
Nahuli ng Misis na Isang Tindera ng Isda ang Kaniyang Mister at Kasambahay sa Akto; Nagtaka si Mister sa Naging Reaksyon Nito
“Ang baho mo naman! Maligo ka naman, amoy-isda ka!”
Iyan ang bungad ni Mang Teban sa kaniyang misis na si Aling Loida, na isang tindera ng isda at iba pang mga lamang-dagat sa palengke. Gabi na ito kung umuwi kaya naman kumuha na ito ng kasambahay upang siyang mag-asikaso sa mga gawaing-bahay.
“Hoy Teban! Baka nakakalimutan mo, tindera po ako ng isda sa palengke, at ito ang bumubuhay sa atin! Kapal naman ng mukha mo! Mamaya-maya maliligo rin ako ‘no,” yamot na sagot ni Aling Loida sa kaniyang mister na isang malaking konsumisyon sa buhay niya.
Lalong nairita si Aling Loida nang makita niyang wala pang sinaing. Nag-init ang ulo niya, lalo na sa kasambahay na si Abby, 21 taong gulang, galing sa lalawigan ng Iloilo.
“Abby! Abby! Nasaan ba ang babaeng iyon? Abby!”
Lumabas si Abby mula sa likod-bahay, basang-basa ang damit nito. Bakat na bakat ang maseselang bahagi ng katawan dahil sa ginagawa nitong paglalaba.
“Anong ginagawa mo? Bakit wala pang sinaing?” mataray na tanong nito.
“Naglalaba po kasi ako, sabi po ni Kuya, siya na lang daw po ang magsasaing,” paliwanag ni Abby.
Sumingit naman si Mang Teban sa usapan.
“Huwag mong pagalitan si Abby, ako ang may kasalanan. Tinamad akong magsaing eh. Gusto mo ikaw na lang magsaing.”
Sa inis, ibinalibag ni Aling Loida ang takip ng kaldero ng kanin sa lapag. Natulig sa ingay nito ang kanilang anak na lalaking si Marcus, partida dahil nakatakip sa mga tenga nito ang malaking headphones, habang naglalaro ng online game.
“Mga wala kayong silbi sa buhay ko! Ako na nga ang pagod mula sa trabaho, ako pa ang mag-aasikaso ng mga lalamunin ninyo! Ikaw Abby, kahit anong ginagawa mo, huwag mong kalimutang magsaing! Kaya nga kita kinuha rito para gawin itong mga bagay na ito eh,” iritang-irita si Aling Loida sa kaniyang kasambahay, na para bang hindi man lamang naaapektuhan sa kaniyang galit.
“Huwag ka nang magsaing. Kumain na kami. May lamig pa kasi. Ikaw na lang magsaing para sa sarili mo,” sagot naman ni Mang Teban.
Lalong naglatang ang emosyon ni Aling Loida.
“Mga wala man lamang kayong malasakit sa akin! Nakakasama naman kayo ng loob!” hindi na napigilan ni Aling Loida na maiyak. Awang-awa siya sa kaniyang sarili. Iniisip niya, bakit siya ginaganito ng kaniyang mister? Porke ba’t naiiwan sa katawan niya ang amoy at lansa ng mga panindang isda? Porke ba’t hindi na siya nag-aayos ng kaniyang sarili? Ni hindi na nga siya makaharap sa salamin dahil mismong siya, hindi na siya nagagandahan sa kaniyang mukha, na maraming kulubot, malaki ang mga eye bags, at nangingitim-ngitim pa?
Nagluto na lamang ng noodles si Aling Loida upang kainin niya sa hapunan. Hindi niya makausap nang matino ang kaniyang anak na laging nakadukmo sa selpon nito.
Magkatabi pang matulog sa kama sina Aling Loida at Mang Teban, subalit tumatalikod si Mang Teban sa kaniya. Wala naman nang pakialam si Aling Loida. Pagod siya, at hindi na niya maibibigay pa ang mga pangangailangan ng mister.
Bandang alas tres ng madaling-araw, nagising sa pagkakatulog si Aling Loida. Tinatawag siya ng kalikasan. Napansin niyang wala sa kaniyang tabi si Mang Teban.
“Sa’n nagpunta ang ungas na ‘yon?” bulong ni Aling Loida.
Paglabas niya ng kuwarto, naudlot ang kaniyang pagtungo sa palikuran dahil sa narinig na ungol sa kuwarto ni Abby. Kinutuban siya. Lakas-loob niyang binuksan ang nakasaradong pinto, at tumambad sa kaniya ang “sapin-sapin” nina Abby, at ang damuho niyang mister.
Tila mga naistorbong aso na kumalas ang dalawa at nagsimulang magbihis ng kanilang mga saplot sa katawan. Hindi makatingin nang diretso si Abby sa kaniya. Hindi naman magkandatuto si Mang Teban.
“L-Loida… kuwan… kasi…”
“Bakit kayo huminto? Sige lang. Walang problema sa akin.”
Natigilan sina Mang Teban at Abby. Hindi ito ang tipikal na reaksyon ng isang misis na nahuling nakikipags*ping sa ibang babae ang kaniyang mister.
“Okay nga lang sa akin. Pasensya na at naistorbo ko kayo. Sige lang. Sige na aalis na ako para makapagpatuloy pa kayo,” kalmadong pahayag ni Aling Loida. Isinarado na niya ang pinto, at nagtungo na sa palikuran.
Sa totoo lamang, hindi alam ni Aling Loida kung ano ang mararamdaman niya sa kaniyang nasaksihan. Gusto niyang pagalitan ang kaniyang sarili dahil kailangang magalit siya, niloloko siya ng mister sa sarili nilang pamamahay, nasaksihan pa niya ang mga ginagawa nito, na dapat ay sa kaniya ginagawa.
Subalit kahungkagan ang namamayani sa kaniya.
Hindi na ba niya mahal ang mister?
Pagbalik sa kuwarto, nakatulog kaagad si Aling Loida.
Kinabukasan, wala na sa bahay si Abby.
“Oh, nasaan si Abby? Hindi ko pa naibigay ang suweldo niya,” tanong ni Aling Loida sa kaniyang mister, na halatang-halatang kabado at tila hindi sanay na kalmado lamang siya.
“Umalis na siya… patawarin mo kami, Loida. Ikaw naman kasi, hindi mo na ibinibigay ang mga pangangailangan ko,” saad ni Mang Teban.
“Hindi ko kasalanan kung masipag ako at ako ang nagtataguyod sa pamilyang ito, at pagod ako’t hindi ko maibigay ang pangangailangan mo! Wala na akong pakialam, Teban. Magkasama tayo sa iisang bubong pero parang matagal na tayong hindi mag-asawa. Kaya noong nahuli ko kayo ni Abby kagabi, sa totoo lang, wala akong naramdamang selos o sakit. Alam mo kung ano ang nararamdaman ko ngayon? Pandidiri,” pahayag ni Aling Loida.
Hiyang-hiya si Mang Teban sa kaniyang mga nagawa. Hindi niya akalaing ganoon ang magiging reaksyon ng kaniyang misis sa kaniyang kalokohan. Isang pangako ang binuo niya sa kaniyang sarili.
Gulat na gulat si Aling Loida, nang pag-uwi niya mula sa palengke, isang nakangiting mister ang bumungad sa kaniya.
“Oh Loida, nariyan ka na pala. Nakapagluto na ako ng hapunan. Marcus, maghain ka na at tiyak na gutom na gutom na ang nanay mo,” utos ni Mang Teban sa kanilang anak. Agad naman itong tumalima. Nagtungo sa kusina at nagsandok ng kaning pinabango sa pandan, at masarap na tinola na nakagugutom ang amoy.
“Loida… gusto ko sanang bumawi sa iyo. Hayaan mo sana akong makabawi sa lahat ng mga pagkukulang ko sa iyo bilang asawa mo. Nakalimutan kitang alagaan.”
Pinatawad ni Aling Loida si Mang Teban at binigyan ito ng pangalawang pagkakataon. Dahil nakita niya ang pagsisikap at pagtitiyaga ng mister upang makuha muli ang kaniyang loob at pagmamahal, unti-unti na ring naibalik ang kaniyang damdamin para rito. Handa na ulit silang buuin ang kanilang pamilya.