka?”

Ang misis ng kaniyang kuya na si Gloria ang sumagot.

“W-Wala lang… nagulat lang kasi ako na may nag-reply doon sa pinadala kong mensahe rito sa chat kay Kuya, akala ko nagmumulto na siya eh…”

Bahagyang natawa si Gloria.

“Naku pasensya ka na Arnold, ako iyan. Hawak ko kasi ang cellphone ng kuya mo. Nabasa ko yung mensahe mo sa kaniya, kaya sinagot ko na lang. Sigurado ako na ganoon din ang itutugon niya sa iyo kung nabubuhay pa siya. Pasensya ka na kung natakot kita,” paghingi ng dispensa ni Gloria.

“Pero alam mo hindi naman ako talagang natakot, sana nga siya na lang… salamat Ate Gloria. Ingat kayo ng mga pamangkin ko. Dadalawin ko kayo diyan sa Linggo,” pangako ni Arnold sa kaniyang bilas.

Natatawa na lamang si Arnold sa mga nangyari. Buong akala talaga niya, ang Kuya Idan niya ang tumutugon sa kaniya sa Messenger.

Kaya naman tuwing Linggo, dinadalaw na lamang ni Arnold ang kaniyang mga pamangkin upang kahit paano ay makabawi sa kaniyang Kuya Idan. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na hindi niya pababayaan ang naiwang pamilya nito, lalo na ang kaniyang mga pamangkin.

Para sa kaniya, mananatiling buhay ang kaniyang Kuya Idan sa kaniyang isip at puso. Alam niyang kapiling lamang nito ang kanilang ina sa langit.

Ipinagpatuloy pa rin niya ang pagpapadala ng mensahe sa kaniyang kuya sa chat upang kahit paano, maibsan ang pangungulila rito.

Advertisement