
Labis na Nagdamdam ang Lalaki Dahil Walang Sumipot sa Kaniyang mga Anak sa Kaniyang Kaarawan; Subalit Para sa Mana, Tila Nagmadali at Nakompleto Sila?
“Oh mahal, huwag ka nang sumimangot, nawawala ang kaguwapuhan mo eh…”
Inaalo ni Aling Nemesia ang kaniyang mister na si Mang Damian, na magdiriwang sana ng ika-64 taong kaarawan. Dismayado ito, dahil wala man lamang sa kanilang mga anak ang nagtungo sa kanilang bahay para sa munting salu-salong inihanda nila.
Bumati naman sila sa kaniya sa pamamagitan ng tawag, chat, text, at video calls, subalit iba pa rin ang pakiramdam kung naroon sila sa bahay, sama-sama.
“Ikaw talaga, lagi mo na lang akong inaalo. Salamat, mahal. Lagi kang nasa tabi ko. Bakit nga ba ako nalulungkot, parang hindi naman ako sanay. May sarili na nga palang bagwis ang mga anak natin, kaya hindi ko na sila dapat pang inaasahan,” malungkot na sabi ni Mang Damian.
Tinitingnan niya ang nakasabit na picture frames ng kanilang pamilya sa dingding. Mabuti na lamang at masinop si Aling Nemesia sa pagtatago ng kanilang mga lumang larawan. Magmula sa mga maliliit pa ang mga bata, hanggang sa sila ay maging tinedyer, hanggang sa sila ay mga ganap na binata at dalaga na, talagang naitago at naidisplay ni Aling Nemesia.
Lima ang kanilang mga anak. Ang panganay ay si Ralf na isang civil engineer at may-ari ng isang malaking engineering firm. Ang pangalawa naman ay si Agnes, isang fashion designer. Ang pangatlo naman ay si Lawrence, na isang chef. Ang pang-apat ay si Maureen, isang mamamahayag at manunulat sa diyaryo, at ang bunso naman nila na si Charles ay isang assistant director sa isang TV network.
Sina Ralf, Agnes at Lawrence ay may sari-sarili nang pamilya, si Maureen naman ay isang single parent, habang si Charles naman ay wala pang asawa, at ni walang kasintahan.
“Abala lang sa kani-kanilang mga trabaho ang mga anak natin, ikaw naman. Huwag ka nang magtampo sa kanila,” muling pag-aalo ni Aling Nemesia sa kaniyang mister.
“Paano kung sabihin ko sa kanila na ipapatawag ko sila para ibigay na ang mga mana nila? Palagay mo ba makokompleto tayo?” maya-maya ay tanong ni Mang Damian sa kaniyang misis, habang sila ay nagsasalo na sa kanilang mga handa.
“Ano ka ba naman, Damian? Ipinagdiriwang natin ang kaarawan mo tapos gan’yan ka. Para ka namang namamaalam niyan,” sita sa kaniya ni Aling Nemesia.
“Hindi naman sa ganoon. Kaya lang, gusto kong malaman kung anong magiging reaksyon at kung ano ang gagawin nila kapag sinabi ko iyon.”
Hindi naman nagpaawat si Mang Damian sa kaniyang balak. Kinuha niya ang kaniyang cellphone.
Makalipas ang ilang araw, nagulat na lamang si Aling Nemesia nang dumating ang kanilang limang anak.
“Anong ginagawa ninyo rito? Tapos na ang handaan sa kaarawan ng Papa ninyo, ngayon lang kayo nagpunta?” takang-takang usisa ni Aling Nemesia sa kaniyang mga anak habang nagmamano at humahalik ang mga ito sa kaniya.
“Nag-text po ang Papa sa amin, isa-isa. Hindi po ba ninyo alam?” tanong ni Ralf.
Nangunot ang noo ni Aling Nemesia. “Bakit daw? Hindi ko alam. Oh, Damian… narito ang mga anak mo, tinext mo raw sila at pinapunta rito?”
Bumababa ng hagdan si Mang Damian, mula sa kanilang kuwarto.
“Oo, pinapunta ko sila. Sabi ko, sasabihin ko na sa kanila kung anong mga ari-arian natin ang mamanahin nila.”
Napapitlag si Aling Nemesia. “At talagang itinuloy mo ang kalokohan mo?”
“Oo. Tingnan mo, kompleto sila. Samantalang noong kaarawan ko, ang dami nilang dahilan, kesyo mga abala sa trabaho. Tingnan mo sila ngayon, mabilis pa sa alas kuwatro na magpunta rito nang marinig nila na tungkol sa pera ang pag-uusapan!” may himig hinanakit ang tinig ni Mang Damian.
“So ibig sabihin, hindi totoo? Niloloko mo lang kami, Pa? Hindi po ba ninyo alam na marami kaming gagawin, na hindi na namin alam kung ano ang mga uunahin namin sa mga buhay namin, tapos lolokohin ninyo lang kami?” medyo mataas na ang tono ng tinig ni Agnes.
“Pa, hindi kami nagpunta rito para sa pera. Nagpunta kami rito para alamin kung bakit kailangan mong sabihin sa amin na ibibigay mo na sa amin ang mana namin, kahit buhay at malakas ka pa. Nag-alala kami sa iyo, Pa. Akala namin, may malalang sakit ka na,” naiiyak na paliwanag naman ni Maureen.
Hindi na rin napigilan ni Mang Damian na maiyak.
“Patawarin ninyo ako mga anak, nagawa ko lang naman ito kasi miss na miss ko na kayo. Gusto ko kayong makita, mayakap, at mahalikan nang personal. Wala akong sakit. Malakas at maayos ako,” paliwanag ni Mang Damian.
Natahimik naman ang mga anak.
“Patawarin din po ninyo kami, Pa, kung hindi na namin kayo nadadalaw ni Mama. Babawi kami sa inyo. Tutal, narito na lang din naman tayong lahat, magluluto na lamang ako ng masarap na pagkain. Huwag nating sayangin ang oras na magkakasama at kompleto tayo ngayon,” sabi ni Lawrence sa kaniyang mga kapatid.
“Tama si Kuya Lawrence. Saka, dapat talaga ilaan natin ang Sabado o Linggo natin sa kanila. Babawi kami sa inyo, Ma, Pa,” saad naman ni Charles.
At nagyakap-yakap ang buong pamilya. Masayang-masaya sina Mang Damian at Aling Nemesia na sa wakas ay nakompleto rin sila. Pinagsaluhan nila ang masarap na putaheng iniluto ni Lawrence, at walang humpay na kuwentuhan ang kasunod.
Simula noon, inilaan na ng magkakapatid ang kanilang Sabado sa pagdalaw sa kanilang mga magulang. Sila-sila lamang. Para tuwing Linggo, mailaan naman nina Ralf, Agnes, at Lawrence ang kanilang panahon sa sariling pamilya. Sina Maureen at Charles naman ay nananatili roon hanggang Linggo.